Ayoko na magsulat kasi wala rin namang nangyayari. Ayoko na isiwalat kung ano man ang katiting kong nararamdamang emosyon na ito. Siguro kasi, kaya ko lang ginagawa ito, dahil alam kong in a way, namatay na nga talaga ang puso ko. Kaya kung anumang emosyon ang biglang sumibol, papalaguin ko ito hindi lang dahil gusto kong gumawa ng iskandalo kundi dahil gusto kong isalba ang sarili ko. Gusto kong makaramdam ulit. At hindi ko lang pala ito gusto, kailangan ko ito. Kaya pasensya na ulit. At sana maintindihan mo.
Sana minsan, kaya kong ihiga ang ulo ko sa balikat mo. Sana minsan kaya ko iyon. Kaya kong hawakan ang kamay mo at sabihin na gusto kita. At dahil gusto kita, gusto kitang maging masaya. Tapos pipisilin ko nang mahigpit ang kamay mo, para lang mas maramdaman mo kung gaano kahalaga sa akin iyon. Pero alam mo iyon, kahit tumabi nga lang sa iyo hindi ko pa din magawa minsan. Well actually, nagagawa ko na naman. Pero hindi pa din purely kebs. Mostly, meron pa ding awareness na hindi ka lang basta katabi. Na ikaw iyon. At hindi kung sino mang iba.
Parang gago lang 'no. Na sa totoong mundo wala naman akong ginagawa (masyado) pero dito sa cyberspace akala mo kung sino akong matapang na kayang busisiin ang bawat pintig ng puso ko. Na kung may cyberspace alter ego ako, ako yung akala mong manliligaw na de-kotse pa with matching bouquet of flowers for you and chocolates and bottle of wine, este vodka. Sa totoong buhay, hanggang chocolates lang naman. Ako nga pala nagbigay sa iyo nun dati. Yung tatlong bars na yun. Hindi ko alam kung naaalala mo pa.
Minsan, kapag mag-isa ako, napapa-isip pa din ako kung magiging matino ba akong boyfriend. Minsan, during my overconfident moments, napapa-isip ako na kung ako nga lang, ang dami ko nang nagagawang mga mini-projects for no one, paano pa kaya kung inspired ako? Paano pa kaya kung meron akong pagbubuhusan ng creativity ko? Yung tipong aalamin ko lahat ng kiliti mo tapos kikilitiin kita paisa-isa muna tapos patindi nang patindi hanggang mapasigaw kang "Tama na, ayoko na, o sige tayo na!"
Hay! (Ilang segundong spaced out dahil nag-iilusyon pa ang lola mo...)
Tapos ayun, kunyari nga nasa kama tayo tapos nagkikilitian, tapos dadalahin kita sa langit alam mo ba? Dadalahin kita hanggang sa pinakamataas na makakaya ko tapos huwag mo na tanungin kasi minsan ganito lang talaga. Huwag mo na isipin masyado kasi hindi naman ako yung kagaya nila na nag-eexpect. Ganito lang talaga minsan. May mga taong dumarating sa buhay natin tapos yun na yun, tanggapin na lang natin.
Tapos ipapa-fall kita sa akin. Ipapakita ko sa iyo na kahit ganito lang ako, hindi naman ako totally olats. Ipapakita ko sa iyo ang hindi pa nakikita ng iba. Hihi! Haha, hindi ito bastos ah. Basta. Pupunuin natin ang buhay natin ng hiwaga tsaka mga unicorns and rainbows and butterflies and zebras and moonbeams and fairy tales and alam mo na ang bilis ko mag-type habang ginagawa ko ito? Haha.
Tawa-tawa na lang. Tawa-tawa. O ano, tara na? Tara! You have nothing to lose. Just take my hand and I'll take you to the moon.
Hay, tingnan mo ako mukha na namang gago. Ganito talaga minsan, tanga-tangahan lang. Dumating na kasi ako sa punto na I've lost it all kaya siguro malakas ang loob ko. I have nothing else left to lose.
Biglang emo eh. Hehe. Pero siguro, ito ang advantage ko sa iba. Hindi yung pagiging emo, kundi yung marami na akong naranasan. Na alam mo na kumpara sa iba, mas alam ko ang mga ginagawa ko. Na ang usual na reklamo mo sa iba ay mas maiintindihan ko.
Hay, tama na. Kasi iyan, tingnan mo. Umalis ka na.
Ang OA kasi. Alam ko naman din yun pero ayoko lang kasing makipaglaro. Eh ganito talaga ako. Madaling ma-excite. Intense. Kaya iyon, mahirap ding sabayan ang trip ko minsan. Naiintindihan ko naman eh. In a fictional way siguro, okay akong character. Okay sanang maging boyfriend. Pero kapag sa totoong buhay na, hindi.
Alam ko naman iyon. Kung pwede lang ano, pumasok na lang sa libro. Para kahit doon, siguro, magiging tayo. Kasi, sa libro na iyon, ako din naman ang sumusulat ng kuwento.
No comments:
Post a Comment