Thursday, October 27, 2011

Ang Takbo ng Mundo

Medyo may tama na siguro ako. Mga 20%.

Tumayo ako mula sa aming mesa at kinausap ang isang babaeng waitress.

"Hi, okay lang ba padagdag pa ng table. May darating pa kami na mga friends."

"So mag-oorder pa kayo ng isang pitcher ng margarita? O ano, isa pa..." tanong sa akin ng isa pang waiter. Yung bading na waiter na friend na namin.

Inisip ko ang perang laman pa ng aking ATM. Inisip ko na paparating ka na. Hindi naman masyadong matagal bago ako nakapag-decide.

"Okay, isa pa. Sige," sagot ko sa waiter sabay ngiti. May tama na nga siguro ako. Mga 21%.

Nag-dagdag na ng isa pang mesa yung babaeng waiter. Inayos ko ang mga upuan.

"Okay, dito siya uupo ha," sabi ko habang inaayos ang katabi kong upuan. Tinabi ko sa upuan ko nang todo hanggang magkadikit na yung dalawang upuan. Natawa na lang ako sa sarili ko.

Maya-maya dumating ka na. Una kitang nakita dahil sa puwesto ng upuan ko. Matagal-tagal na din pala simula nung huli tayong nagkita. Kinabahan ako.

So hayun umupo ka na nga. Doon sa tabi ko dahil wala na naman ibang available na puwesto. Saktong masaya lang naman ako. Kontrolado pa naman kahit na hindi pa din kita masyadong matingnan. Parang high school lang ang drama. Tinawaga ko ulit ang waiter at nagpakuha ng mga extra na baso. Serbisyong totoo lang. Dinahilan ko na since ako naman ang nag-invite, responsibilidad ko na i-entertain ka.

Tuloy ang inuman. Saktong inuman lang at hindi naman talaga masyadong nakakalasing yung mga iniinom natin. May isang beses na binara mo yung joke ko. In fairness, effective naman. Na-impress ako actually.

Maya-maya nag-aya na sila na lumipat ng ibang bar. And for the first time (in so very long) pumayag ka din na sumama pa din. Naalala ko yung mga araw dati na ilang beses kitang ininvite pero may conflict palagi. Hehehe. Ayos lang iyon. Ganun talaga.

Sumakay na tayo sa kotse at doon ako umupo sa harap. Kunyari spontaneous lang pero by sheer force of will ko kung bakit nangyari yun. Hahaha.

Umandar ang sasakyan at nagtatanong ka sa akin ng directions. Masaya ako nun. Saktong saya lang naman. Yung tipong masaya na tinatandaan ko ang bawat detalye ng mga nangyayari noon. Siguro gusto ko lang may balikan akong masayang eksena sa utak ko. Alam ko kasi na matagal-tagal na naman siguro bago kita makita ulit. Minsan natutupad din naman pala ang mga simpleng pangarap natin sa buhay.

Kumain muna sila sa Ministop. Tinanong kita at sinabi mong hindi ka naman nagugutom. Natatawa ako sa sarili ko dahil parang sugar daddy ako sa concern. Hahaha. Ganun talaga. Alam kong corny ang lahat at nakakatakot slightly. Pero ganun eh, wala na akong magagawa kung ganito ako. May something pa din talaga eh. Hindi ko yun kayang ikaila.

Maya-maya andun na tayo sa loob ng bar. Hindi tayo magkatabi. Okay lang kasi kinakabahan ako. Baka kung anong maisip kong gawin. Na-realize ko kasing ngayon lang kita na-"solo" in a way. Masaya ako. Pero kinakabahan din.

At go, todo sayawan na. At doon talaga ako na-impress sa iyo. Na ang saya mo sobra kasama kapag sayawan. Hindi ko talaga inexpect yun kasi alam ko namang hindi ka lasing. Napahanga mo ako doon. Bukod sa game kang kasama ay magaling ka din pala talagang sumayaw. Masaya ako noon dahil alam kong nag-eenjoy ka.

Minsan nga halos tumigil ako sa pagsasayaw dahil parang suryal ang mga nangyayari. Ang saya ko lang na andun ka. Ang saya ko lang na andun ang mga kaibigan natin. Na sa sobrang boring ng sembreak ko so far alam kong yung gabing iyon ang magiging highlight. At para sa akin, ikaw ang highlight ng gabing iyon.

