Monday, April 2, 2012

Bisikleta

Grade 4 ako nang una akong bilihan ng tatay ko ng bisikleta. Kahit na busy siya sa trabaho noon, gumagawa din naman siya ng effort para magampanan ang role niya bilang tatay ko. Nagpunta kasi siya sa Saudi noong mas bata pa ako, kaya marami rin siyang na-miss sa buhay ko. Hindi niya ako nakitang unang umakyat sa stage para makuha ang aking unang medalya. Hindi niya ako nakitang pumarada sa kalsada bilang "Mr. Mexico" noong United Nations day. Hindi niya rin nakita kung paano ko natiis ang panununtok sa akin noong isang kalaro kong masama ang ugali.

Tuwing Sabado ng umaga, dinadala niya ako sa kalsada sa tabi ng eskwelahan namin. Doon kasi ang may malapit na malawak na espasyo para makapag-practice ako. Siyempre, may dalawang training wheels pa munang nakakabit sa bike ko at wala namang effort na kayang-kaya kong sakyan ang bike ko kapag ganoon. Pero kahit na madali lang, hindi ko din siya nagustuhan masyado. Una, dahil nakakapagod. Hindi talaga ako yung bata na mahilig maglaro sa labas. Mas gusto ko pa maglaro ng mga tau-tauhan at gumawa ng mga imbentong laro kasama ang kapatid ko. Pangalawa, dahil nahihiya ako kasi matanda na ako pero hindi pa rin ako marunong.

Isang beses, tinanggal na ng tatay ko yung dalawang maliit na gulong. Subukan ko na daw na wala yung mga yun, sabi niya. At iyon, takot na takot ako. Isang pedal ko pa lang tumba na ako. Tingin daw ako sa malayo. Balanse daw ako. Sinubukan ko din naman talaga pero lagi akong natutumba. Sabi niya, lahat daw ng batang nagsisimula mag-bisikleta ay masusugatan at masusugatan. E takot akong masugatan. Kulang ako sa lakas ng loob. Kaya huwag na lang. Umuwi na lang kami.

Minsan nga may napadaang kaibigan ng tatay ko habang nagprapractice ako. "Tanggalin na natin yung maliit na gulong," sabi nung mama. "Ayaw niya," sabi ng tatay ko. "Hindi pa siya marunong." At sa sobrang hiya ko, iyon na ang huling beses na sinakyan ko ang bike ko sa labas.

Di naglaon, nakalakihan ko na yung bike. Hindi rin naman nagustuhan ng kapatid ko ang mag-bisikleta kaya natambak na lang siya sa kuwarto. Para hindi masayang, ang ginawa na lang namin ng kapatid ko ay ginamit namin syang parte ng mundo ng aming mga tau-tauhan. Yung pedal, naging rollercoaster kuno. Tapos yun pinaikot-ikot na lang namin pabaliktad yung pedal at inimagine na himihiyaw sa tuwa at kaba yung mga tau-tauhan namin. Yung upuan sa likod, naging parang verandah kung saan pwedeng tumambay ang mga tau-tauhan namin doon at mag-kwentuhan. Yung gulong, naging parang bundok kuno na pwedeng akyatin.

Pero hindin pa din tumigil ang tatay ko. Bumili pa siya ng isang bisikleta na mas malaki. Pero wala, ayoko pa rin. Lumaki lang at mas naging exciting ang rollercoaster ng mga tau-tauhan ko. Minsan kapag bored ako, sumasakay din naman ako at pinepedal nang pabaliktad, at iniisip kong parang nasa gym lang ako. Ilang buwan din siyang nakatambak lang sa kwarto hanggang sa pinamigay na lang niya sa pinsan ko para may makagamit naman. Siguro dapat nalaman na niyang hindi talaga ako sporty nung ginawa kong upuan ang basketball na regalo sa akin noon ng ninong ko noong nakaraang Pasko.

