Monday, December 30, 2013

My Friend, My Benefit

Sa salamin tayo nag-uusap.

Nakaupo ako sa kama, samantalang ikaw nakatayo sa may banyo. Nakaharap tayo sa salamin at doon tayo nagkikita ng mata. Kakatapos lang natin kumain ng dala kong takeout na Jollibee.

"Ang puti mo pala," sabi mo bigla.

Napatingin tuloy ako sa sarili ko sa salamin. Mukhang maputi nga ako tingnan. Naka-sando lang kasi siguro ako. Tapos siguro nakatulong na din na hindi na ako nagsusuot ng salamin ngayon kaya medyo maaliwalas tingnan ang mukha ko. Gusto ko sanang sabihin na pagkatapos ng lahat ng mga nangyari sa atin, ngayon mo lang napansin na maputi pala ako. Ilang beses mo na ako nakita nang walang damit tapos ngayon mo lang yun napansin?

Nag-shower ka at humiga na muna ako sa kama at nag-isip. Bisperas ng pasko. Maraming tao sa labas. At heto tayo, magkasama. Normally, mga magka-relasyon lang ang magkasama ng ganitong araw. Pero heto tayo, magkasama.

Maya-maya, lumabas ka na at humiga sa tabi ko. Nakatingin tayo pareho sa kisame. Hindi tayo nagpapansinan. "Ako lang ba ang nagtataka sa sitwayon na ito?" inisip ko.

At iyon, nagsimula ka nang magkuwento. Dapat nga, kakain na muna tayo sa labas bago tayo pumunta sa hotel. Pero sabi mo takeout na lang para makapag-kuwentuhan tayo. Kaya iyon, hinayaan lang kita kasi alam kong gusto mo ng kausap. Maya-maya, magkadikit na mga braso natin. Kunyari hindi ko namalayan.

Pumapatak ang metro at ako ang nagbayad ng kuwarto pero hinayaan lang kita magkuwento nang magkuwento. Pwede naman sana gawin iyon sa labas. Sa ibang lugar na walang bayad. Pero sa labas kasi hindi kita matitingnan nang maigi. Yung tipong malapitan talaga. Hindi naman sa nagwa-gwapuhan talaga ako sa iyo pero minsan ang sarap mo tingnan habang nagsasalita ka. Nadadala kasi ng personality mo. Nadadala ng pagkatao mo.

Hindi ko na din natiis at maya-maya ay niyakap na kita. Niyakap mo din ako. Pero tuloy lang ang kuwentuhan natin. Lumapat ang kamay ko sa tagiliran mo at bigla kang gumalaw.

"May kiliti ka pala dito?" sabi ko.

"Oo."

"E dito?" Gumalaw ka ulit.

"Huwag," sabi mo.

At hindi ko na pinilit. Kasi pakiramdam ko ikaw yung tipo ng lalaki na hindi ganun. Lalo na kas hindi naman tayo.

Minsan hinahalikan kita. Sa balikat mo, habang magkatabi tayo sa kama. Sa leeg. Sa pisngi. At alam ko na bawal dapat iyon kasi nga, hindi naman tayo. Pero hindi ko alam din sa sarili ko. Hindi naman kita mahal. Pero gusto kong gawin iyon. Gusto kitang lambingin. Siguro kasi yun ang hinahanap ko ngayon. Yun ang kailangan ko.

Maya-maya nagtalo tayo. Tungkol sa kung bakit mas qualified pa sa mga trabaho ang mga may college degrees kesa sa mga taong mas may experience. Medyo naging mainit ang diskusyon kaya napabangon ako. Umupo ako sa iyo, habang nakahiga ka at doon ako nagpaliwanag kung bakit dapat ganun ang sistema. Parang wrestling lang ang posisyon natin. Para ding mag-asawa. Alam ko, hindi ka sanay dun. Pero wala eh. Pasko. Malamig.

Dalawang oras na pala tayong nag-uusap nang hindi ko namamalayan at nag-ring na yung telepono. Twenty minutes na lang daw, sabi ng receptionist.

"Naku, tara na," sabi mo, sabay hablot sa akin.

"Ayoko nang nagmamadali," sabi ko.

"Sayang yung bayad."

"Okay lang."

"Sayang."

Pero tinawagan ko pa din ang receptionist at sinabing mag-eextend tayo. Kung puwede nga lang, huwag na natin gawin kasi masaya na naman ako sa lambingan natin. Pero wala eh. Ang hot mo kasi.

***

 "Baka usisain ako ng nanay mo," tanong mo habang magkatabi tayo sa jeep papunta sa amin. Di ko alam talaga kung bakit ba kita inimbitahan para uminom sa bahay. Medyo awkward kasi iyon. Well, sabi mo nga, wala ka din namang kasama sa Pasko. Malulungkot ka lang. Malulungkot lang tayo pareho.

"Hindi," sagot ko. "Nag-text na ako sa nanay ko. Sabi ko huwag siya matanong kasi hindi naman kita boyfriend."

"Wala akong cap. Hindi ako sanay na wala akong cap. Lalo na kapag lumalabas," sabay hagod sa maikli mong buhok.

