Tuesday, July 10, 2012

Catalyst

Pupunta ako sa lab at magtatanong sa staff. During my lab hours para hindi suspicious, at suot ang aking lab gown.

"Meron po ba tayong KCN?"

"Meron," sasabihin nila at hindi na magtatanong kung bakit at para saan.

Iaabot nila sa akin ang bote pagkatapos ng ilang minuto.

"Salamat po," at ngingiti ako sa kanila. Ibang klase ang ngiti ko nun. Baka maluha-luha pa ako.

Dadalahin ko ang bote sa balance room. Hindi ako kakabahan. Gagalingan ko umarte. Kapag may nakakita sa akin na kilala ko, ngingitian ko.

Magtitimbang ako sa top-loading balance. May numero sa utak ko. Yun lang ang kailangan ko. Minimum lethal dosage. Kaya dadagdagan ko pa ng kaunti. Para sigurado. Lilipat ko ang puting crystals nito sa isang maliit na plastik na bote na dala ko.

Ibabalik ko ang bote ng reagent sa staff. Magpapasalamat ulit ako.

Pagkatapos ng klase, pupunta ako sa CR. May dala akong bote ng Sting Strawberry. Ihahalo ko doon ang mga puting crystals. Hahaluin kong maigi. May konting precipitate pero ayos lang yun. Lalabas ako ng CR. Lalabas ako ng school.

Sasakay ako ng LRT. Sasakay ako ng MRT. Sasakay ako ng jeep. Inaalala ko ang Google Maps sa utak ko. Aabangan ang mga landmarks. Bababa ako at maglalakad pa nang kaunti.

Magtatanong ako sa guard.

"Dito po ba ang PMAP?"

"Dito," sasabihin ng guard.

"Pwede po kay ******?"

"Bakit?"

"Bibisita lang po sana. Kaibigan ko po siya." At ngingiti ulit ako. Kung pagpapawisan man, dahil yun sa init. Dahil yun sa naglakad ako. Hindi yun dahil sa kaba.

May tatawagan siya sa telepono. "Ano pala pangalan mo?" tatanungin niya.

"Elmo," sasabihin ko.

Maya-maya, bababa na siya. Makikita ko na siya. Ganun pa din naman itsura. Magugulat siya at mapapatawa na lang. Siyempre may mga ibang tao. Hindi siya papahalata.

"O..." yun lang ang masasabi niya.

"Labas tayo saglit. Mag-kape tayo."

At dahil nasa state of shock pa siya, mapapasama ko siya.

Pupunta kami sa may Shaw, dun sa Starbucks na lagi naming tinatambayan dati. Kung saan ako nagyoyosi. Kung saan kami nakikinig ng music mula sa Walkman fone ko. Kung saan kami kumakain ng banoffee pie. Uupo kami sa labas. Doon sa puwesto namin tatlong taon na ang lumipas. Doon sa mesa kung saan kami nag-break.

Sasabihin ko sa kanya lahat ng mga nangyari. Papakita ko ang aking tattoo at kung ano ang ibig sabihin nun para sa akin. Sasabihin ko lahat ng mga lalaki, lahat nung mga naaalala ko pa. Sasabihin ko sa kanya na wala na ako sa UP. Sasabihin ko sa kanya na bumagsak ako sa Compre. Sasabihin ko sa kanya na may sakit ako.

Sasabihin ko sa kanya na tumitindi na minsan ang pagka-baliw ko. Na minsan hindi ko na talaga kaya. Na alam ko na ang kondisyon ng utak ko. Na hindi naman malala pero mahirap lang talaga. At nakakapagod.

Sasabihin ko sa kanya na siya pa din naman pala ang nasa puso ko, matapos ang lahat. Sasabihin ko sa kanya na alam kong ayaw na niya sa akin pero ayos lang iyon. Sasabihin ko sa kanya na ibang-iba na ako ngayon. Sasabihin ko sa kanya na "Sorry" at naging napakalaking tanga ko noon.

Sasabihin ko sa kanya na na-miss ko siya. Sasabihin ko sa kanya na mahal ko pa din siya. At siya lang ang aking magiging "baby" hanggang sa huli. Wala nang iba. Hanggang sa mamatay ako, wala nang iba.

Titingin ako sa langit saglit. Titingin ako sa paligid ko. At titingin ako sa kanya at maluluha ako.

Tapos iinumin ko na yung Sting. Straight up.

Tapos mapapabagsak ako sa sahig. Nahihirapang huminga at namumula.

Tapos hahawakan na niya ako.

Hahawakan na niya ako at tatawagin ang pangalan ko.

Mahahawakan niya na din ako ulit.




No comments:

Post a Comment