Dati ko pa tinatakasan ang pagkapangit ko. Dati, laging nakababa yung salamin ko, halfway na papunta sa dulo ng ilong ko. Alam ko na oily naman kasi lagi ang facial skin ko, kaya siguro nawalan na ako ng gana na paulit-ulit siyang itaas paakyat. Well, pwede ko namang higpitan yung sa may tenga di ba? Pero hinayaan ko na lang na ganun siya. Kahit na minsan mukhang ewan na talaga ako lalo.
(Naalala ko pa dati dapat iinterviewhin ako para sa TV. Tapos parang naasar yung reporter sa mahulog-hulog na na salamin ko at pinatanggal na lang. O nung same event na yun na dapat ako yung ipinag-dedemo para sa TV din ng isang lab experiment dahil ako ang sorta knowledgeable, kaso sumimangot lang sa akin yung media peeps dahil hindi ako pang-TV. Yung mas gwapo ko na lang na kasama yung pinag-demo.)
Kaya hinahayaan ko na ganun yung salamin ko kasi "ayokong harapin ang katotohanan", lalo na kapag nakaharap ako sa salamin. Siyempre, mas blurred yung tingin ko kapag nakababa ang salamin ko, kaya kaya ko pang isipin na guwapo ako o cute. Well, totoo naman siguro yun. Sabi din ng ex ko kapag wala siyang salamin e cute naman ako nang kaunti. At yun yung ex ko na super honest ha? Yung kapag nalulungkot ako dahil sinabihan ako ng iba na panget ay mapapa-oo na lang siya dahil ayaw niya magsinungaling. Wala siyang konsepto ng "comforting words".
One time, as a birthday treat to myself, naisipan kung palitan ang salamin ko after ten years. Halos amagin na di naman siya at kalawangin, at naglipana na ang blue-green culture na nabubuhay sa aking facial oil. Laking gulat ko nang isuot ko ang bago kong salamin at nakita ko ang fez ko na parang inverted strawberries lang ang texture at color. Nagulat ako na over the past few years, nakaya kong lumarga sa outside world nang ganun ang hinaharap.
Well, bago pa mangyari iyan ay ang uber-tigidig days ko circa 2005-2006 na kung saan nagmimistulang pagmamay-ari ng isang babaeng laging tinatagusan ang kama ko dahil laging may blood marks sa unan dahil sa mga pumuputok na pimples na hindi ko namamalayan sa aking mahimlay na pagtulog. Ibang level talaga ang pagkalala ko nun, at alam ko na naging tapunan ako ng mga pang-aalaska kapag nakatalikod ako. Pero kasi, wala naman akong magawa talaga nun kundi hayaan lang siya. Wala akong perang pang-derma. At hindi ko siya naging priority dahil noong mga panahon na iyon ay mayroon akong jowa kaya wala akong paki kung pangit ba ako sa iba. Grabe lang, taas-noo ako sa mga naging exes ko during those years at natanggap niyo ako nang ganun. Aylabshu talaga mwahmwah!
Eventually, nag-subside na din siya at medyo panaka-naka na lang sila kung mag-appear. Hindi na kagaya nang dati na halos mawalan na talaga ng space sa fez ko dahil occupied na lahat. Hehehe! Tapos nung nag-resurface na rin ang aking skin beneath all those acne ay nagparang battleground ang aking nakita. Sandamakmak na scars at what-have-you's na di maipintang ewan. It's true what they say - na pagkatapos ng gera, ang lupa ang pinakanahihirapan.
Sa ngayon, I can honestly say na nag-improve siya slightly, hindi lang sa aking biased judgement kundi sabi na rin ng mga friends ko. Yun nga lang, sobrang lubak-lubak na siya, at pareho na sila ng texture ng batong panghilod. Kapag nakasalamin ako at nakaharap sa salamin, medyo bearable na. At minsan gwapo pa, depende sa klase at angle ng light. Kapag malayo, like siguro mga limang metro, aakalain mong pwede na. Hindi ko makalimutan one time naglalakad ako sa Trinoma tapos narinig yung isang gay couple talking about me. Sabi nung isa "Gwapo o" but no, nung lumapit na ako, biglang dagdag nung isa "Sa malayo".
