Friday, October 12, 2012

Ang Tunay Na Wagi

Madalas, mag-isa lang ako sa Adamson. Mag-isang naglalakad papasok o pauwi. Mag-isang kumakain o nagyoyosi. Tuloy, wala akong libangan kundi ang mag-isip tuwing nag-iisa ako. Kasi di ba, minsan, hindi na naman nating kailangang ibuhos ang 100 porsyento ng ating utak sa mga bagay gaya ng pagkain o paglalakad. Yung tipong naka-autopilot ka na lang habang hinahayaan mo ang isip mong kutkutin ang kung ano mang konsepto ang tiyempong napadpad sa iyong isipan.

Pauwi na ako minsan at naglalakad ako sa Walkway. At dahil medyo mahaba-haba ring lakad iyon, mas malayo ang nararating ng isip ko kapag nandun ako. Nakatingin lang ako sa dinadaanan ko habang nag-iisip ako tungkol sa buhay ko.

Kapag nag-iisip ka tungkol sa buhay mo, hindi mo maiiwasan minsang i-kumpara ito sa iba. Kasi parang hindi talaga kumpleto ang iyong analysis kung puro internal lang. Paano mo siya tuluyang ma-aassess kung wala kang batayan di ba? Kaya iyon, nung hapon na iyon at naglalakad ako sa Walkway, naisip ko kung mas magaling nga ba talaga ako kumpara sa ibang tao.

Naisip ko ito kasi na-realize kong parang madalas naman ako na masabihang magaling. Hindi ko alam kung paano ba talaga para sa ibang tao, kasi hindi ko naman sila nababantayan 24/7, so nag-assume lang ako base sa mga observations ko tuwing may mga gatherings.

Sa ngayon, mas madalas akong masabihang magaling dahil sa pagtuturo. Dati naman, noong nag-aaral pa ako, sa acads. Parang hindi lalampas ang isang buwan na walang nagsasabi sa akin na "Ang galing mo." Pero kasi, hindi lang naman ako sa mga bagay na ito magaling. Minsan, kung gagawa ako ng compilation album, o kaya visual art - mapa-official man na poster o video o for fun lang. Minsan, sa choreo ng sayaw. Minsan sa mga ideyas lang in general. Minsan sa pagsusulat ko. Minsan fashion sense. Hindi ko alam talaga kung nagiging mabait lang ba talaga ang mga tao sa akin kung bakit parang madalas nila akong masabihang magaling sa maraming bagay.

Kung hindi mo ako kilala, iisipin mo sigurong isang malaking kayabangan lang ang pag-eenumerate ko sa mga bagay na ito. Well, hindi yun ang point nito (at ang aking laking loser ko naman kung gagawin ko yun di ba?). Ang point ko ay kahit pala na masabihan kang magaling, hindi pa rin iyon sapat na maniwala ka na magaling ka nga. Otherwise, ang buong blog entry ito ay naglaman na lang sana ng dalawang salita: Magaling ako. Period.

Hindi rin ito case ng "false humility". Naniniwala akong wala namang masama kung tanggapin mong magaling ka, kung may valid basis ka naman talaga na magaling ka. Pero sa kaso ko, parang hindi ko talaga deserved na masabihan na magaling ako sa maraming bagay. Dahil sa tingin ko, wala naman talaga akong ginawang malaking effort para maging ganito.

Sabi nga ng roommate ko dati na matalino, nasa genes lang naman niya talaga ang lahat. May mga taong pinapanganak talaga na matalino, kaya kung maging Top 1 ka man, well dapat lang kasi you were made for that. Parang hinangaan mo yung taong nakakaabot ng bunga ng puno e samantalang matangkad lang naman kasi siya. Anong ineffort niya dun di ba? Wala. Para din itong kaso nung mga magaganda at pogi at mga naturally sexy. Anong ineffort nila dun para makapagyabang? Wala din.

Well, kung ganito ang kaso, ano na ang magiging basehan natin kung sino ba talaga ang magaling at sino ang hindi? Siguro, ang susi dito ay nasa effort na malampasan mo ang mga limits mo. Yung tipong mga success stories ng mga underprivileged. Yun. Yung mga "rags to riches." Yung mga studious lang talaga pero nag-top pa din sa klase. Yung mga maparaan kahit na naturally kapos o hindi pinagpala. Yun para sa akin ang mga taong magagaling.

Sa kaso ko kasi, wala naman talaga akong effort. Isa akong malaking tamad. Kaya nga wala akong matatawag na progress sa aking career kasi wala naman talaga akong ginagawa talaga. Naghihintay lang ako. Tapos kapag meron, yun. Ganun akong klaseng tao kaya tingin ko I really do not deserve all this praise.

Ang totoo nga, if anything, ay dissatisfied ako sa mga konting achievements ko. At this age, dapat I should be making bigger waves of change. Lagi kong sinasabi sa klase na ang ultimate kong pangarap ay world domination. Akala nila nagbibiro ako. And at present di ba. Like wow, sino na nga ba ako? I've made a name na din naman siguro, in a notorious way, pero still, I'm barely somebody. Nakaka-panic na nga actually, kaya medyo tinatakbuhan ko na lang ang sarili kong mala-Everest na expectations kesa ma-frustrate ako all my living hours.

Hindi ko alam kung masasabing healthy ba ang ganitong perspective, na talagang wala na talaga akong nagawang ayos talaga kung tutuusin. Ayoko naman ding magka-inferiority complex. Pero kasi, may pagka-unfair talaga na yung ibang tao, capable of grand things kaya it is really easier for them to stand out and make a difference. I may have a potential of sorts siguro, pero the way I'm using that now? Ay! I'm more olats than winner. Kulang na kulang pa ateng.

Pero ang mas profound pala na na-realize ko dito ay, siguro, mas ma-aapreciate ng isang tao kung may magsasabi sa kanyang magaling sa mga bagay na alam nating pinaghirapan niya. Siguro ito ang dahilan kung bakit parang nababawasan nang kaunti ang aking pagtanggap sa mga papuri. Kasi nga, well, dapat lang na ganun ako dahil capable ako ng mga bagay na ganito. Na parang yes, I appreciate your recognition, but truth is, I'm not at par with my own standards.

Yung naisip ko na kunyari gwapo ako, tapos laging may magsasabi sa akin na ang gwapo ko. I think mananawa na din ako dun. Mawawalan na din siya ng weight, unless isa akong uber-vain person na doon ko lang inangkla ang totality ng aking happiness.

So ang nangyari pala, ay everytime may magsasabi sa aking magaling, instead na matuwa ako ay maaalala ko lang na in truth, I'm lagging behind my own expectations. Bwiset. So huwag na lang pala. Huwag niyo akong sabihang magaling. Para mag-effort pa ako. Kasi this life had been too easy on me.

Bow.






No comments:

Post a Comment