Mas magaling na akong artista kesa dati. Siguro, hindi na ako ganun kahalata kapag nagkakasalubong tayo o kaya kapag kailangan kitang kausapin. Kaya ko nang kontrolin ang mga kilos ko. Well, except sa pag-blush ko minsan kasi involuntary naman yun... Pero nitong mga nakaraang araw, kaya na kitang tingnan sa mata na parang bang isang ka lang ordinaryong tao sa buhay ko.
Kinuha ko kasing inspirasyon ang Harry Potter. Si Ginny kasi di ba, naaaligaga dati kapag nandyan si Harry. Tapos sinabihan siya ni Hermione na mag-chill lang at magpakatotoo sa sarili niya at baka mas magustuhan siya ni Harry. Kaya yun din ang ginawa ko. Yun nga lang, hindi mo din naman ako nagustuhan.
Halos mag-iisang taon na nang mag-krus ang mga landas natin. Naaalala ko pa ang paunti-unti kong paglalandi sa iyo noon. Ang mga pag-text at pagkwento ko sa mga kaibigan ko sa bawat maliit na bagay na ginagawa mo na involved ako. Ang paulit-ulit na pagguho ng mundo ko kapag frustrated ako sa iyo. Ang walang palya kong pagsusulat tungkol sa iyo. Naaalala ko pa kung paano ko nararamdaman kapag medyo malapit sa akin. Yung kakaibang hiwaga na yun na para ba akong compass at ikaw ang north pole.
Ilang lalaki na rin ang dumating sa buhay ko simula noong una kong maramdaman na may kakaiba akong pagtingin para sa iyo. Parang McArthur lang ang feelings ko na yun. Minsan sobrang lakas na hindi ako makatulog sa kakaisip sa iyo kapag alam kong problemado ka. Minsan nawawala dahil natatabunan ng ibang mga lalaki. Pero sa oras na makita kita ulit, bumabalik pa rin siya.
Marami na rin akong mga nakilalang lalaki. Pero ngayon ko lang talaga naisip na hindi pala ako nagkakagusto sa lahat. At ngayon ko lang din napagtanto na sa lahat ng mga nagustuhan ko, ikaw lang ang hindi ko ginawaan ng paraan. Ikaw lang ang hindi ko hinabol.
Iniisip ko kung ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi kita niligawan. Siguro dahil nagparaya ako sa kanya na lagi mong kasama. Siguro dahil naduwag ako dahil pakiramdam ko hindi kita kayang abutin. Siguro dahil pakiramdam ko ay hindi mo naman kailangan ang isang magulong tulad ko. Siguro dahil pagod na din ako at wala na akong maibibigay na pagmamahal.
Naalala ko tuloy yung isang gabi na lasing tayo at halos matumba na ako sa paglalakad. Tinanong kita tungkol sa mga ganitong bagay. Tinanong kita tungkol sa mga tsismis na pumapaligid sa pangalan mo. Kakaiba ang pakiramdam ko na nakakausap kita tungkol sa mga ganung bagay, pero ang pinaka-tumatak sa isip ko ay yung sinabi mo sa akin na ayaw mo nga sa mga taong magugulo.
Magkahalong ginhawa at sakit ang naramdaman ko noon. Na para ba akong sinuntok sa tiyan tapos hinalikan. Nasaktan ako kasi alam kong magulo nga ako, kahit na sigurado naman ako na hindi ako ang tinutukoy mo doon. Pero natuwa din dahil parang nagkaroon ako ng excuse sa katorpehan ko para nga hindi ka ligawan.
Siguro nga huli na ang lahat dahil aalis na ako sa UP. Siguro dapat ko na talagang tapusin ito dahil alam ko namang sa isang iglap ay kaya mong makahanap ng iba. Siguro nga sumusuko na ako sa iyo...
Naaasar ako sa sarili ko. Kasi hindi ako masaya sa desisyong ito. Kasi ilang beses ko na ding ginawa ito pero paikot-ikot lang din ako. Oo. Magulo nga ako. At siguro, hindi ako ang para sa iyo.
Pero alam ko na sa bawat tingin ko sa iyo, na sa bawat pag-uusap natin, alam kong may kakaiba sa mga sandaling iyon. Lalo na yung dalawang segundo na iyon na hindi ko makakalimutan ss buong buhay ko. May bago ka man o wala. May bago man ako o wala. Hindi ko maitatanggi kahit sa sarili ko na mahalaga ang mga saglit na iyon. Hindi dahil umaasa ako, o dahil natutuwa ako sa itsura mo. Kundi dahil ikaw iyon. Yun lang.
Lilipas ang mga taon at magkikita muli tayo. At siguro doon ko lang din talaga malalaman kung bakit nga ba hindi kita niligawan.
Isa sa mga naintidihan ko tungkol sa pag-ibig ay nagiging tanga talaga ang lahat kapag nagmamahal. Kung inaamin kong nagiging tanga ako dahil sinulat ko ito, ibig sabihin ba nito...?
No comments:
Post a Comment