Wednesday, February 29, 2012

Kawalan

Tinanong ako ni Tsong. Sabi niya, "Ano meron?"

Sabi ko "Kawalan."

"Ha?"

"Kawalan. Ang meron ako ay kawalan."

***

Noong Pebrero ng isang taon, pabalik-balik ako mula sa UPLB at Diliman. Nagde-date pa kami noon ni Rockstar. Naalala ko pa ang tapang ko noon na makipagkilala sa kung sino-sino. Kung paano ako dumayo sa mga lugar na hindi ko man lang napuntahan before. Naalala ko pa ang tapang ko na makipag-text at manuyo ng mga lalaki na sa tingin ko ay gusto ko. Ang bilis ko mahulog 'nun sa kung sino-sino. Konting lapit. Konting paasa. Sasabihin ko agad, "Tsong heto na. This is it. This is the one true love for me."

Naalala ko pa yung mga panahong iyon. Yung mga gabing ilang lalaki ang kinikilala ko. Yung mga kung kani-kanino ako nakikipagpalitan ng laway. Kung sino-sino ang kayakap. Ang kakwentuhan. Ang kasabayan mag-yosi. Kung sino-sino ang kasama ko magkape. Mag-dinner. Mag-Timezone. Manood ng sine. Naaalala ko pa ang mga nangyari pero ang mga pangalan nila hindi na. Dahil yung iba, hindi ko naman na talaga naitanong ang pangalan.

Lumipas ang Valentine's Day nitong 2012 at buti na lang may mga bumati rin sa akin sa text (at hindi lang mga kaibigan). Pero kahit na malunod ako sa mga rosas at general na kapulahan at kalagkitan ng paligid ko noong araw na iyon, hindi ko pa rin na-miss masyado ang magkaroon ng karelasyon. Kasi pagod na ako. Kasi takot na ako.

Dati kaya ko pang manghabol. Dati kaya ko pang maghanap. Ngayon ayoko na. Masyado na akong mahina. Kahit na merong mga nagpaparamdam, ni mag-reply di ko na magawa. Pagod na ako. Meron naman diyan. Marami diyan na magpapa-alala sa iyo kung ano nga ba ulit ang pag-ibig. Pero wala, sira na ako eh. Ayoko na.

Pero minsan daratnan na lang ako ng gabi na dilat na dilat ang mata, nakatingin lang sa dilim ng kisame ng aking kwarto. Nanlalamig sa loob dahil sa kalungkutan. Naaalala ang mga panahong kapag may nakakasalubong akong mga tipo kong maging boyfriend ay halos dumausdos na ako papunta sa kanila. Pero kahit na dumarating ang mga panahon ng pangangailangan, napangungunahan pa rin ako ng takot. Ayoko na. Sapat na ang mga naranasan ko.

Kaya noong Valentine's Day ay hinalungkat ko na lang ang mga nakaraan ko. Marami-rami na rin kasi akong naranasan. At kahit na ngayong taon ay wala, balikan ko lang ang dati ay solved na solved na ako. Busog na busog sa mga makukulay na alaala ng mga nakalipas na Araw ng mga Puso.

Masaya na akong naglalakad pauwi nang nakita ko na naman ang lalaking taga sa amin na nais sanang magpakilala noong Christmas Break pero dineadma ko. As usual, bumagal na naman siya ng paglalakad para sabayan ako pero dineadma ko pa din siya. Pero bago ako pumasok ng gate namin ay nilingon ko siya at nginitian, na para bang gusto kong sabihin na "Dito ang bahay ko. Tandaan mo."

Pero hanggang doon na lang naman iyon.

Nakakalungkot na isiping tumanda ako nang paurong. Ngayon pa ako naduwag samantalang ang dami ko nang experiences. Ngayon pa ako napanghihinaan ng loob samantalang dapat ay mas sanay na ako sa kalakalan ng mga puso. Pero ganun talaga eh. Oo, malungkot minsan. Pero kasi, kahit sarili ko hindi ko na rin matulungang buksan muli ang pinto ng pag-ibig.

Ok na siguro muna 'to. Sa ngayon, makukuntento muna ako sa kawalan.


Wednesday, February 8, 2012

EDSA, 11:54pm

Ilang beses na rin akong nag-attempt na magsulat muli. Ilang beses na akong nakatunganga lang sa puting screen ng "New Post" habang pinagmamasdan ang pag-blink ng linyang magsisimula sana ng aking mga pangungusap. Sinusubukan kong ayusin ang mga nararamdaman ko tuwing dumarating ang mga panahong kinakailangan kong sumulat pero nitong mga huling araw, parang scrambled sila palagi. Parag hindi ko sila ma-define. Ang alam ko lang na sigurado ako ay nalulungkot na din ulit ako paminsan-minsan. Tapos kapag inaalam ko kung bakit nga ba ako malungkot ay naguguluhan na naman ako.

