Thursday, May 1, 2008

Ang Sagot

PAUNAWA: Para sa mga pwedeng
makakilala sa tao na tinutukoy ko dito, sana huwag kayong mag-ingay
dahil ayoko sanang guluhin pa ang buhay ko. Pinagkakatiwalaan ko ang
mga kaibigan ko dito. Aamin din ako pero hindi pa ngayon
dahil alam niyo naman na hindi pa talaga pwede. Huwag niyo sana akong
pangunahan. Gusto ko lang mailahad ang lahat ng ito dahil kailangan ko
ang aking mga kaibigan.


Paunawa
sa aking mga estudyante ngayon. Dito sa Friendster, hindi ako teacher.
Normal na tao lang din ako at nakakadama rin naman ako, kahit na hindi
man ito wasto.


Hindi
ako nagbibiro. Please. Tumahimik na lang kayo. Kung gusto niyong may
kausapin, huwag iyong hindi pa nakakaalam. AKO ang kausapin ninyo.


***


May 1, 2008
12:30pm
Sa kuwarto ko sa dorm


Ang
saya-saya. Super excited. Kabadong-kabado. Nakaupo sa kama at hawak ang
celfone. Naghihintay. Papunta na daw siya. Hindi ako mapakali. Sa buong
buhay ko, noon ko lang naranasan ang ganung pakiramdam. Papunta na daw
siya. Ilang araw ring hinintay. Ilang gabi ring iniyakan at ngayon,
ilang minuto na lang mangyayari na din.


Wala
akong ibang iniisip. Siya lang. Hindi ko naisip kung masasaktan ba ako
o hindi, Ang naisip ko lang, papunta na siya, at siya ang unang-unang
nagpapasaya sa akin nitong mga huling araw.


***
1:30pm
Sa lobby ng dorm


Nakita ko siya. Nasa labas. Hindi ko muna siya tinawag kasi kinakabahan din ako. Sign out sa log book.


"Huy!"


Nagulat siya. Halatang kinakabahan. Naalala ko pa yung text niya: "Tau lng b?"


Inisip
ko, bakit naman kaya siya kinakabahan? Ano bang gagawin namin? Ano bang
inaakala niyang gagawin ko? Siguro alam niya. Siguro.


Ang init ng araw. Sobra. Nauna ako maglakad. Hindi masyado nag-uusap dahil sa sobrang init. Nag-abang ng taxi.


Ang
tagal. Ang init. Ako ang tumatawag sa taxi. Hinayaan lang niya ako.
Naghihintay ako na siya na lang ang tumawag pero hindi niya ginawa yun.
Ayos lang naman. Ako naman ang mas matanda.


***
1:45pm
Sa taxi


Dun ako umupo sa likod. Hindi siya tumabi. Nag-isip ako. Bakit ayaw niya tumabi?


Pero
ayos lang din dahil tuloy ang pag-text ko sa mga kaibigan ko. Para
hindi niya mahalata. Heto na. Andito na siya. Huwag na akong mareklamo.
Wala naman talaga kaming gagawin.


Sinabi
niya kanina sa waiting shed na papuntahin ko daw si "Nega". Naasar ako.
Ano bang masama kung kami lang? Bakit siya kakabahan? Wala naman akong
masamang gagawin. Bakit ba siya kinakabahan nang ganun?


***
2:00pm
Somewhere


"Magyoyosi lang ako. Hindi pa ako nagyoyosi ngayong araw."


Lumayo
ako sa kanya. Ayaw niya ng usok. Pero ok lang daw naman. Naisip ko na
wala naman siyang magagawa dahil ako ang kailangan niya. Hindi niya
lang alam kung gaano ko rin hinintay ang araw na iyon. Hindi niya alam
kung ano ang ibinayad ko para lang makasama ko siya.


Tensyon. Naninibago. Konting tanungan tungkol sa gagawin namin. Naubos ang yosi at lumapit ako. Simula na.


Tinitingnan
ko siya. Lumalapit ako. Nagkakahawakan kami minsan. Nagkakatamaan.
Kinikilala ko ang taong gumulo sa buhay ko nitong nakaraang linggo.


Higop siya nang higop sa caramel frap niya. Uhaw na uhaw. Hindi pa kami nagsisimula at ubos na yung sa kanya.


Akala
ko noong una, kakabahan ako, pero kalmado pala ako. Ako naman ang
nagdadala ng sitwasyon. Tawanan nang kaunti. Hanggang mag-biruan na.
Ilang minuto lang at gumaan na din ang loob niya. Buti naman. Siguro
nawala na ang mga duda niya.


Ang likot ng mata niya. Ng ulo niya. Tingin nang tingin sa labas. Lingon nang lingon.


"Ano ba tinitingnan mo?"


"Wala."


Tatawa na lang ako.


"Huy nakikinig ka ba?" tanong ko kapag mukhang lost na siya sa ibang mundo, na nangyayari bawat limang minuto.


"Oo. Sige, next."


Sa totoo lang, puro ako tawa nun.


