Buwan ng Hunyo. Papalubog na ang araw at pagod akong naglalakad pauwi sa KNL. Freshie pa lang ako nun at wala pang kamuwang-muwang. Kahit nga yung sakayan ng tricycle sa KNL, hindi ko pa alam kaya tuloy pagkahaba-haba ng nilalakad ko lagi pauwi. Kahit sumubok ng mga shortcuts, ayaw ko pang gawin. Totoy pa ako nun kung Totoy. Duwag din kung duwag.
Malapit-lapit na ako sa tinitirahan kong boarding house nang may lumapit sa akin na ale. Lumabas siya mula sa isang tindahan. Tinanong niya ako kung taga-UP daw ba ako. Naguluhan akong tumango tapos pinakilala niya yung anak niya na taga-UP din, si Datu. Matangkad si Datu. Cute. Ngumiti siya sa akin at dahil hindi pa ako out noon at ayokong mahalata kaya pokerface lang ako. Nakakatawa yung eksena na parang proud pa yung Nanay niya (nakangiting tumitingin back and forth between us) at nagkakilala kami samantalang minuto pa lang ang lumilipas simula nung lumapit siya sa akin.
"May boarding house ka na ba?" taong nung ale. Sabi ko meron na, at itinuro ko pa kung saan banda. Sabi niya, sumama daw ako sa kanya at may ipapakita siya sa akin na mas okay na boarding house. Medyo nag-alangan ako sumama pero nagpumilit sya at sinabing sadali lang naman. At dahil Totoy pa ako, sumunod na lang ako.
Pumasok kami sa isang eskenitang gwardyado ng sobrang daming aso. At sobrang mga violent pa sa pagwawala, na tipong aakalain mo talagang nasa gate ka ng impyerno at si Cerberus yung nagkaka-kahol na iyon. Halika, sabi nung ale, nakatali naman yang mga iyan. Hinugot ko ang konti kong lakas ng loob at patakbo akong pumasok sa eskinita patungo sa isang eksenang tila langit pala ang kalalabasan.
Dead end pala ang eskinita. May poso sa labas, at nakatambay doon ang ilang mga binatang walang mga T-shirt lahat. May isang naglalaba. May nagyoyosi. May mga nagkwekwentuhan. Lahat sila lumingon sa pagpasok namin. Na-conscious ako nang timba-timba. Sa itsura ko, at sa itsura nila. Sila pala ang mga nakatira dito. Binati nila ang landlady nila at ipinakilala ako. Si Bryan, isang freshman.
Pinapasok ako nung landlady sa loob at tumambad pa doon ang ilan pang mga lalaki. Uso yata ang walang suot na T-shirt sa kanila. May isa pa ngang nakatapis lang ng tuwalya habang may kausap sa telepono. Yung iba nakahiga lang sa couch. Meron ding nagplaplantsa. Lahat sila lean at maganda ang katawan. Walang mataba. As in. At sa sobrang pagkamangha ko sa mga katawan nila ay tumatak sila sa aking isipan.
Sumilip ako sa kusina. Sumilip ako sa sala. Sa totoo lang, hindi naman kagandahan yung boarding house na iyon pero halos hindi ko rin naman nakilatis dahil hindi ako makatingin sa paligid ko. Panakaw-nakaw kasi ako ng tingin sa mga nakatira dun. Hindi ko maiwasan. Bata pa ako nun. Wala pang karanasan. Malakas pa ang elemento ng pagkasabik. Tuloy ang pagdaldal ng landlady tungkol sa mga amenities ng lugar pero hindi na ako nakikinig. Sa ibang amenities kasi ako nakatingin.
Lumapit yung isang boarder sa akin. Yung matangkad, at kung umasta ay parang leader kuno nila. "Welcome pare" sabi niya, sabay abot ng kamay. Nakipag-shake hands ako na parang normal lang pero naku lord, alam kong sobrang halata ako noon. Bakit kasi kailangang ngumiti pa sa akin with an inviting look? Bakit kasi kailangang shirtless pa? Kahit nga siguro yung landlady nahalata na parang hinulugan ako ng mga kiti-kiti sa brief.
Sinubukan kong i-imagine agad if ever doon nga ako tumira. Sinilip ko ang bakanteng kama sa double-deck. Sinilip ko ang magugulo nilang gamit. Kahit yung tapis nung isang nasa telepono pa din, sinilip ko din pero ang hirap talaga mag-isip doon.Tanging ang nag-iinit na katawan ko lang ang nagpupumiglas at tila sinasabing itali ko na ang sarili ko doon at magiging maligaya ako magpakailanman.
Paglabas namin ng landlady sa bahay ay nakita kong nakikipag-usap yung nakipagkamay sa akin sa mga nasa may poso. Lumingon sila sa akin at ngumiti, at hindi ko maiwasang isipin na baka ako ang pinag-uusapan nila. Tapos humiga yung nakipagkamay sa akin sa isang lumang couch at nag-stretch at nag-preen at hindi ko maiwasang sundan ang hubog ng mahaba niyang torso. Whew, sobra na 'to. Inosente pa ako. Inosente...
Paglabas namin ng eskinita ay walang humpay ang landlady sa abiso sa akin na kung magbago raw ang isip ko at gusto kong lumipat doon sa mala-langit niyang pugad ay pumunta lang daw ako sa tindahan niya. Parang tuwang-tuwa siya sa sarili niya. Hindi ko alam kung mangkukulam ba siya at nahulaan niya agad ang kahinaan ko. Hindi ko alam kung staged lang pala ang lahat at yun ang kanyang tested and proven effective na strategy sa pagkuha ng mga boarders. Shocked pa din ako sa aking nasaksihan, at opo lang ako nung opo dahil alam kong wala naman akong lakas ng loob na lumipat ng boarding house. Ang tanga ko pa din kasi nun. Ang weakling. At nakayuko na lang akong umuwi sa aking tinitirahang boarding house. Puno ng hindi maipintang pinaghalong lust at angst sa mundo.
Pagdating ko sa gate ng boarding house ko, lumapit sa akin yung kasambahay ng landlady namin at sinabing may gusto raw magpakilalang construction worker. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko naintindihan ang saysay ng sinasabi niya. Gusto magpakilala sa iyo, inulit niya habang natatawa. Yung construction worker na naka-maikling shorts na pula, sabay turo dun sa building na ginagawa sa tapat ng boarding house namin.
At dahil hindi pa ako out nun, (at actually hindi ko pa din talaga alam ang sekswalidad ko nun) ay hindi ko na lang siya pinansin at umakyat na lang ako patungo sa aking kwarto habang nakayuko ang aking ulo. Gulong-gulo ang isip ko. Ang sarap sana, pero hindi pa ako handa. Gusto ko sana, pero hindi pwede. Ang hirap kasi. Ang gulo.
Kaya pagdating ko sa kuwarto, dumerecho na lang ako sa banyo. Idinaan ko na lang sa ligo.
No comments:
Post a Comment