Nanonood ako ng PACSiklaban noon. Nakaupo kasama ng mga audience habang pinapakilala ang mga judges na puro mga PhD. Napapa-wow ang mga tao habang binabanggit ang mga achievements ng mga hurado. Kung saan sila grumaduate ng PhD. Ang kanilang mga researches. Ang kanilang mga awards na natanggap. Talaga namang sila na talaga ang ilan sa pinakamahuhusay sa kapnayan sa bansa. Sila ang mga eksperto. At nasa audience lang akong nakatingin sa kanila. Humahanga at nangangarap.
Nagsimula na ang contest at habang kabado ako para sa mga estudyante ko ay may parte pa rin akong nakakaalala na minsan naging contestant din ako ng PACSiklaban. Manghang-mangha ako sa realization na iyon kasi galing na galing ako sa mga contestants. Minsan pala sa buhay ko, naging magaling din ako. Naging parte ako ng magaling na Team UP Diliman. Naging matalino. Para kasing hindi na ako iyong estudyanteng sumali sa contest pitong taon na ang nakakalipas. Para kasing sa sitwasyon ko ngayon, hindi ko na kayang maging matalino.
Nakita ko ang mga dati kong katrabaho sa UP Diliman na naging trainers para sa contest. Naramdaman ko ang pagka-iba ko. Na parang hindi na nga ako belong doon. Parang ang galing-galing nila dahil naipagpapatuloy pa nila ang pagkuha nila ng MS. Ako kasi, ano. Ako kasi napatalsik. Dropout. Bagsak. Wala akong nakuha.
Naisip ko din yung mga iba kong batchmates na kung tutuusin ay hindi kasing taas ng grades ko pero ngayon, sila na ag nag-pPhD abroad. Sila na ang well on their way towards success. Samantalang ako na nakakuha ng pinakamataas na GWA sa batch namin ay nasa Pilipinas pa din. Lumagapak at walang asenso. Walang pera at ari-ariang naipundar. Walang graduate degree. Pati respeto ng mga PhD's sa Chem, nawala din. Nasira na ang pangalan ko ng mga walang hiyang tsismoso't tsismosa ng IC. Wala na silang tiwala sa akin.
Aaminin ko na kahit sinasabi ko na ayos lang naman ako sa kinalalagyan ko ngayon, nasasaktan pa din ako sa lahat ng naganap. Kaya nga hindi pa rin ako makabalik sa IC Office. Ang sakit-sakit pa din kasi nang nangyari sa akin kahit na isang taon na ang nakalipas. Pakiramdam ko hindi ko maitatago ang sakit mula sa aking mga mata kapag nakita ko muli ang mga dati kong katrabaho doon.
Pero kahit na ganun, hindi ko pa din talaga masisi ang sarili ko kung bakit nga ba ako naging patapon. Para kasing yun lang talaga ang dapat kong mapuntahan. Marami kasi akong hindi natutunan agad noong mas bata pa ako kaya iyon muna ang binigyan ko ng atensyon. Pinakawalan ko ang ayos na sanang landas ko para patibayin muna ang aking mga pundasyon. At ngayon, napag-iiwanan na ako. Ang dating si Bryan na laging mataas ang marka, ang isa sa pinakamagagaling na estudyante ng premyadong UP Diliman ay ngayon ay nakabagsak na.
Hay. Ganyan talaga ang buhay. Ang mas weird nga eh may parte pa rin akong natutuwa dahil ag gusto ko sa lahat ay yung maganda yung story ng buhay ko. Kailangan ko nga siguro talagang magsimula muli sa ibaba para mas ma-appreciate ko ang aking pag-akyat.
Sa ngayon, mas nakikita ko na ang sarili ko din na kumuha ng PhD. Dahil kasi nag-Chem na rin naman ako eh, so why not maging mahusay na din talaga sa larangan ko di ba? At saka medyo nababagot na din ako at namimiss ko na din ulit ang mag-aral. Sana this time, mas gustuhin ko na talaga siya. Sana mas pag-igihan ko na. Kasi masaya naman talaga ang maraming alam.
Nabubuo na sa isip ko ang mga plano. Gusto ko na ding ipagpatuloy ang pag-aaral ko abroad. Ngayon ay nakukuha ko na ag motivation para umusad sa career ko. Kinailangan ko kasing i-motivate ang sarili ko dahil hindi ako na-motivate nang lubusan ng mga guro ko sa UP.
Sige, okay na ako. Nakapagpahinga na din. Panahon na para patunayan ko ulit ang galing ko. Panahon na para umakyat. Hays, pero this time around, kinakabahan na ako. Nawalan na din kasi ako ng tiwala sa sarili ko. Ang bobo ko na kasi ngayon.
Pero kakayanin ko 'to. Kakayanin. Papatunayan ko na kaya ko din talaga maging magaling. Ulit.
i still respect you for who you because you are my friend. :)
ReplyDelete