Narealize
ko nung panahon na iyon na tama ako. Sabi ko na, kapag gusto ko, gusto
ko talaga. Hindi ako nagkamali. Para bang may nagsasabi sa akin na tama
ang pagpili ko. Isang tingin pa lamang noon at alam ko na.


Ang
kulit niya. Nakakaloko. Para talagang bata. Magsasalita ako at sisingit
siya. Nagsusulat ako at aagawin niya ang ballpen. Kapag hindi niya
alam, sasabihin niyang hindi talaga. Hindi siya nagdadahilan. Sinabi pa
nga niyang mangongopya na lang siya bukas.


"Hindi ka ba nahihiyang sabihin iyan? Nandito kaya ako."


"Mabait ka naman eh."


Tumawa na naman ako.


Sabi
niya noong una, kailangan ko daw magpasensya dahil mabagal siya
umintindi. Pero hindi naman iyon ang napansin ko. Isang paliwanag ko
lang at kaya na naman niya. Siguro minsan, kailangang ulitin. Pero
kapag hinayaan ko na siya, kaya na niya.


Isang beses, nakuha niya yung tamang sagot.


"Yes!" sabi niya, sabay power-up ng bisig.


Napangiti na lang ako.


"Kaya pa?" tanong ko.


Tumango siya.


"Sige, yung mahirap naman."


"Sandali lang, yosi muna ako."


Kinuha niya ang libro at hindi na mapakali.


"Sandali lang nga. Break muna ako." Nagsindi ako ng yosi.


Kinuha niya yung lighter ko at pinaglaruan.


"Uy blue flame!" sabi niya.


"O, baka picturean mo na naman iyan ha."


Nagsimula na akong magsalita ulit. Nagsusulat. Ilang segundo lang...


"Ano ba, huwag mong sunugin yang papel!"


Titigil siya. Ilang segundo lang, susunugin ulit ang papel...


"Akin na nga iyang lighter. Mag-focus ka kasi..."


Itinago ko ang lighter ko sa bag. Kunya-kunyaring galit pero sa loob-loob ko tuwang-tuwa ako sa kanya.


***
4:00pm
Somewhere


Nagligpit na siya nang gamit.


"Ayoko na, pagod na ako. Wala nang pumapasok."


"Sige, hintayin na lang natin si Nega."


Heto na. Sabi ko. Dito na magkaka-alaman.


Kaya nag-usap kami.


"Ikaw, kamusta ka naman?"


"Ha?"


"Kamusta ka?"


"Heto..."


Nalaman
ko ang mga pangarap niya. Na gusto niyang maging ganito. Na gusto
niyang magtayo ng ganito. Yun daw ang ipapang-suporta niya sa pamilya
niya balang-araw.


"Para sa pamilya ko," sabi niya. "Ikaw, pwede ka pa rin namang magkapamilya kung gusto mo."


Hindi
ako sumagot. Nakakatawa pero nalungkot ako nung sinabi niya yun. Hindi
pala ako kasama sa kinabukasan niya. Malamang hindi naman talaga dapat.
Pero naramdaman kong wala akong puwesto sa buhay niya.


"Ano naman ipapangalan mo sa itatayo mong restaurant?"


"Rainbow's End"


Pinigil ko na lang na mapaluha.


"Bakit mo pa kasi pinapaalala yan? Nalulungkot tuloy ako..."


Maya-maya...


"Kayo pa ba ng boyfriend mo?"


"Hindi na nga."


Katahimikan.


***


"Bakit ba kasi hindi ka sumasama sa amin?"


At
iyon nagpaliwanag siya. At habang nagsasalita siya, nakita ko sa kanya
ang sarili ko. Naramdaman ko na may parte ng aming mga pagkatao na
pareho kami. Naramdaman ko na isa siya sa mga taong makakaintindi sa
akin.


Kagaya ko siya.


Pero mas magaling pa siya sa akin.


Akala
ko noon, kapag nakilala ko na siya, mawawala din ang pakiramdam kong
ito. Na kapag nakilala ko na siya, matatawa na lang ako at maiisip kong
hindi kami bagay.


Pero hindi...


Hindi ganun.


Nalaman
ko na kahit mas bata pa siya sa akin, marami na rin siyang alam. Na
kaya kong makipag-usap sa kanya ng mga malalalim na bagay at
maiintindihan niya. Na kaya niyang tumanggi kung yun talaga ang
nararamdaman niya. Nalaman ko na totoo siya. Na simple ang buhay niya.
Na parang bata siya kumilos pero marami siyang alam. Nalaman ko na
malalim siya at magkakaintindihan kami. Hindi lang lalim ng utak. Lalim
ng puso. Isa siya sa mga taong akala mo ay mababasa mo lang sa mga
libro.


Siya
yung tao na mas marami ang kayang gawin kaysa sa akin. Siya yung taong
kayang mag-liwaliw at matauhan pagkatapos. Yung tipong maghahagilap ako
para sa oras niya sa dami ng ginagawa niya. Siya yung tao na magtuturo
sa akin ng mga bagay na hindi ko kayang gawin. Siya yung tao na
magpapamukha sa akin na wala akong buhay. Siya yun. Hinahangaan ko
siya. Tinatanggap kong mas mataas siya kaysa sa akin. Siya yung taong
NAKAKADAMA at hindi lang PURO UTAK! Siya yung tao na tinatrato ako
bilang kapantay. Bilang katapat. Kahit na limang taon ang tanda ko sa
kanya.


