Magpalit ka na ng shorts. Yan. Dahan-dahan lang baka magising sila. Kunin mo yung jacket mo. Maglagay ka ng pabango. Kumuha ka ng pera. Konti lang kasi baka manakawan ka. Tingin ka sa relo. 1:30 am. Kaya iyan. Bahala na. Kunin mo yung susi. Patayin ang ilaw. Isara ang pinto. Dahan-dahan baka magising sila.
Lakad ka nang mabilis. May mga tamabay sa kanto. Alam nila ang gagawin mo, nararamdaman mo. Kasi pareho lang ang pinipintig ng mga laman niyo.
May mga tao pa naman sa kalsada. Mabuti. Tingnan mo maigi yung iba kasi kaduda-duda ang itsura. Abang ka ng jeep. Sakay. Di mo sigurado kung magkano ibabayad. Hindi ka rin kasi sigurado kung saan ka nga aabutan ng umaga. Tingin ka sa relo mo. 1:45 am. Kaya pa iyan.
Mabilis. Malamig ang biyahe. Lahat sila sa jeep inaantok. Pagod. Ikaw lang ang gising na gising. Kinakabahan ka pero nananabik din.
Nakita mo ang simbahan. Baba ka na. Naka-sando at grey na shorts daw siya. Ayun. Nag-aabang sa iyo. Lumapit ka. Kumaway. Hindi ka niya matingnan sa mata. Alanganin kayo pero andun ka na.
Nauuna sila maglakad. Nakita mo mga kaibigan niya. Sabi niya tatlo lang kayo. Pero tatlo na sila. Maiikli ang shorts. Parang may mga foundation ang mga mukha. Halata kung magsalita. Pero siya, yung naka-sando. Gwapo. Maganda ang tikas. Bumilis ang tibok ng iyong puso.
Sinamahan ka niya sa tindahan. "Ano ba iniinom niyo?" tanong mo. Mamaya may bitbit ka nang Empi lights at pineapple juice. Tara na daw, sabi niya.
Madilim na eskinita. Lahat ng bahay tinitingnan mo. May magandang mga bahay. May pangit. Dito kaya? Doon? Kumahol ang mga aso.
Pumasok siya sa bahay na kulay asul. Pinapasok ka niya. Maayos naman ang bahay. Umupo ka daw muna. Hindi daw niya bahay yung pinasukan niyo, sa kaibigan niya. Pag-upo mo, doon pa lang niya tinanong kung ano pangalan mo.
"Bryan," sabi mo.
"Doon tayo sa kwarto," sabi niya. Umakyat kayo ng hagdan. Nakita mo kung paano lumapat ang shorts niya sa kanyang mga hita. Nakita mo ang legs niya. At naisip mong gusto mo itong mahawakan.
Umupo ka sa kama, sa tapat ng malaking monitor ng isang desktop computer. Hindi ka niya masyado pinapansin. Nagtitimpla siya ng chaser. Humiga ka sa kama at nag-relax. Maya-maya nandyan na mga kaibigan niya. Apat na kayo sa kuwarto. May papunta pa daw na isa. Yung boyfriend ng isa dun. "Paano kaya kami nito?" naisip mo.
Naging abala sila sa Facebook. Sa iTunes. Kinakausap ka nila at alam mong mabait naman sila. Usapang trabaho. Usapang Regine Velasquez. Usapang volleyball. Hindi ka mamamatay ngayong gabi. Makakahinga ka nang maluwag.
Umiikot na ang shot at si sando guy ang tumatagay. Hindi mo maiwasan ang lagkit ng iyong mga tingin sa kanya. Dumadapo sa kanyang mga braso. Sa kanyang balikat. Sa kanyang dibdib. Kapag inaabot niya sa iyo ang mga baso ay sinasadya mong mahawakan ang mga daliri niya. May singsing siya. May kuwintas na rosary na kulay pilak.