Malaki ang pasasalamat ko sa Adobe Photoshop dahil kahit papaano ay may naipapakita akong presentableng profile pic sa mundo ng Friendster o Multiply o Facebook. Most of the time, konting tweaks lang naman ang ginagawa ko like contrast and brightness. Minsan style lang diyan ay yung pag-crop o pag-rotate. Pero kapag nasa creative mode ako, yon todo gamit ako ng effects. Pero I maintain na may pagka-"art" pa din yung mga heavily edited at hindi lang panlolokong ganap. Salamat na lang at wala akong high quality camera dahil kung ganun ay kahit anong pag-eenhance ko siguro ay sadyang wala na akong magagawa pa sa pagmumukha ko.
Minsan, kailangan mo lang talaga nang kaunting panloloko sa sarili (parang religion lang) para makabangon ulit kinabukasan. Konting edit sa pictures, mapapanatag na ang loob mo na hindi ka naman talaga super swangit. Konting delete lang sa mga pangit na pictures, hindi lang sa files kundi maski sa alaala mo para huwag ka tuluyang madala sa walang katapusang self-pity. Hindi kasi lahat kayang tanggapin ang buong katotohanan.
Ngayon at matanda na ako, iyon na ang sinusubukan kong harapin. Na sadyang pangit ako sa lagay ko ngayon. Kaya naman hindi matapos-tapos ang heartbreak ko eh, kasi habol ako nang habol sa mga mas gwapo sa akin. It is time for a reality check na sa itsura ko ngayon, hanggang sa certain low level lang na ito ang kaya kong ma-reach.
Ngunit ang problema ko talaga ay kahit na alam kong pangit na nga ako ay minsan wala pa din akong gana na ayusin ang sarili ko kasi parang taliwas ito sa aking mga paninindigan na ang pagka-halina dahil sa itsura ay kababawan lamang. Pero habang lumalaon, at nakikita ko ang sarili ko na tumitingin din talaga sa mga gwapo ay naiintindihan ko na na hindi ako excluded sa mga batas na ito ng lipunan ng kabadingan: "Huwag choosy, kung di ka naman yummy" at "Gwapo sa gwapo. Only."
On retrospect, kaya lang talaga ako nakatagal nang ganito sa itsura ko ay magaling din kasi ako mag-photoshop ng buhay. In a way, maganda yun kasi napapasaya mo ang sarili mo. Lagi mong nakikita ang rainbows and butterflies sa bawat pangit na nangyari sa iyo, pero ang masama dun ay niloloko mo lang ang sarili mo. May panahon na kailangan ko ding harapin ang katotohanan.
Nakakatawa na noong isang araw lang ay nag-expire na ang aking free Photoshop trial. Para bang senyales na hindi na ako dapat mag-enhance ng mga pictures ko. Mula ngayon, hanggang Paint na lang ako. Hehehe. O kaya todo adjust ng angles at lighting.
Siguro panahon na nga para ayusin ang pagmumukha ko. Dapat siguro matanggap ko na hindi ito kababawan lang. Nakasalalay dito ang confidence ko. Nakasalalay dito ang future ko. Sawa na ako isnabin ng mga di naman kagwapuhang vainglorious assholes. Sawa na ako balewalain at lokohin. Hintayin niyo lang ako at ipapamukha ko sa inyo ang tunay na mukhang dapat ay napasaakin kung hindi lang dahil sa aking acne genes.
Sa huli siguro, ang mas mahalaga ay kung paano ituring ng sarili mo ang sarili mo nang walang halong lokohan. Oo, inaamin kong pangit ako. Pero pangit ako ngayon lang. Bukas, gagawa ako ng paraan para mabawasan yun ng kaunti. At nang kaunti pa. Hanggang makuha ko na ang dapat kong nakuha dati pa.
Darating din ang araw na kaya kong ipakita kung ano man ang nararamdaman ko, nang hindi ko na naiisip ang magiging itsura ko sa picture.
No comments:
Post a Comment