PUTANG-INA! SIYA ANG GUSTO KO!


Pero narealize ko na wala akong puwesto sa puso niya. Na planado na ang lahat para sa kanya.


Oo gusto ko siya.


Gustong-gusto ko.


Pero alam ko na masisira ko ang buhay niya kapag ipinagpilitan ko ang sarili ko.


Masisira ko yung "innocence" niya.


Na sa sobrang paghanga ko sa kanya, naisip kong hayaan na lang siya. Na hindi nararapat sa kanya ang isang taong kagaya ko.


Dumilim ang langit. Kumulog. Nagulat siya nung kumidlat at napatingin sa langit.


"Ang weird naman ng panahon, summer tapos uulan," sabi ko.


"Para mag-emote ka"


Hindi ko lang ipinapakita sa kanya pero nakalabas na ang puso ko.


"May alam akong song. Ipaparinig ko sa iyo kapag patapos na ang sem," sabi niya.


"Ano iyon? Sabihin mo na para maisali ko sa album"


Ayaw niya sabihin nung una.


"Alam mo yung "Keep Holding On?" tinanong na rin niya.


"Avril Lavigne?"


Hindi siya sigurado. Maya-maya...


"Ah oo. Avril Lavigne nga."


"Oo. Alam ko iyon. Avril Lavigne pa! Fan ako nun. Actually iniisip ko nga kung isasama ko yun sa album eh."


Pinatugtog niya yung song. Nabigla ako kasi marami rin namang tao dun. Nilakasan pa niya.


"May ibibigay ako sa iyo pagtapos ng sem. Maiiyak ka," sabi niya.


"Ano yun?"


"Hindi mo ba napapansin, pinipicturean ka namin sa class."


"Ah. Hindi masyado."


Tuloy
pa rin ang musika niya. May isang song, "Say Goodbye" ng S Club 7.
Dinidictate pa niya sa akin ang lyrics. Wala siyang pakialam kahit na
lumilingon na yung ibang mga tao.


"Pinapa-emote nga kita eh..."


Hindi ako sumagot. Umuulan na.


"Gusto ko maalala mo ako na ako yung nagpaiyak sa iyo..."


PUTANG-INA KUNG ALAM MO LANG!!!! NAGAWA MO NA IYON AT PAPATINDIHIN MO PA!

***
5:30pm
Somewhere


Mag-isa na lang ako. Nagyoyosi.


Nag-iisip. Nakikinig sa "Keep Holding On" na ipina-bluetooth ko sa kanya.


Iniisip ko yung sinabi niya kanina:


"Alam mo, ang pangarap ko, yung maging selfless"


"Selfless? Ano yun? Paano ba talaga yun?"


"Yung hindi mo na iniisip yung sarili mo... Parang service... Pero hindi ko pa rin magawa hanggang ngayon eh... Kasi..."


Nalungkot siya.


"Siguro,"
sabi ko, "kailangan mo muna maging selfish nago ka maging selfless para
maranasan mo na muna yun. Parang ako, bago ako mag-settle down,
kailangan ko na muna dumaan dito. Para kapag ready na ako, ready na
talaga ako..."


Hindi na siya sumagot.


***
9:00pm
Computer shop


Nag-iisip ako.


Ngayon lang ako nakakita ng tao na kagaya niya. Wala pa akong hinahangaan na tao na kasing taas ng paghanga ko sa kanya.


Nakakatawa
pero pakiramdam ko parang... Parang may konek kami. Pakiramdam ko na
may itinatago siyang kadiliman na alam ko at kaya ko sanang punan...
Lahat na lang ng gawin niya, o sabihin niya, nakakatuwa para sa akin.
Siya na nga ang hinahahanap ko. Alam ko. ALAM KO, SIYA NGA ANG HINAHANAP KO


Pero...


Pero bakit ngayon na nakakilala ako ng taong gusto ko talaga, saka pa ako mapanghihinaan ng loob...


Hindi ko kayang sirain ang buhay niya. Ang paniniwala niya...


Gusto
ko siyang makilala. Gusto ko siyang pasayahin kasi sabi niya
nalulungkot siya parati... Gusto ko siyang alagaan... Ewan ko ba.
Ngayon ko lang naramdaman 'to sa buhay ko...


Pero pakiramdam ko, kailangan ko siyang pakawalan...


Para din sa ikabubuti niya...


Putang-ina...


Ganito ba ang pagiging selfless?

***
SAY GOODBYE
S Club 7

Sometimes goodbye, though it hurts in your heart,
is the only way for destiny
Sometimes goodbye, though it hurts,
is the only way now for you and me
Though it's the hardest thing to say
I'll miss your love in every way
So say goodbye
But don't you cry
'Cause true love never dies




   

1 comment:

  1. maybe you are just soul mates and not necessarily meant to be together. hope you're doing better.

    ReplyDelete