Nakikinig ako ngayon sa kanta ni Lady Gaga na "You And I" at alam ko na kahit hindi swak ang lyrics ay ikaw ang naiisip ko sa kanta na 'to. Siguro kasi matagal ko na ding naiisip na magsusulat ako tungkol sa nalalapit mong pag-alis at nagkataon na "You And I" nga din ang naiisip kong title ng blog.
Sa ngayon, medyo naiiyak din ako. Na iba pa din talaga kapag nagsisink-in na na aalis ka na nga talaga. Iba pa din yun finality na hindi na tayo pwedeng magkita kahit na anong pilit pa.
Naisip ko kasi, matagal ko na namang alam na aalis ka na. Akala ko prepared na naman ako. Kung tutuusin nga dumating din naman yung panahon na matagal din tayong hindi nagkikita. Pero hindi ko na maalala kung na-miss nga ba kita noong mga panahong iyon. Siguro kasi alam ko namang nandyan ka lang. Na magagawan naman ng paraan kung kailangan ko talaga ng kausap.
Tapos kanina, naisip ko lang bigla sa Pepper Lunch na mukhang iba na nga ito. Na baka taon ang bilangin bago tayo magkita ulit. Tapos hayun, nalungkot na ako. Kasi naisip ko, ang dami na sigurong nagbago noon. Na natatakot akong baka hindi na natin makilala ang isa't isa kapag muli tayong magkita. Natatakot ako doon kasi nasanay na akong nandyan ka lang. Na lagi tayong updated sa isa't isa.
Tapos hayun, aalis ka na nga. Tapos wala na din si Lea kaya mas naramdaman ko yung kawalan ng mga kaibigan ko. Kayong dalawa lang naman talaga ang sinusunod ko kasi. Kaya natatakot ako sa mga mangyayari sa akin kapag wala na kayo. Hay, bahala na...
Naiiyak din naman ako kanina pero hindi ko lang pinapahalata. Ayoko din kasi ng awkwardness at saka parang nakakahiya kay Verge. At siyempre medyo na-overshadow ni Faye yung moment. Hehehe.
***
Naalala ko pa yung gabi na nasa rooftop tayo ng boarding house sa KNL. Wala pa akong Darwin nun o Dan o Jarth. Wala pa din si Ariel o si Verge. Wala pa si Revee siyempre. Tayong dalawa lang nun. Tayo pa.
Tapos nabanggit mo nun na gusto mo ngang magpunta tayo sa States. Tapos sabi ko wala naman akong pera. Tapos sabi mo mag-iipon ka para sa ating dalawa. Ang alam ko tumawa lang ako nun o hindi umimik. Kasi ganoon ako kapag na-touch ako nang todo. Tapos hindi ko na nakalimutan yun kasi minsan lang may mag-offer sa akin ng ganun. Alam mo na, may pagka-independent kasi talaga ako madalas. Kaya kapag may tumutulong sa akin like that, hindi ko nakakalimutan.
Tapos hayan, aalis ka na. At iyan naman talaga ang hanga ako sa iyo kasi tinutupad mo talaga ang mga pangarap mo. Aalis ka na nga ngayon. Ikaw lang. At iiwan mo na ako.
Siguro iba sa iyo kasi marami ka namang mga iba pang kaibigan. Na close friends talaga. Ako kasi... Parang ikaw na lang iyon lately. Sa iyo lang naman ako nakakapag-kuwento nang lahat-lahat. Na kahit ang ingay ko sa Facebook o sa blog ko, sa iyo ko lang nasasabi mga totoong secrets ko. Na hindi ko na kailangang magpanggap na mabuti o ewan kapag nag-uusap tayo over coffee. Yung super komportable lang.
Ngayon hindi ko na alam kapag wala ka na. Sino na kayang matetext ako sa mga panahong kailangan ko talaga ng kausap? Kapag medyo matindi ang problema. Sino na? Sino na ang makakausap ko? Sino na lang ba yung mga taong totoong makakaintindi sa akin?
Tapos tsong, alam mo iyon. Sa mga kaibigan ko kasi, parang sa iyo lang ako naging dependent. Na kapag nababaliw ako tapos magtetext ka lang ng "Umayos ka" tapos kahit papaano napapasunod mo ako. Umaayos ako.
Alam mo iyon, sa dami ng mga napagdaanan natin, hindi ko naman maiiwasan na maging ganito. Na kung ituring kita ay parang parte na ng katawan ko. Naiinggit ako sa iyo tsong kasi kaya mo. Na parang nakapag-asawa ka na't lahat. Na ang dami nang nangyari sa buhay mo tapos ako nasa rooftop pa din, nakatingin lang sa langit at nagbibilang ng shooting stars.
Natatakot ako sa future tsong. Kapag umalis ka na, kailangan ko nang sanayin ang sarili ko na ako na lang talaga. For the good na rin siguro yun.
Nakakatawa 'tong sorta farewell post ko para sa iyo 'no? Kasi puro tungkol na lang sa akin ang sinulat ko. Kasi alam ko naman na kakayanin mo yan eh. Tsaka mukhang excited ka na naman na umalis. Siyempre, I'm happy for you and all that (the usual generic farewell kabaduyan na sinasabi ng mga hindi mo naman talaga naging close) pero hindi ko na kailangang sabihin yun. Alam mo na iyon.
Siguro ang gusto ko lang iparating ay kahit sa akin, malaki kang kawalan. Hindi ko lang pinapakita. Pero alam ko na kapag dumating yung panahon na kailangan ko ng kausap at ikaw lang ang alam kong makakaintindi sa akin, iiyak na lang ako sa kama ko. O kung saan man ako abutan ng luha ko.
Paalam, tsong.
Naalala mo 'tong song na 'to?
"Ohhhh, hindi ko maisip kung wala ka, Ohhhh, sa buhay ko..."
No comments:
Post a Comment