***

Bakit ba kasi medyo gwapo ka pa? Sana pumangit ka na lang nang kaunti. Para naman maisip mo na hindi ka lugi sa akin. Para tantanan ka na ng iba. Para maisip mo na may chance naman tayo talaga kung lahat man ng pro's and con's ay inilapat natin sa papel at kinuwenta.

Para pwede tayong mag-motel tapos yayakapin lang kita. Lalagay mo ulo mo sa balikat ko tapos hahawakan lang kita hanggang makatulog ka. Tapos pipikit lang ako kasi masaya na ako nang ganun. Kahit hindi mo ako mahal, pwede na din. Narealize ko kasi na ang mas namimiss ko ay ang magmahal at hindi ang mahalin. Naramdaman ko na yun eh. Ang hindi ko pa nararamdaman sa mahabang panahon ay ang magmahal muli.

Sana pwede yon. Sana mas pangit ka na lang. Para hindi mo isipin na kaya kita gusto ay dahil sa itsura mo. Well, totoo naman na type kita. Pero mas type kita dahil sa ibang aspeto ng buhay mo. Mas type kita dahil sa pagkatao mo. Siguro ikaw may nakilala ka nang iba na mas swak sa ugali mo. Hindi ko na naitanong yun sa iyo. Pero sa akin, ikaw lang talaga yun. Sa dinami-dami ng mga nakasalamuha kong mga lalaki, ikaw lang yung umabot sa ganung level. Ako lang ba nakaramdam nung ligaya na yun habang nasa ilalim tayo ng dilaw na ilaw at magkaharap? Nung gabi na iyon, nung tinatanong mo ako kung ano ang nararamdaman ko at hindi ako makasagot?

Kung mas pangit ka lang nang kaunti e di baka tayo na. Baka lumipad na tayo together. Baka kung ano-ano na ang mga nagawa nating mga proyekto. Sana sabay tayong nag-grow. Sana sabay nating tinuklas ang mga bagay na gusto pa nating maranasan.

Sana na lang kasi hindi mo na lang ako pina-fall eh. Kahit na sinabi mo na ganun ka talaga at masama ka in that way, at sinabi ko naman na hindi ko gagawin yun, sana nalaman mo din na malamang yun lang ang sasabihin ko. Kaya ko nga sinabi yun kasi nag-fall na ako eh. I try to be as honest as I possibly can pero sa iyo nagsinungaling ako. Kaya kong itago sa iyo pero hindi sa sarili ko.

May gagawin pa sana tayong kwento di ba? Yung bida (na parang ako) ay magkrukrus ng landas sa medyo kontrabida (na parang ikaw). Tapos gagawa sila ng kwento tungkol sa paggawa ng kwento. Kaso yun pala tinapos mo na ang kwento bago pa man natin ito masimulan. May nangyari naman pero hindi pala ito kwento para sa iyo. Akala ko simula na eh. Yun pala scratch mo lang ako. Sinulat, tapos napangitan ka. Kaya nilukot mo ang papel at itinapon.

Hindi naman ako naglulupasay sa lungkot dahil sa iyo. Masyado na akong matanda para dun. Pero alam mo, mananatiling special sa akin ang pangalan mo. Hindi ko na kailangang ipaliwanag kung bakit.

Huli tayong nagkita sa bus station. Sa EDSA Ayala. Hinihintay mo ako makasakay ng bus. Tapos parang tanga lang ako. Aligaga kasi iba talaga pakiramdam ko kapag kasama kita. Pero siyempre, cool and collected on the outside. Tapos pinag-usapan natin na kapag naliligaw tayo minsan sa Maynila, basta hanapin lang natin ang EDSA ay alam na natin kung nasaan na tayo. Alam na natin kung saan tayo pupunta. Tapos iyon, pagkasakay ko ng bus, narealize ko na hindi pala tayo pareho nang pupuntahan.

***

Ang pangit ng blog ko na ito 'no? Hindi buo. Parang kulang sa damdamin. Kasi siguro nasa sa iyo pa yung ibang parte ng puso ko kaya hayun... Kaya ganito.

Sana balang-araw, mabuo ko ulit ang puso ko. Kasi nakakalungkot din pala kapag marami ka nang minahal.