Nagsindi ka ng yosi kahit na mabagal dumating ang tama. Usapang boyfriend. Usapang kaibigan. "Ayos ka lang?" tanong nila. Maya-maya dumating na ang hinihintay na jowa nung isa. Nagyakapan sila. Naghawakan.
Bumaba si sando guy para magtimpla ng kape at ikaw na muna ang nagtagay. Lumalabo na ang mundo pero eye level ka pa rin mag-shot. Bumaba ka para i-abot kay sando guy ang shot niya. "Ako na agad?" sabi niya habang inabot mo ang mga baso. Gusto mong hawakan ang gilid ng katawan niya. Gusto mo siyang yakapin. Pero mabait ka. Sa buong buhay mo ganun ka naman talaga, kahit na gusto mong magpanggap na hindi.
Nainom na niya ang alak at iniaabot na niya sa iyo ang baso. Duwag kang umakyat ulit sa kwarto para ituloy ang pagtagay. Uminom ka na lang ng dalawang magkasunod na shot bilang parusa sa sarili mo.
Pag-akyat niya, doon siya umupo sa kabilang dulo ng kama. Ayaw niyang lumapit sa iyo. Naubos na ang juice at tubig na lang ang chaser niyo. Inabot mo ulit sa kanya ang mga baso. "Nilalasing mo ako ha?" sabi niya. Tumawa sila pero sumabog ang tawa nila at naging magulong ingay lang. Humihirap na mag-isip.
Usapang sex. Nagsalita si sando guy. Tungkol sa dibdib niya. "Bakit?" sabad ng isa. "Didilaan na ba?" Tawanan. Narinig mong hindi daw siya nakikipag-sex nang basta-basta. Tumawa lang yung mga kaibigan niya. Hindi mo alam ang isasagot. O kung sasagot ka nga ba. Tuloy ang shot.
Umiikot na ang mundo. Naglalampungan ang mag-jowa. "Torpe ka daw o," may nagsabi. Hindi mo alam kung sino. Hindi mo alam ang isasagot. "Bakit? Paano ba dapat?" tanong mo sa kanila. Litong-lito ka. Hindi mo alam kung may sumagot dahil lahat ng atensyon mo nakatoka na sa paglalagay mo ng yosi sa ashtray. Dumodobleng ingat ka dahil gumagaslaw na ang mga galaw mo. Mahirap mag-isip. May alak pa. Sinasabihan mo ang sarili mong tama na at lasing ka na pero may alak pa. May alak pa.
Nag-CR ka. Pagbalik mo sa kwarto, wala na si sando guy. Nasa kabilang kwarto na daw. Susunod ka na sana pero bigla siyang bumalik. Narinig mong uuwi ka na daw.
Uuwi. Ikaw.
Kinuha mo na ang jacket mo. Hindi mo siya tinitingnan. Hahatid ka niya. Lahat sila ihahatid ka sa sakayan. Hindi ka niya pinapansin man lang. Nang dumating na ang jeep mo, ni hindi mo alam kung nakapag-paalam ka ba sa kanya. Kahit dila mo mahirap na gamitin sa pananalita. Lumiliwanag na ang paligid. Sa jeep ka pala aabutan ng umaga. Akala mo sa kama, katabi niya.
Hilong-hilo ka. Nililingon ng ibang pasahero. Amoy alak. Hinigpitan mo ang kapit mo sa jeep. Hindi lang dahil nasusuka ka. Kundi dahil nasasaktan ka. Laro lang ang lahat ng ito pero may kalungkutang bumabalot sa lahat ng sumasali dito.
Bumaba ka na. Nagpasalamat dahil kaya mo pa. Marami nang tao sa paligid kaya binabantayan mo ang paglalakad mo. Nagpapanggap kang hindi lasing. Nagpapanggap kang okay ka lang kahit na ang gusto mo lang gawin ay huminto, umiyak, at maglupasay sa kalsada.
No comments:
Post a Comment