Dati tinanong ko ang kaibigan ko kung paano niya nakikita ang sarili niya makatapos ang sampung taon. Sabi niya may pamilya daw siya. May asawa at anak. Nakikita niya ang sarili niyang nagmamadali para ihatid ang kanyang anak sa paaralan. Nung ibinalik sa akin ang tanong, ang nakita ko lang sa isip ko ay ako, nasa labas at naglalakad kung saan-saan. Mataas ang araw at tumitingin ako sa paligid ko. Hindi ko alam kung nasaan ako pero nakangiti ako at nabubuhay ako.
***
Madalas kapag gabi at mag-isa ako ay iniisip ko kung saan nga ba ako patungo. Nakikita ko kasi ang mga tao sa paligid ko, punong-puno ng mga plano kung saan sila magtratrabaho. Nakikita ko kasi ang mga kaibigan ko sa Facebook. Yung iba may mga asawa na. Yung iba may kung ano-anong pag-aari na. Masasaya sa kanilang pagiging ama o ina. Masaya sila kung nasaan man sila. Naiisip ko ang dating ako. Naiisip ko na kung hindi siguro ako nagbago, hindi siguro ako magkakaganito.
May mga bagay akong alam at may mga bagay na hindi. Hindi ko alam kung ano talaga ang gusto ko. Kung tatanungin mo ako kung ano ba talaga ang gusto kong gawin, hindi kita mabibigyan ng isang sagot. Hindi ko talaga kayang mag-plano. Palutang-lutang lang ako. Kung saan man ako dalahin ng buhay ko, makukuntento na ako dun.
Sabi nila pera lang ang solusyon. Sabi nila basta magpayaman ka lang, masasagot mo ang mga problema mo. Pero kahit anong gawin ko, hindi ko kayang maging ganun. Basta meron akong sapat na pera, nagiging masaya na ako.
Sabi nila, basta sumunod ka lang sa sinasabi ng mga bossing mo, ayos ka na. Kung ano ang kinuha mong kurso, sundin mo lang iyon. Pero hindi ko din kayang maging sunud-sunuran. Kung hindi ko gusto ang gusto nilang maging ako, wala ding mangyayari. Hindi ko kayang pilitin ang sarili ko na gustuhin ang mga bagay na kinaaayawan ko.
Hindi ako naiinggit sa mga kaibigan ko dahil malaki na ang kinikita nila. Hindi ako naiinggit sa mga kaibigan kong mag-aabroad na at ipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral dun. Para sa akin, wala naman doon ang kahulugan ng buhay. Ang iniisip ko kasi ay kung saan ako magiging masaya. At nagiging masaya ako kapag napapabuti ko ang mundo. Kapag may natutulungan akong mga tao.
Sa mga desisyong kagaya nito, iniisip ko lagi kung ano ba ang kabuluhan nito para sa mundo. Iniisip ko lagi na kailangan kong magmadali dahil maikli lang ang buhay. Kailangang may gawin na ako para sa mundo ngayon na. Hindi ako dapat magsayang ng mga taon para paunlarin ang sarili ko.
Inaamin ko na nalulungkot pa din ako dahil sa pag-alis ko mula sa UP, kaya nga nakakapagsulat ako ng mga ganito tungkol sa nangyari. Marami akong naiisip at nauunawaan dahil doon. Pero minsan, kung magiging praktikal ka, hindi talaga nakakatulong ang masyadong pag-iisip. Kasi ngayon, nagiging sobrang lawak na ng pagtingin ko sa buhay kaya tuloy hindi ako makapag-focus sa isang aspeto. Parang sa bawat gagawin ko, ikinukumpara ko na lagi ang epekto nito sa buong universe. Kahit sa sarili ko nga, hindi na ako makapag-focus. Kasi ano ba naman ang ikauunlad ng isang taong kagaya ko kumpara sa buong universe?
Siguro nga hindi ako naiinggit sa mga kaibigan ko dahil sa pera o dahil sa ambisyon. Naiinggit ako kasi may direksyon sila. Naiinggit ako kasi kaya nilang mag-focus sa mga sarili nila o sa mga pamilya nila, na para bang hindi nila napapansin ang kawalang-saysay ng lahat kung hindi mo pa nahahanap ang kahulugan ng iyong buhay.
Para ba akong kabayo sa kalesa na tinanggalan ng mga harang sa mata, tinanggalan ng latigo at hinete, at tinanggalan ng kalesa. Walang nagsasabi sa akin kung saan ako dapat pumunta. Walang lumilimita sa mga dapat kong makita. Wala akong bagahe na magpapabigat sa akin. Kaya tuloy nasosobrahan ako sa pagkamangha sa mga bagay sa paligid ko at hindi na ako makaalis.
May mga bagay akong alam at ay mga bagay na hindi. Pero bakit ang mga bagay na alam kong makahulugan ay walang saysay sa totoong buhay? At ang mga bagay na dapat ay walang saysay ay mahalaga sa totoong buhay?
No comments:
Post a Comment