Friday, June 1, 2012

Yun

Alam mo yung umiiyak ka kasi naalala mo siya tapos kumakain ka ng chocolate kasi sabi nila magpapasaya sa iyo yun pero wala pa ding effect tapos sige kain ka pa din nang kain kasi yun na lang naman ang magagawa mo. Tapos sige kain lang, hanggang mapatakan na ng luha mo yung chocolate tapos alam mong mukha ka nang tanga pero wala ka naman nang pakialam kasi mahal mo pa din siya.

Yung umiiyak ka kasi gusto mo na naman talaga siyang makalimutan. Yung sinulatan mo na siya nang lasing ka. Yung sinulatan mo na siya nang mahinahon ka. Yung sinulatan mo na siya nang malinaw ang pag-iisip mo at walang bitterness. Tapos makalipas ang ilang buwan parang hindi mo naman siya nasulatan kasi wala din namang pagbabago sa nararamdaman mo. Tapos marerealize mo na kung hindi ka pa talaga over, hindi ka pa talaga over kahit ano pang gawin mo.

Alam mo yung kahit saan nakikita mo siya? Sa bus, sa MRT, sa kalsada andun siya. Yung iba siguro dun kamukha lang niya pero everytime pa din bibilis yung tibok ng puso mo. Mapapahabol ka. Mapapabalik ka. Mapapa-isip ka agad ng mga sasabihin. "Huy", "Teka lang", "Kamusta?", "Kilala mo pa ba ako?" tapos mag-iilusyon ka kung paano kayo magkakape at mag-uusap. Tapos hahawakan mo yung kamay niya tapos parang kayo na ulit na parang walang nangyari. Na parang walang lumipas na tatlong taon simula nung nag-break kayo.

Alam mo yung pupuntahan mo yung Facebook profile niya every now and then? Kahit na wala ka namang nakikita dun kundi yung picture niya at ilang info na alam mo na. Tapos kahit picture niya dun hindi mo matingnan kasi ewan mo ba... Kasi parang nakakaiyak eh. Ewan mo ba.

Alam mo yung parang tanga ka lang na magsusulat sa blog mo tungkol sa kanya? Kahit na alam mong hindi naman niya mababasa yun. Kahit na magmumukha ka lang nakakairitiang weakling o emo sa mga kaibigan mo pero sulat ka pa din kasi wala ka na naman kasing magagawa pa? Kasi tanga ka at pinakawalan mo siya? Kasi umaasa ka pa di na malay mo, alam niya pala blog mo. Na malay mo mahal ka pa din niya. Pero tatlong taon na at wala pa din siya? Hindi ba kung meron pa din, may nangyari na siguro? Tapos alam mo yung feeling na habang sinusulat mo ito, narerealize mong baka tapos na nga talaga kayo. Na wala na siya. Na wala ka nang baby. Na yun, lahat nang yun, yung mga pinagsamahan niyo ay tapos na. Na kailangan mo na siyang pakawalan talaga.

Tapos magmamatigas ka na e ano ngayon kung hindi niya na ako mahal? E ano ngayon? Yun ba ang punto nang pagmamahal? Ang ma-reciprocate ang feelings mo? Pwede namang magmahal ka lang ah. Yun na yun. Yun na yun kahit na meron na siyang iba. Kahit na galit man siya sa iyo o wala nang pakialam. Wala kang pakialam. Basta mahal mo pa din siya yun na yun.

Yun na yun. Yun lang yun.




No comments:

Post a Comment