Nagtatagay ako sa sahig at naka-upo siya sa sofa.
"Pwede bang tumabi ka sa akin?" sabi niya.
"Shot mo na," sabi ko, sabay abot ng baso.
"Ayoko na."
"Ok," at tumabi ako sa kanya. Nainis ako nang kaunti dahil ayaw na niya uminom. Wala pa sa kalahati yung laman ng bote. Nagsindi na lang ako ng yosi.
"Gusto kong subukan," sabi niya.
Alam ko naman ang usapan namin pero naisip kong baka hindi na niya ituloy. Ako kasi, okay na iyon sa akin na may kausap. May kasama lang. Kasi sa totoo lang, hindi ko naman siya ganun ka-type. Hindi lang sa itsura niya. Pati sa ugali niya. Medyo delayed ang development. Yun pa lang fact na virgin pa din siya hanggang ngayon, nagsabi na sa akin na hindi ko siya pwede maging boyfriend. Magiging teacher ako nito.
"Subukan ang alin?" tanong ko.
"Ayoko palampasin ang chance."
Naintindihan ko siya kasi pinagdaanan ko na din iyon dati. Kahit na medyo huli na, at least gusto niyang makilala kung ano talaga siya. Hindi nga naman siya makaka-usad sa buhay niya hangga't hindi niya nalalaman.
"Halika, yakapin mo ako," sabi ko.
At nilagay niya ang braso niya paikot sa likod ko. Nilapat niya ang kamay niya sa hita ko.
"Okay lang ba?" tanong niya.
"Sige lang, ikaw bahala," sabi ko sabay hithit ng yosi. Tinaas ko pa ng bahagya ang mga braso ko para mas madali para sa kanya.
"Heto na," sabi niya. "Anong gagawin ko? Hindi ko alam. Nanginginig ako."
"Chill ka lang," sabi ko.
"Okay lang ba talaga? Nahihiya ako eh."
At naintindihan kong hindi kami uusad kung hindi ako ang magsisimula. Pinatay ko ang yosi ko sa ashtray at hinalikan ko siya.
Hinalikan ko siya na parang gusto ko siya. Hinalikan ko siya na parang sabik na sabik ako. Inisip ko na lang na sana mapasaya ko siya. Na sana maging mas memorable ang first time niya. Kahit na wala talaga akong apoy na nararamdaman. Sige lang, trabaho lang. Bayad na naman ako, kung tutuusin.
"Gusto ko pero kinakabahan ako. Patayin mo na lang yung ilaw," sabi niya. "Baka may makakita sa atin."
At sinunod ko na lang ang gusto niya.
Humiga siya sa sofa at hinila niya ako sa ibabaw niya.
"Alam mo konti na lang, mahal na kita," sabi niya.
Lalo tuloy hindi ko siya nagustuhan.
Hinahawakan niya ang mukha ko. Hinalikan ang kamay ko. At kahit na matagal na rin na panahon ang lumipas since may gumawa sa akin ng mga bagay na iyon, nanguna pa rin ang pagtataka kung anong nakikita niya sa mukha ko at hinahaplos niya ito. Kung anong meron sa kamay ko at bakit niyayapos niya. Dapat inenjoy ko na lang siguro. Pero kakaiba lang talaga yung pakiramdam na gusto niya ang katawan ko.
Pagkatapos, naupo na siya ulit sa sofa. Umupo din ako pero hindi sa tabi niya.
"Pawis na pawis ka," sabi niya.
Tumawa na lang ako. Naalala ko na lang na lahat naman ng mga nakasama ko sa kama, alam ito tungkol sa akin.
Nilagay niya ang kamay niya sa hita ko habang pinagmamasdan niya yung mga nakasabit na larawan ko sa sala. Yung mga diploma ko. Yung mga kung ano-anong certificates.
"Anong iniisip mo?" tanong ko.
"Ikaw," sabi niya.
At nakita ko sa kanya kung paano pala ako sa ibang lalaki na gusto ko. Kasi yun din ang sagot ko kapag tinanong nila ako. Na-guilty ako. Alam kong gusto niya ako. Hindi ko na lang siya tinitingnan. Mahahalata ako.
Tumayo siya at sinabing aalis na siya.
"Hindi na ako nakapag-gitara," sabi niya. "Next time na lang, kung iimbitahan mo ulit ako pumunta dito. Pero tingin ko hindi na. I feel it in my bones."
"Talagang in my bones ha?" sabi ko. Pero hindi ko dineny na hindi ko na nga siya papapuntahin.
Para siyang lasing habang hinahatid ko siya dun sa sakayan ng tricycle. Alas-dos na pero ang ingay pa din niya. Buti na lang marami ding tao sa labas nung gabing iyon.
Pagbalik ko sa bahay, hindi ko muna pinansin yung fone ko kasi hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kapag nag-text siya. Hindi ko alam kung ano ba dapat ang gawin. Magiging mabait na lang ba ako? Subtle ko lang bang ipaparamdam na ayoko na siyang makita? Na wala kaming future together?
Lumipas ang isang oras at pinulot ko na din ang fone ko. Ineexpect na magtetext siguro siya pag-uwi niya. Nag-aalala din naman ako kung safe ba siyang nakauwi.
Pero hindi na siya nag-text.
At iyon. Ganun lang. Ganun lang ang kalakaran ng mga buhay namin.
Tinext ko na lang yung kasunod sa aking listahan.
"Hi, si Bry to. Binigay mo yung number mo sa akin sa... Kelan ka free?"
No comments:
Post a Comment