Sunday, November 27, 2011

Seryosohan

Magkukulong na lang ako sa kwarto ko. Hindi na lang ako lalabas. Hindi na lang ako makikipagkilala pa sa iba.

Ayoko na. Takot na ako. Masakit pala kasi talaga. Akala ko, kaya ko na. Akala ko alam ko na ang ginagawa ko. Marami na akong napag-daanan. Marami nang experiences. Akala ko kilala ko na ang sarili ko pero hindi pala. Kapag nasaktan ka, masakit pa din pala talaga. Parang first time lang din. Hindi naman nagbabago ng tindi.

Sabi ko sa sarili ko, ayoko na ulitin pa yung mga napag-daanan ko noon. Ayos na ang isang beses. Pero noong isang pagkakataon na hinayaan ko ang sarili kong maging vulnerable ulit pagkatapos ng mahabang panahon, saka ka dumating sa buhay ko.

Sabi ko, naiinis ako sa iyo. Kasi pinaramdam mo sa akin na pwede palang mag-exist sa mundong ito ang mga taong kagaya mo. Pinaalala mo sa aking ang dahilan kung bakit nga ba nakikipag-relasyon ang mga tao. Totoo ang sinabi ko sa iyo na minsan lang ako makahanap ng taong maraming kapareho sa akin. Madalas hindi ako komportable sa iba. Madalas limitado lang ang mga pwede kong maikwento. Pero sa iyo parang kaya kong lumipad. Kaya kong hayaang mabuksan ang diwa ko kasi alam ko na sa ganoong aspeto, pareho tayo.

Habang nakikinig ako sa iyo, parang nakikita ko ang sarili ko sa iyo noon. Akala ko baka makita mo din sa akin iyon. Na baka maisip mo na baka pwedeng mabago natin ang buhay ng isa't isa. Na baka hindi mo ako ituring na normal mo lang na ka-meet up. Bawal yun, alam ko. Masyadong mabilis. Sobrang bilis, pero kapag nasa ganitong phase ka, hindi mo naman talaga kayang pakinggan at pagbigyan ang sinasabi ng utak mo. Kaya ginawa ko ang hindi dapat. Umasa ako.

Pinipigilan ko lang ang sarili kong maiyak sa frustration nang una kitang mayakap. Alam ko naman kasing bawal ang mga ganun. Alam ko namang hindi talaga pwede at pinag-usapan na natin 'to. Pero kasi, unang beses ko lang naramdaman na ma-attract sa isang lalaki nang ganun katindi. At habang niyayakap kita nang mahigpit, hindi ko maiwasang maisip na baka ikaw na nga. Na baka tayo ay para sa isa't isa. Alam ko na, noong gabing iyon, na hindi na kita makakalimutan.

Ang hirap kasi nang hindi ko alam kung ano ba ibig sabihin ng mga kilos at salita mo. Ang hirap malaman kung alin ang totoo at alin ang trabaho lang. Sa akin, totoo lahat. Bawat kilos at salita. At yun ang dahilan kung bakit ako nasasaktan. Dahil hindi ko kayang magpanggap. Sa ilang taon kong sumabak sa pag-ibig,  hindi ko pa rin pala kayang hindi buo ang ibigay ko. Hindi ko pa rin natutunan iyon kasi ayoko. Ayokong makipaglaro.

Minsan gusto kong itanong kung ano ba talaga ako sa iyo pero natatakot ako sa magiging sagot mo. Natatakot ako dahil ayoko pa tayong matapos. Natatakot ako kasi baka hindi na ako makakilala ng isang taong kagaya mo. Ayoko kang mawala pero parang hindi ko kasi kaya na ganito ang sitwasyon.

Gusto ko na lang magmura dahil sana nakilala kita noon pa, bago pa mangyari sa atin ang mga nangyari nito lang. Hindi sana ako magkakaganito sa iyo.

Ayokong mawala ka. Pero kung nakikipaglaro ka lang pala, mas gugustuhin ko na lang na umiwas. Kasi hindi ako nakikipaglaro sa iyo. Alam kong sa atin, bawal ang seryosohan. Pero ang tingin ko kasi sa taong kagaya mo, ikaw ang tipo na sineseryoso. Kasi you deserve it.

I'm... sorry. Buo ang aking ibibigay. At buo rin akong masasaktan.


No comments:

Post a Comment