Dumating yung time na nagsayaw tayo at tayong dalawa lang. Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo nun. Hanga ako sa iyo dahil alam mong may something pero chill ka lang. Enjoy lang. Hindi mo ako iniiwasan or anything. May gusto sana akong sabihin. May gusto sana akong gawin. Pero isa lang akong malaking torpe pagdating sa iyo. Hindi ko talaga kaya. Hindi ako makagalaw.

Iniisip ko na wala naman sanang masama talaga pero pinapangunahan ko ang lahat. Ayoko kasing... mapasama ka. Ayoko din sigurong mapahiya. Ayoko din sigurong lumayo ka or anything. Na-trauma na ako sa ganun eh. Kaya siguro okay na 'to. Masaya na ako sa ganito.

Lumalim ang gabi (actually, ang umaga) at medyo napagod na din tayong lahat sa walang humpay na pagsasayaw. Lumalarga na ang ibang tao sa bar. Naglilibot. Kinabahan ako. Pero hiniling ko na sana hindi na maulit yung nangyari last year. Saktong isang taon na ang lumipas simula noon.

Dapat talaga nag-aya na akong umuwi dahil maya-maya nangyari na nga ang kinakatakot kong mangyari. Kinakantyawan ako ng mga kaibigan natin. Tumitingin sila sa akin habang nangyayari ang lahat at naulit na naman ang naramdaman ko noong isang taon. Ang sakit. Parang literal na kinukurot ang puso ko. Dinidikdik. Pinapaso. Bakit ba kasi kailangang mangyari ang lahat sa harapan ko di ba? Bakit?!

Hindi ko na kinaya ang lahat at lumabas ako para mag-CR. Lasing na ako. Mga 80%. Nahihilo ako at nasusuka na. Gusto ko na lang dumausdos sana sa sahig pero naka-autopilot kasi ako. Ilang minuto akong nakatulala sa CR at nakatingin lang sa inodoro. Nahihilo ako. Torpe. Tanga. Talo. Naisip kong nasa toilet bowl ang puso ko. Tapos... flush.

Bumababa na tayo at napansin kong masaya ka. Parang kinikilig ka pa nga. Pinipilit kong maging masaya din dahil masaya ka. Pero ang hirap pala, lalo na't yun ang dahilan. Bumigat bigla ang ulo ko. Buti na lang kaya ko pa ring umarte kahit konti. I'm fine. I'm fine!

Sana kasi, ano, may karapatan din akong pasayahin ka kagaya nung nagpapasaya sa iyo noong mga oras na iyon. Sana kaya ko din. Sana ang basehan na lang ay yung kung ano yung nasa loob ng puso. Sana yun na lang ang nakikita at hindi yung panlabas. Pero wala eh, hindi kasi ganun ang takbo ng mundo. Ganun talaga at hindi ko kayang labanan iyon.

Alas-sais na nang makarating ako sa kama ko. Pagkatapos ko magbihis ay derecho lugmok ako sa mga unan ko. Naiiyak ako na ewan. Pero hindi para sa iyo kundi para sa sarili ko. Kinuha ko ang fone ko at nag-text ako. Lasing pa din kasi ako kaya pasensya na kung may nasabi akong hindi dapat nasabi. Medyo wala ako sa sarili. Lasing pa ako. Mga 10%.

Nanaginip ako. Hindi ko alam kung ano nangyari exactly sa panaginip pero ang naaalala ko nandun ka. Pero paggising ko, magaan na ang pkairamdam ko. Okay na ako. Parang may na-realize ako sa panaginip ko tungkol sa atin, kahit na hindi ko na maalala kung ano yun exactly ngayon. Ang weird pero basta ganun.

Nag-reply ka. At natuwa ako dahil sa tingin ko naiintindihan mo ang nangyari. Tama lang ang sinabi mo. Tama lang talaga. Salamat sa pag-unawa.

Binaba ko ang celfone at napangiti. For the first time, may happy ending din na nangyari sa araw ko.


No comments:

Post a Comment