Thursday, August 11, 2011

Flying Ipis

Malapit nang matapos ang isa na namang araw kong mala buhay-Curacha. Mula sa alas-otso kong klase sa Plus University, hanggang sa pagbisita ko sa UP para kunin ang aking TOR at makipaglaro ng Monopoly Deal sa aking mga dating katrabaho, hanggang sa mayaman kong med student tutee sa Loyola Grand Villas, sa wakas ay natagpuan ko na rin ang sarili kong nakatayo sa bus papuntang Las Pinas. Pasado alas-diyes na ng gabi ngunit puno pa rin ang sasakyan.

Bukas ang TV ng bus at kahit na habit kong hindi manood (lalo na kung GMA Tele-something ang palabas) ay hindi ko pa rin napigilang sumulyap sa telebisyon dahil ba naman sa naghuhumiyaw na dubbed na mga boses ng isa na namang Koreanovelang ni-recycle. Ang sama ng tingin ko sa TV dahil opinyon ko na sobrang nakaka-bobo ng ilang mga palabas sa GMA. At sa busangot kong itsura na iyon (na para bang may personal wrong na nagawa sa akin ang walang kamalay-malay na telebisyon) ay doon ko nasilayan ang lalaking may asul na sapatos.

Gwapo siya, given na yun. Medyo mahaba ang buhok at maputi. Maganda ang pangangatawan kahit na medyo maliit. Pansin na pansin ko yung height niya dahil kapag malubak ay halos mauntog na ako sa bubungan ng bus samantalang sa kanya ay napakalawak pa ng espasyo na tingin ko pwede pa akong mag-dive sa ibabaw niya.

Wala akong habas na tumitig sa kanya dahil nasa may harapan naman siya ng TV, at kahit na mahuli niya ako ay kayang-kaya kong magpanggap na inosente lang na nanonood ng Koreanovela. Kapag nangalay na ako ay tinitingnan ko na lang ang reflection niya sa bintana ng bus. Ngunit di rin tumatagal ay harapan ko pa ran siyang titingnan dahil nais ko pa siyang kilatisin. Nais ko siyang kabisaduhin. Sabi na ng kaibigan ko, kailangang mag-ipon ng titig dahil "hanggang bukas pa iyon."

Tiningnan ko ang kanyang buhok, ang kanyang kilay. Tiningnan ko ang profile ng kanyang ilong at tamang-tama dahil naka-sideview siya (hindi siya nanonood ng TV, buti naman). Tiningnan ko ang kanyang pisngi at ang labi, hanggang sa mga braso niya at mga kamay. Paminsan-minsan ay tinitingnan din niya ang sarili niyang reflection sa bintana ng bus, aayusin ng kaunti ang kanyang tindig at ngumingiti siya.

"Siya na," naisip ko. "Siya na 'tong perpekto."

Tiningnan ko ang sarili kong reflection at lalo kong nadama kung gaano ako kalayo sa kanya. Bakit ang features niya, parang iginuhit? Bakit maayos lahat ng parte ng mukha niya? Wala man lang mga irregularities? Bakit maayos ang katawan niya? Bakit ang puti at ang kinis niya? Bakit siya ganun at ako hindi ganun?

Paminsan-minsan dumarating pa din ako sa puntong mga ganun, lalo na't nagkalat ang mga gwapo sa Plus University. Tapos mas nalulungkot ako dahil alam kong mas pumangit pa ako through the years. Hindi kagaya ng iba na "Wow ooh lala!" ang reaction na nakukuha kapag nakita muli ng long lost friends. Sa akin parang "Aaargh!" ang reaction. Nalulungkot ako dahil dati tingin ko medyo cute pa ako. Na may lumalandi at lumalapit pa sa akin. Ngayon, hindi na talaga. Mga manyak na lang ang lumalapit.

Umabot na kami sa Zapote at naputol ang aking self-pity marathon dahil maraming bababa. May bumaba sa upuan sa harap ko kaya nakaupo ako agad. Natuwa ako dahil hindi ko na kailangang lingunin si gwapo guy. Pero dahil sa puwersa ng pagbaba ng mga tao ay napalapit pa siya sa akin at tiyempong sa tapat ko pa siya huminto at tumayo. Inilagay pa niya ang kamay niya sa likod ng upuan sa harap ko.

Sa sobrang tuwa ko ay naisip ko na pwede ko itong i-blog kaya tinaasan ko pa ang pagiging observant ko. Kinilatis kong maigi ang kanyang braso, na halos pati pores niya ay nakita ko na. Ang lilinis ng kuko niya (pati yun perperkto ang pagkakagupit) at dahil sa lapit niya, na-imagine ko na din ang pakiramdam kung kayakap ko siya. Humikab siya at naramdaman ko pati ang ibinuga niyang hangin. Nag-ilusyon ako na kunyari boyfriend ko siya tapos naisip ko na ang saya-saya ko siguro. Kahit nga mga LQ namin na-imagine ko na din.

Pero maya-maya nagsawa na din ako. Na para bang natikman ko na siya dahil sa sobrang lapit niya. Kaya napaisip na lang ako tungkol sa pagka-malibog ng mga tao (at ng sarili ko) at nalungkot ako dahil sadyang ganun nga ang lakad ng mundo.

Sa maraming bagay, idealistic ako. At isa dun ay ang gasgas na paniniwala ko na mas mahalaga ang character ng isang tao kesa sa itsura. Pero naisip ko na kahit pa pangit ang ugali ng lalaki sa tabi ko, ay papatulan ko pa din siya. Dahil lang sa itsura niya.

Naalala ko yung isang lalaking naka-date ko kamakailan. Ayos na ayos na sana siya. Swak na swak ang personality sa akin. Soulmate material kumbaga. Pasado sa aking intellectual and emotional requirements. Pero heto, hindi ko na siya tinetext. Nung huli kaming magkita, pinipilit kong may maramdamang spark. Pero wala talaga kasi. At dahil lang iyon sa itsura niya. At naaasar ako sa sarili ko dahil dun.

"Choosy ka pa?" sabi ng kaibigan ko.

"Hindi ko naman kasi mapipilit yun," sabi ko.

At nalungkot ako (at medyo nanlamig) sa realization na kahit ano pang pagka-idealistic ko, alipin pa din ako ng laman. Kahit na anong gawin ko, ganun yata talaga ako. Ganun talaga yata tayong lahat, kung magpapaka-totoo lang tayo. Bading man o tibo o babae o lalaki. Ganun naman lahat tayo

***

Kanina dito sa bahay, may nakita akong ipis sa kisame. At mukhang gusto niyang lumipad. Tapos (siyempre takot din ako dun) dali-dali akong tumakbo sa may hagdanan. Tapos natigilan na lang ako nung naisip ko na kung butterfly kaya iyon, tatakbo ba ako? Kasalanan ba ng ipis kung pangit siya? Wala na ba siyang karapatang lumipad porket ganoon siya pinanganak?

Umakyat ako ng hagdanan at nalungkot para sa lahat naming mga pangit na bagay sa mundo.



No comments:

Post a Comment