"Okay naman ah," sabi ko. Pero natuwa ako nang kaunti at nag-alala ka sa itsura mo. Kinabahan ka ba sa nanay ko?

***

Ikaw ang nag-timpla ng iinumin natin. Ikaw kasi nakaka-alam nun. Lime. Sprite. At gin. Wala nga lang yelo kahit saan dahil naubos na ng iba ding mga iinom ngayong Christmas Eve.

Inom. Yosi. Maya-maya namumula ka na. Humingi ka ng contact lens solution kasi nagiging grainy na yung suot mo.

Nakikinig lang ako sa iyo. Kasi, kapag kinukuwento mo yung lahat ng napagdaanan mo, nababalewala ang buhay ko. Ang dami mo nang naranasan. Kung saan-saan ka na napunta. Lahat ng mga isyu ko sa buhay ngayon, nagiging trivial kapag ikaw na ang nagsasalita. Hindi lang problema ko. Lahat ng mga problema namin as a batch, nagiging pawang mga kaartehan lang.

Akala ko dati, sa mga mas matatalino lang sa akin ako mai-impress. Dun sa mga mas malawak ang pag-iisip. Dun sa mga kayang gumawa ng mga bagay na hindi ko kaya. Hindi ko akalain na meron din palang mga kagaya mo na iba ang liga, pero deserving din ng paghanga ko.

Minsan, habang nagsasalita ka, gusto ko sanang hawakan ang kamay mo. Lalo na kasi minsan alam ko naiiyak ka na. Lalo na kapag nagkukuwento ka sa pamilya mo. Kung paanong nakikita mo silang lahat na masaya sa Facebook. Masasaya na sa kani-kanilang pamilya. Tapos ikaw na naipit sa gitna, wala nang nag-aalala. Leche pati nga ako naiiyak. Kaso hindi naman kita malapitan masyado. Kasi friends nga tayo. Friends lang.

Pero may mga pahaging ka pa rin na mga salitang binibitawan. Mga "what if" na sitwasyon. Mga sinasabi mong hindi ka naman naghahanap ng boyfriend ngayon pero hindi naman ibig sabihin noon sarado na ang puso mo. Mga sinasabi mong minsan nakakatuwa ang tadhana kasi may iba-ibang klase kang taong makakasalamuha tapos baka yung iba dun, siya na pala yung hinahanap mo. Mga sinasabi mong sa sitwasyon natin wala naman kasing nag-iinitiate ng papunta sa relationships pero kung meron lang sana.

At sa totoo lang, gusto ko nang patulan yung mga hirit mong iyon lalo na dahil lasing ka naman so baka di mo rin masyado maalala. Pero kasi, alam ko, na ang kailangan mo ngayon ay iyong makakatulong sa iyo. At hindi ako iyon ngayon. Kasi sarili ko nga, hindi ko maayos. Paano pa kaya ang ibang tao? Gusto ko sana subukan pero hindi ako sigurado kung kaya ko ba.

Tsaka kasi wala ka na ring tiwala. Kasi lahat ng mga lalaking na-meet mo, habol lang sa iyo katawan mo. Lahat ng pakikipag-kaibigan, puro sex lang sa huli. At sadly, ganun din tingin mo sa akin. Hindi ko tuluyang ma-deny. Ang hot mo kasi. Pero alam ko na kaya kong wala. Kasi may nakikita ako sa iyo na hindi nakikita ng iba.

"Hindi naman ako nagkukuwento sa iba eh," sabi mo. "Hindi ako ganito. May isa din dati. Kaso wala na siya ngayon."

"Wala ka bang mga kaibigan?"

"Wala na. Kasi palipat-lipat nga ako. Tsaka dati yung bestfriend ko, sinulot yung boyfriend ko. So wala na akong bestfriend-bestfriend ngayon."

"Alam mo, ang malas mo. Ang malas mo sa lahat ng mga taong nakilala mo."

"Kaya ako, alam ko na iyan. Marami na akong alam tungkol sa mga tao. Sex lang habol nila."

"Huwag mong lahatin."

"Laging may kapalit iyan."

"Hindi ba pwedeng may mabait lang talaga? Tingnan mo ako, ilang beses na din naman akong ginamit at niloko ha."

"Hindi ka ba natatauhan? Masyado ka kasing nagtitiwala. Ako, dinala mo ako dito sa bahay niyo. Paano kung masamang tao pala ako? Dapat hindi ka ganun."

Kumunot ang noo ko. Kasi may point ka. Tama ka.

"Ayoko kasing sumuko," sabi ko.

"Saan?"

"Siguro kung sa iyo, ang tingin mo sa akin hindi natututo. Pero pwede mo din namang tingnan na hindi din ako sumusuko."

At for once, napangiti kita.

***

Inayos mo ang iyong mga gamit at tumayo ka na para umalis.

"Ihahatid mo ba ako?"

"Oo."

"So pano," tanong mo habang tumigil ka sa may pinto.

Niyakap na lang kita. Ang gulo kasi ng sitwasyon natin. Marami sana akong gustong sabihin. Maraming gustong linawin. Pero hindi pa panahon. Sa ngayon, friends tayo. Friends lang.

"Merry Christmas."