Ilang beses na rin akong nag-attempt na magsulat muli. Ilang beses na akong nakatunganga lang sa puting screen ng "New Post" habang pinagmamasdan ang pag-blink ng linyang magsisimula sana ng aking mga pangungusap. Sinusubukan kong ayusin ang mga nararamdaman ko tuwing dumarating ang mga panahong kinakailangan kong sumulat pero nitong mga huling araw, parang scrambled sila palagi. Parag hindi ko sila ma-define. Ang alam ko lang na sigurado ako ay nalulungkot na din ulit ako paminsan-minsan. Tapos kapag inaalam ko kung bakit nga ba ako malungkot ay naguguluhan na naman ako.
***
Bakit ba kasi medyo gwapo ka pa? Sana pumangit ka na lang nang kaunti. Para naman maisip mo na hindi ka lugi sa akin. Para tantanan ka na ng iba. Para maisip mo na may chance naman tayo talaga kung lahat man ng pro's and con's ay inilapat natin sa papel at kinuwenta.
Para pwede tayong mag-motel tapos yayakapin lang kita. Lalagay mo ulo mo sa balikat ko tapos hahawakan lang kita hanggang makatulog ka. Tapos pipikit lang ako kasi masaya na ako nang ganun. Kahit hindi mo ako mahal, pwede na din. Narealize ko kasi na ang mas namimiss ko ay ang magmahal at hindi ang mahalin. Naramdaman ko na yun eh. Ang hindi ko pa nararamdaman sa mahabang panahon ay ang magmahal muli.
Sana pwede yon. Sana mas pangit ka na lang. Para hindi mo isipin na kaya kita gusto ay dahil sa itsura mo. Well, totoo naman na type kita. Pero mas type kita dahil sa ibang aspeto ng buhay mo. Mas type kita dahil sa pagkatao mo. Siguro ikaw may nakilala ka nang iba na mas swak sa ugali mo. Hindi ko na naitanong yun sa iyo. Pero sa akin, ikaw lang talaga yun. Sa dinami-dami ng mga nakasalamuha kong mga lalaki, ikaw lang yung umabot sa ganung level. Ako lang ba nakaramdam nung ligaya na yun habang nasa ilalim tayo ng dilaw na ilaw at magkaharap? Nung gabi na iyon, nung tinatanong mo ako kung ano ang nararamdaman ko at hindi ako makasagot?
Kung mas pangit ka lang nang kaunti e di baka tayo na. Baka lumipad na tayo together. Baka kung ano-ano na ang mga nagawa nating mga proyekto. Sana sabay tayong nag-grow. Sana sabay nating tinuklas ang mga bagay na gusto pa nating maranasan.
Sana na lang kasi hindi mo na lang ako pina-fall eh. Kahit na sinabi mo na ganun ka talaga at masama ka in that way, at sinabi ko naman na hindi ko gagawin yun, sana nalaman mo din na malamang yun lang ang sasabihin ko. Kaya ko nga sinabi yun kasi nag-fall na ako eh. I try to be as honest as I possibly can pero sa iyo nagsinungaling ako. Kaya kong itago sa iyo pero hindi sa sarili ko.
May gagawin pa sana tayong kwento di ba? Yung bida (na parang ako) ay magkrukrus ng landas sa medyo kontrabida (na parang ikaw). Tapos gagawa sila ng kwento tungkol sa paggawa ng kwento. Kaso yun pala tinapos mo na ang kwento bago pa man natin ito masimulan. May nangyari naman pero hindi pala ito kwento para sa iyo. Akala ko simula na eh. Yun pala scratch mo lang ako. Sinulat, tapos napangitan ka. Kaya nilukot mo ang papel at itinapon.
Hindi naman ako naglulupasay sa lungkot dahil sa iyo. Masyado na akong matanda para dun. Pero alam mo, mananatiling special sa akin ang pangalan mo. Hindi ko na kailangang ipaliwanag kung bakit.
Huli tayong nagkita sa bus station. Sa EDSA Ayala. Hinihintay mo ako makasakay ng bus. Tapos parang tanga lang ako. Aligaga kasi iba talaga pakiramdam ko kapag kasama kita. Pero siyempre, cool and collected on the outside. Tapos pinag-usapan natin na kapag naliligaw tayo minsan sa Maynila, basta hanapin lang natin ang EDSA ay alam na natin kung nasaan na tayo. Alam na natin kung saan tayo pupunta. Tapos iyon, pagkasakay ko ng bus, narealize ko na hindi pala tayo pareho nang pupuntahan.
***
Ang pangit ng blog ko na ito 'no? Hindi buo. Parang kulang sa damdamin. Kasi siguro nasa sa iyo pa yung ibang parte ng puso ko kaya hayun... Kaya ganito.
Sana balang-araw, mabuo ko ulit ang puso ko. Kasi nakakalungkot din pala kapag marami ka nang minahal.
No comments:
Post a Comment