Wednesday, February 29, 2012

Kawalan

Tinanong ako ni Tsong. Sabi niya, "Ano meron?"

Sabi ko "Kawalan."

"Ha?"

"Kawalan. Ang meron ako ay kawalan."

***

Noong Pebrero ng isang taon, pabalik-balik ako mula sa UPLB at Diliman. Nagde-date pa kami noon ni Rockstar. Naalala ko pa ang tapang ko noon na makipagkilala sa kung sino-sino. Kung paano ako dumayo sa mga lugar na hindi ko man lang napuntahan before. Naalala ko pa ang tapang ko na makipag-text at manuyo ng mga lalaki na sa tingin ko ay gusto ko. Ang bilis ko mahulog 'nun sa kung sino-sino. Konting lapit. Konting paasa. Sasabihin ko agad, "Tsong heto na. This is it. This is the one true love for me."

Naalala ko pa yung mga panahong iyon. Yung mga gabing ilang lalaki ang kinikilala ko. Yung mga kung kani-kanino ako nakikipagpalitan ng laway. Kung sino-sino ang kayakap. Ang kakwentuhan. Ang kasabayan mag-yosi. Kung sino-sino ang kasama ko magkape. Mag-dinner. Mag-Timezone. Manood ng sine. Naaalala ko pa ang mga nangyari pero ang mga pangalan nila hindi na. Dahil yung iba, hindi ko naman na talaga naitanong ang pangalan.

Lumipas ang Valentine's Day nitong 2012 at buti na lang may mga bumati rin sa akin sa text (at hindi lang mga kaibigan). Pero kahit na malunod ako sa mga rosas at general na kapulahan at kalagkitan ng paligid ko noong araw na iyon, hindi ko pa rin na-miss masyado ang magkaroon ng karelasyon. Kasi pagod na ako. Kasi takot na ako.

Dati kaya ko pang manghabol. Dati kaya ko pang maghanap. Ngayon ayoko na. Masyado na akong mahina. Kahit na merong mga nagpaparamdam, ni mag-reply di ko na magawa. Pagod na ako. Meron naman diyan. Marami diyan na magpapa-alala sa iyo kung ano nga ba ulit ang pag-ibig. Pero wala, sira na ako eh. Ayoko na.

Pero minsan daratnan na lang ako ng gabi na dilat na dilat ang mata, nakatingin lang sa dilim ng kisame ng aking kwarto. Nanlalamig sa loob dahil sa kalungkutan. Naaalala ang mga panahong kapag may nakakasalubong akong mga tipo kong maging boyfriend ay halos dumausdos na ako papunta sa kanila. Pero kahit na dumarating ang mga panahon ng pangangailangan, napangungunahan pa rin ako ng takot. Ayoko na. Sapat na ang mga naranasan ko.

Kaya noong Valentine's Day ay hinalungkat ko na lang ang mga nakaraan ko. Marami-rami na rin kasi akong naranasan. At kahit na ngayong taon ay wala, balikan ko lang ang dati ay solved na solved na ako. Busog na busog sa mga makukulay na alaala ng mga nakalipas na Araw ng mga Puso.

Masaya na akong naglalakad pauwi nang nakita ko na naman ang lalaking taga sa amin na nais sanang magpakilala noong Christmas Break pero dineadma ko. As usual, bumagal na naman siya ng paglalakad para sabayan ako pero dineadma ko pa din siya. Pero bago ako pumasok ng gate namin ay nilingon ko siya at nginitian, na para bang gusto kong sabihin na "Dito ang bahay ko. Tandaan mo."

Pero hanggang doon na lang naman iyon.

Nakakalungkot na isiping tumanda ako nang paurong. Ngayon pa ako naduwag samantalang ang dami ko nang experiences. Ngayon pa ako napanghihinaan ng loob samantalang dapat ay mas sanay na ako sa kalakalan ng mga puso. Pero ganun talaga eh. Oo, malungkot minsan. Pero kasi, kahit sarili ko hindi ko na rin matulungang buksan muli ang pinto ng pag-ibig.

Ok na siguro muna 'to. Sa ngayon, makukuntento muna ako sa kawalan.


No comments:

Post a Comment