Wednesday, June 19, 2013

Istranded

Nagpalipas na ako ng isang oras sa Faculty Room para lang humupa na kahit kaunti yung baha sa may Taft. Pero pagdating ko doon, medyo mataas pa rin ang tubig. May mga batang naka-uniform pa na kinuha ang opportunity para kumita ng pera. Naglagay sila ng mga kung anong mga kahoy para makadaan ang mga tao sa baha tapos naniningil sila ng mga barya. Naasar ako dahil nagtitipid ako ng pera ngayon. Sinubukan kong humanap ng ibang daanan pero wala na kaya nagbayad na din ako. Limang piso pa. Wala kasi akong mas maliit na barya at hindi ko alam kung susuklian nila ako if ever.

Umabot ako sa gitna ng Taft at doon, lurkey-lurkey ang mga tao. Nagkalat ang mga estudyante. Nakikipag-patintero sa mga bus at jeep na usad-pagong naman kung umandar. Buti na lang may mga traffic aides at kahit papaano, nababawasan nila ang pagkakabuhul-buhol ng mga sasakyan at tao. Naging tila isang maze ang kalsada. Iniiwasan ng mga tao ang mga bahang lugar. Di naman na ganun kataas ang tubig pero ayoko ding mabasa ang sapatos kong leather kaya sumali din ako.

Nakaabot ako sa usual kong abangan ng bus malapit sa Luneta at nagsimula na akong maghintay ng bus papuntang Las Pinas. Pero as expected, lahat ng bus puno. As in puno kahit yung mga nakatayo. E ayoko namang tumayo sa bus kasi alam ko nang matindi ang trapik, lalo na sa La Salle at Buendia. Kaya nagmatigas akong maghintay pa.

Ngunit after 15 minutes, wala pa din talaga. Kaya inisip kong lumakad na lang papunta sa Lawton. Baka doon makaka-upo pa ako. Kahit na dalawang taon na ako sa Manila area ay hindi ko pa rin kabisado ang lugar. Unlike sa nakasanayan kong Quezon City na derecho lang ang mga daan, sa Manila maraming pasikot-sikot. At tila lahat, main roads. So kahit na hindi ko sure ang pupuntahan ko ay naglakad pa din ako. Otherwise, wala akong patutunguhan.

Nakakatuwa din minsan kapag baha. Doon lumalabas ang creativity ng mga tao. Yung resourcefulness kung paano makatawid without getting your feet wet. Long cut dito. Ikot doon. Akyat sa halamanan sa gitna ng kalsada. Minsan may mga mauunang makahanap ng daan kaya maswerte ka at susundan mo na lang sila. Minsan ikaw mismo mangunguna. At kung dead end pala at mas lalong baha sa dulo e wala kang choice kundi bumalik. Nakakahiya man sa mga nakakita sa iyong ibang tao pero well, at least sinubukan mong humanap ng paraan.

Sinimulan na akong pawisan dahil sa exertion ng ilang minutong paglalakad. At lalong mainit ang pakiramdam dahil naka-jacket pa ako at sobrang humid ng panahon. Hindi rin nakatulong ang mahinang ambon dahil tingin ko ay magkakasakit ako kung mabasa ako nang pawis at pagod. At kung bakit ko pa dinala ang mabigat na textbook ni Harris pauwi noong araw na iyon ay hindi ko mawari dahil dumagdag pa siya sa burden ko. Pero kahit na super uncomfortable at pagod ko na noong mga panahong iyon ay nakuha ko pa ring mag-isip dahil parang ang laki ng symbolism ng pagka-stranded ko sa mga nangyayari ngayon sa buhay ko.

Naisip ko na yung paglalakad pabalik sa ruta ng bus, na yun yung investment phase ng buhay. Kung gusto mong makaupo sa bus at maging komportable, kailangan mong maglakad muna. Kung maghihintay ka lang at di ka gagalaw, baka wala kang masakyan o baka nakatayo ka lang sa bus. Tapos yung iba-ibang strategies ng mga tao para makarating doon, yun naman nga yung kanya-kanya nating diskarte para maka-ahon. Minsan may susundan ka na. Minsan ikaw ang pioneer, which is mas mahirap.

Kagaya naman ng lagi kong ginagawa, kalahati lang ng utak ko ang nasa present kong sitwasyon noon. Yung kalahati, naglalakbay at nag-iisip. At naisip kong wala talaga akong patutunguhan kung nandun lang ako sa bus stop, maghihintay kasama ng iba. Kaya naglakad pa ako pabalik. Hanggang naka-abot na ako sa Lawton. But no, wala pa rin. Di ko maisip kung anong mahika ang meron at kahit na andun na ako sa mismong iniikutan ng bus ay puno pa rin to the bones ang bus. Di ko maalis ang inggit sa mukha ko habang nakatingin pababa sa akin ang ilang nasa bus. At hindi nakakatulong na tila nag-smirk pa yung iba sa aming hindi pa rin makasakay. Sige, kayo na ang maswerte.