Mahilig talaga sa bisikleta ang tatay ko. Hanggang ngayon, inaalagaan pa din niya yung bisikleta niya na sinasakyan niya tuwing may kailangang bilihin sa medyo malayo o kung bibisitahin niya ang lola ko sa Paranaque. Kahit ngayon, madalas ko siyang naaabutan na kinukumpuni ang bisikleta niya, na minsan namamangha na nga ako kung ano pa bang kailangang ayusin dun dahil parang ayos na ayos na niya. Minsan, narinig ko silang nag-uusap ni Mommy at pabiro niyang sinabi na yung bisikleta niya ang tanging magiging kotse niya. Nalungkot ako dahil alam kong pangarap din sana ni Daddy na magka-kotse.

Dati, noong lumipat na kami ng bahay sa Las Pinas, yun din ang sinasakyan namin papunta sa school namin sa Paranaque. Yung kapatid ko nakaupo sa harap tapos ako sa likod. Naaalala ko pa din yung mga panahong natatakot ako kapag gumegewang ang bisikleta kasi baka dumausdos kaming tatlo sa kalsada. Pero hindi naman nangyari yun. Isa sa mga pinakanaalala kong mga moments yung tatlo kaming nasa bisikleta, malamig ang hangin at halos manigas na ang kamay ko sa pagkakapit sa upuan, at matingkad ang kulay ng langit at mga ulap dahil sa papalabas na ang araw. Masaya din pala noong panahong buo pa ang aming pamilya. Noong simple pa ang lahat.

Ngayon, hindi pa rin ako marunong mag-bisikleta. At sobrang inggit na inggit ako sa mga marurunong. Sinusundan ko talaga ng tingin yung mga nagbibisikleta minsan. Iniisip ko kung ano ba ang pakiramdam nila. Para bang tumatakbo? Para bang lumilipad? Ang sarap siguro maramdaman nung ganung feeling... Yung hangin tumatama sa mukha mo tapos ang free... Ngayon sa tricycle ko na lang sinusubukang maramdaman yun. Uupo ako sa likod ng driver tapos minsan talaga titingin ako sa langit habang mabilis ang takbo ng tricycle. O kaya naman sa mga Fairview bus na hindi aircon, lalo na kapag gabi o madaling araw. Halos ilabas ko na ang ulo ko sa bintana para lang maramdaman yung ganung feeling na mahangin at parang lumilipad...

Minsan naiisip ko na perpektong simbolismo sana yun ng buhay ko kung marunong lang ako mag-bisikleta. Yung malaya kang gumalaw. Yung mabilis at parang lumilipad. Naisip ko kung marunong lang ako, tatayo pa ako habang pumepedal. Tatalon pa sabay sigaw habang tumatakbo nang mabilis! At mag-eexhibition kagaya ng sa mga panaginip ko. Pero hindi ko natutunan yun eh. Hindi ko natutunang mag-balanse kaya isang pedal ko lang tumba na agad ako. Parang ngayon sa totoong buhay, hindi ako marunong mag-balanse ng mga dapat kong gawin at gusto kong gawin. Kung inayos ko lang ang buhay ko, siguro nabilihan ko na ang tatay ko ng kotse ngayon.

Naisip ko din kung mas magiging proud ba sa akin ang tatay ko kung natuto akong mag-bisikleta. Magbibike kaya kami side-by-side? Mas makakapag-father-and-son bonding kaya kami kung ganun? Pero wala eh. Naging nerd ako turned party animal. Naging bading pa. Kung hindi ako naging ganito, hindi kaya niya ako mapapalayas ng bahay kagaya nung ginawa niya dati? Hindi niya kaya ako bubugbugin at sisigawan? Naiisip kaya ng tatay ko yun habang kinukumpuni niya ang bisikleta niya na sana ang relasyon namin bilang mag-ama ang kinukumpuni niya?

May mga bagay na lumipas na at wala na tayong magagawa para baguhin pa ang mga iyon. Pero nasa puso ko pa rin ang pagnanais na sana, bago ako mamatay ay matutunan ko rin mag-bisikleta. Kahit na matanda na ako, sana dumating pa din yung panahon na malalapitan ko ang tatay ko at masasabing, "Daddy, pwede mo ba ako turuan mag-bike?"


No comments:

Post a Comment