Friday, August 5, 2011

Wala Nang Iba

Namimiss ko ang baby ko.

Namimiss ko kapag magkikita kami tuwing Friday. Namimiss ko kapag mag-didinner kami tapos manonood ng sine pagkatapos. Namimiss ko yung pagtulog namin sa motel. Yung patagong paglalakad, kunyari hindi magkakilala pero sa isang kuwarto lang din naman patungo. Namimiss ko yung pagkasara ng pinto ay yayakapin ko agad siya. Sasabihin ko "Baby..." tapos bubuhatin ko siya tapos hahalikan. Namimiss ko yung uututan ko siya tapos magagalit siya. At magagalit talaga siya.

Namimiss ko yung paggising namin sa umaga, nagmamadali dahil malapit na mag-time out. Namimiss ko yung maliligo kami nang sabay tapos magugulat ako dahil sinasabunan din niya ako. Namimiss ko yung gulo-gulo kong buhok habang nag-aagahan kami sa Krispy Kreme sa Megamall. Namimiss ko yung pagsubok ko sa Ginger Ale tapos hindi pala masarap.

Namimiss ko yung paghihintay naming magbukas ang Megamall at palaboy-laboy lang kami sa labas ng mall. Namimiss ko yung pagkakape namin sa Starbucks. Yung pagbili ko ng frappe at pagbili niya ng banoffee pie. Namimiss ko yung pakikinig namin sa Walkman fone ko, tig-isang earphones. Tapos magbabasa siya ng dyaryo samantalang magyoyosi lang ako.

Namimiss ko kapag aakyat siya ng escalator tapos mauuna siya sa akin tapos kunyari susundutin ko nang mahina yung puwet niya tapos kunyari hindi ko sinasadya. Sasabihin ko "Ay, sorry..." tapos kunyari maiirita siya. Namimiss ko yung kapag nagugutom ako kaso wala na akong pera tapos siya na lang magbabayad.

Namimiss ko yung pagpasyal namin sa Home Section ng Department Store tapos magpla-plano kami ng mga bibilihin para sa bahay namin in the future. Namimiss ko yung pagpili namin ng mga damit tapos doon ako lagi mapupunta sa mga pang-bagets samantalang siya naman doon sa mga pang-office.

Namimiss ko yung mg tampuhan namin. Yung halos iwanan ko na talaga siya sa inis at galit ko pero susunod pa din siya sa akin, kahit anong bilis ng lakad ko. Tapos kapag pasakay na ako ng bus, tatawagin niya ako pabalik at sasabihing mag-usap kami. Tapos maiiyak ako sa pagpapaliwanag kung bakit ako galit pero mamaya matatawa na din. Kasi alam ko na mas mahalagang andun siya, nagtatampo man ako sa kanya o hindi.

Namimiss ko yung pagkapanood namin ng Wall-E tapos kunyari ako si Wall-E at siya si Eve tapos gagayahin ko yung pagtawag ni Wall-E kay Eve.

"E-Vah!"

Tapos nasa foodcourt kami noon tapos ang saya lang na magkasama kami. Na parang walang ibang tao kundi kami lang. Magngingitian lang sa isa't isa. Tapos yun na. Masaya na kami nang ganun.

Tapos ngayon halos makalimutan ko na yung pakiramdam na ganun. Yung may kasama palagi. Halos hindi ko na mapaniwalaan na minsan sa buhay ko, naranasan kong magka-boyfriend nang seryoso talaga. Naranasan ko yung ganung level nang pagmamahal.

Tapos ngayon ko lang naiisip na ang laki kong tanga at ginawa ko yun sa kanya. Ang lakas kasi ng loob ko. Akala ko madali lang makahanap ng boyfriend. Akala ko may mas hihigit pa sa kanya. Pero ngayon, kahit na meron akong mga nakaka-date... Kahit minsan may mga bagong crush ako. May mga bagong lalaki man na mas sweet, mas maalaga, mas gwapo at mas maganda ang katawan, o mas mayaman. Alam ko na balewala lang din naman sila kasi hindi sila ang baby ko.

Kaso nakalimutan na yata ako ng baby ko. Hindi ko na siya mahagilap. Hindi naman niya na ako hinahanap. Wala na akong lugar sa buhay niya.

Masakit din pala. Masakit din pala talaga, kahit ilang taon na ang lumipas.

Naalala ko nung gabi na nag-break kami.

"Kahit na maghihiwalay tayo, ikaw lang ang tatawagin kong 'baby'" sabi mo. "Wala na akong ibang baby. Ikaw lang..."

"Ako din. Magkaroon man ako ng bago, hindi 'baby' ang itatawag ko sa kanila... Ikaw lang yun."

Hanggang ngayon, ikaw pa din ang baby ko. Ikaw lang at wala nang iba.

1 comment: