Thursday, May 26, 2011

Tatluhan

Halos magtatatlong-taon na rin pala tayong magkausap sa website ni Mother. At kahit na hindi ako mainstay sa lugar na iyon (dahil nagkaka-jowa din ako kapag sineswerte), isa ka sa mga lagi kong nababalikan para kausapin. Isang message ko lang ng "C***!" at sa pagsagot mo ng "Bakit?", ay masaya na ako. Ilang boyfriends na ang dumaan at lumipas sa buhay ko pero nandoon ka pa rin.

Nagtratrabaho ka sa madalas kong tambayan dito sa may UP, kaya tuloy may mga common tayong napag-uusapan, kagaya na lang ng gwapo at hunk na barista sa Coffee Bean na pareho nating type. Marami-rami na din tayong mga kwentong naibahagi sa isa't isa, pero alam ko na sa tuwing nawawala ako, nakakalimutan mo din ako. Lagi ko pang kailangang ipa-alala sa iyo kung sino ako. Hindi rin naman ako kasi pasado sa taste mo. Hanggang chat lang ako sa iyo. Kahit nga number mo hindi ko nakukuha. Ni hindi rin tayo makapag-schedule ng kahit isang date kahit na ang lapit lang natin sa isa't isa. Kapag nilalandi nga kita, iniiba mo ang usapan. Obvious naman na hindi mo nakikita bilang isang tao na sineseryoso pero nagpapasalamat pa rin ako at kinakausap mo ako, kahit na alam kong wala ka namang advantage na nakukuha mula doon.

Matagal rin akong nawala sa bahay ni Mother, pero pagbalik ko kaninang umaga, natyempuhan kitang online. Dali-dali akong nag-message ng "C***!" sa galak sa muli nating pagtatagpo at kulang na lang ay lagyan ko ng mga emoticon na hugis-puso ang message ko.

Sobrang cute mo talaga. Sobra-sobra. Na kahit hindi talaga ikaw ang "genre" ko pagdating sa mga lalaki ay nagcross-over ka dahil sa pagka-sobrang cute mo. Pero higit dun ay ang kakulitan mo at ang kabaitan mo sa akin. Na para bang isa kang charity worker ng kakiligan at ako ang iyong hamak na ulilang batang sabik sa kaunting pag-aaruga.

Agad kong ibinalita sa iyo ang aking pagka-tsugi sa UP at hindi ko akalain na ang isasagot mo ay ang pag-aaya sa akin... na magtrabaho diyan sa inyo.

"Bakit?" sabi mo, "Ayaw mo ba akong maging katrabaho?"

Ay! Deusmio! Kung nalaman ko lang ito nang mas maaga ay iiwanan ko ang Secret University para lang sa iyo!

Hindi ko siguro kakayanin ang nalalapit nating pagkikita kasama ang ating "common friend". Matatanga siguro ako all the time, at mawawalan ng dignidad sa harap mo. Ilang taon ko din itong hinintay, at hindi pa din ako makahinga sa pagkabigla kung gaano kabilis maayos ang lahat. Nitong umaga lang, kamustahan. Tapos biglang, heto na. Kasado na agad. May bahagi pa din ng puso ko na humihiling na sana hindi na ito matuloy dahil sa sobrang pagka-torpe ko... Pero siyempre, hindi ko dapat palampasin ang pagkakataong ito. Manalo man o matalo, mahumaling man o mapahiya, itutuloy ko na ito.

Hay naku, C****... Alam kong napakahirap mong abutin. Alam kong you're out of my league. Pero i-aangat ko pa din ang kamay ko para lang mas mapalapit sa iyo.

***

P. S.
Bakit mo ba kasi ako inadd sa Facebook? Nakikita tuloy kita. Langya ka. Pinapahirapan mo ako... Hay, ang puso ko. Lumalandi na naman.

No comments:

Post a Comment