Tapos dumadagdag pa sa pagka-asar ko yung fact na heto ako, naghihirap magtrabaho. Naghihirap pa makauwi. Pagod na pagod, pawis na pawis, at hindi alam kung paano makakauwi. Samantalang ang mga tao sa bahay namin, komportable lang sa harap ng TV. Na ang sweldo ko, mapupunta lang sa kanila. Na hindi nila alam kung gaano kahirap din para sa akin ang kumita ng pera, lalo na para sa mga taong hindi naman talaga deserving masuportahan. Nood-nood lang ng TV tapos ako magbabayad ng kuryente. Kumpleto sila kumain, with matching meryenda intervals (walang palya 'to) samantalang ako dalawang beses lang kumain araw-araw. HIndi rin nakatulong nung sinabi ko sa magulang ko na gusto ko sanang magpahinga this sem. Naasar lang siya sa halip na matuwa na kahit papaano, for the first time ever in my whole life, ay mababawasan ako ng mga iisipin. Minsan tuloy naiisip ko na ang tingin lang nila sa akin ay taga-kita ng pera. Na kaya lang sila mabait sa akin dahil doon. Nagka-anak sila para dito.Kasi di ba, sana naintindihan din niya na napapagod din ako. Pero wala eh. Hindi ganun. Kaya yun, sinubukan ko na lang aliwin ang sarili ko kasi baka pumutok ako right then and there sa gitna ng bahang kalsada.

Minsan may mag-jowang napatapat sa akin habang nandun ako mismo sa gitna ng Lawton. Napansin ko sila dahil ang gwapo ng lalaki na naka-school uniform pa. Naka-side view siya samantalang likod lang nung babae ang nakikita ko. Pinapayungan niya yung girl at nakapa-ikot yung kabilang braso niya sa bewang nung girl. Nahuhuli niya akong tumingin pero dahil naisip kong hindi ko na naman siya siguro makikita ulit ay hindi na ako nahiya. I mean, stranded na ako and all, burdened physically, mentally, and emotionally tapos papalampasin ko pa yung chance na mapasaya ang sarili ko kahit in this mababaw way lang? So yun, I got myself lost, imagining na ako yung kasama niya. Na ako yung pinapayungan niya. Tapos inisip ko din kung ano kaya pakiramdam na mahawakan yung arms niya. Yung maramdaman na secure ako, despite all this baha and strandedness.

Pero yun, hindi din naman ako tuluyang nakapag-senti dun. Kasi alam ko na ako din naman ang pasaway when it came to my relationships. Kasi meron namang mga dumating kaso ako lang ang nag-iinarte parati in the end. Kaya na-divert ang hopes of emotional security ko sa lust na lang. Ano kaya feeling nung ka-sex siya? Yun. Yun pwede pa.

Ngunit isang oras na pala ang lumipas at wala pa din talaga akong masakyan. So kailangan ko pang maglakad northward. Kulang pa ang investment ko. And there, I said goodbye to my imaginary lover.

Lumampas na ako ng City Hall at hindi ko na talaga alam kung nasaan na ako exactly. Basta huwag lang akong tatawid ng Pasig River, somehow makikita ko din kung saan nga ba umiikot yung mga Las Pinas buses. Naka-ilang tawid din, pabalik-balik, ngunit umabot ako sa lugar na hindi na pala dinadaanan ng mga bus na kailangan ko. So yun, after nang malayo kong nilakad, bumalik lang din ako. More than two hours na akong lagalag sa puso ng Maynila. Pawisan at basa pa ng ulan.

Tapos doon nag-sink in sa akin, at my most difficult stranded moment, na dapat chill lang ako. Ang exagg na nga ng situation ko eh, so huwag ko na dapat dagdagan internally. Tumigil na lang muna ako sa tapat ng isang tindahan at bumili ng yosi. Next time alam ko na. Next time manood na lang muna ako ng sine. Next time tumambay na lang instead sa mall. Or mag-dinner. Next time, alam ko na. So chill lang, makakauwi din naman ako.

Sinubukan ko yung ibang daanan at this time, nakita ko na ulit yung mga Las Pinas buses. Puno pa rin sila, heaven forbid. At napatigil ako for a while sa ilalim ng overpass. Doon ko nakita yung mga homeless na natutulog at natauhan ako. Around them, aligaga ang mga tao dahil nga sa baha. Pero for them, okay lang. Wala namang bago for them kahit na for the rest of us, it was a night to dread and remember. Doon pa din naman sila matutulog. Narealize ko na ang arte ko dahil ang problema ko lang naman talaga at the moment ay hindi ako makauwi. Pero at least may uuwian ako. E sila?

Kaya naglakad pa ako. Kaya pa 'to. Huwag akong maarte. Konti pa. At yun, magically, may tumigil na bus sa harap ko. And magically, hindi siya puno! Although naunahan pa din ako ng ibang makasakay, may natira pang empty seat for me. At yung feeling nung after nakaupo ka na after halos tatlong oras nang pagtayo? Yung feeling na yun? Serene. Hindi ako ecstatic or triumphant. Serenity ang naramdaman ko instead. At doon ko na-sense na in fairness, kahit na lugmok ako most of the time inside my own head, may mga bagong bagay pa din akong natututunan. Sa mga panahong di ko ineexpect.

Yay. I survived.

Sana kayanin ko pa din. Til this season is over.









No comments:

Post a Comment