Dilaw ang ilaw sa paligid habang nilalagok ko ang malamig kong Red Horse. Si Mommy at Daddy ang kainuman ko. Si Daddy, wala pang isang baso, lasing na daw. Si Mommy naman, umiinom nga, inuubos naman ang pulutan naming chicharon at Mr. Chips.
Nakikinig kami sa tape recording noong bata pa ako at kakapanganak pa lang ng kapatid kong si David. Narinig ko ang maliit na boses ko nung 3 years old pa lang ako. Ang matamis na boses ni Mommy habang dinuduyan ang kapatid kong si David, pati ni rin ang malalim na boses ni Daddy habang nagchachant siya ng dasal-Buddhist. Umeksena ang makulit na boses ng pinsan kong si Ate Giz, at narinig ko din ang boses ni Lolo Kiko, na ngayon ay patay na. Narinig ko din ang pagkanta ni Tita Grace, at ang garalgal ng mga eroplano sa Paranaque. Pati ang kahol ng aso nila Ka Paping, ang aming kapitbahay.
Tumanda na kaming lahat. Si Mommy at Daddy, may mga white hairs na. Si David, nabaliw na. Si Tita Grace, may asawa na at dalawang anak. Pati si Ate Giz, may baby na din. Ako... Ako, ano nang nangyari sa akin simula noon?
Kakaiba ang pakiramdam habang pinakikinggan ang sarili mong boses noong bata ka pa. Ang cute ko pa nun, at ang bait. "Ito po ba?" Sabi ng munting Bryan sa Mommy nya noon. "Nagpo-po ka pa sa 'min nun e," sabi ni Mommy ngayon.
Nakikita ko ang mga alaala sa mata nina Mommy at Daddy. Parang ang saya-saya pa namin lahat nun. Parang ang sisimple pa ng buhay namin lahat.
Umakyat na si Daddy para patulugin si David, at naiwan kami ni Mommy, magkaharap sa mesa habang ang pusa kong si Baby ay natutulog sa isang upuan.
"Mommy," sabi ko. "May bago akong nililigawan ngayon..."
Tiningnan nya ako. "Sino?"
"Lalaki..."
"Naku... Ano ka ba..."
Tumawa na lang ako. Pinipilit kong ipatindi sa kanya na ang mga taong kagaya ko ay normal. Hindi namin pinipiling maging ganito. Dapat ay suportahan niya ako sa mga ginagawa ko. Kung saan ako masaya, doon ako pupunta.
"Hindi pa alam ng daddy mo..."
"Talaga?" Nagulat ako. Sinabi ko kasi kay Mommy dati na siya na ang bahalang magsabi kay Daddy. Pero hindi niya ginawa, ibig sabihin ayaw talaga ni Mommy na malaman ni Daddy. "Mabuti nga. May pagka-makitid kasi si Daddy..."
"E kasi si David, baliw na. Tapos ikaw... Ganyan ka pa."
"Oo nga. Mahirap nga yun para sa kanya..." sagot ko. "Sa akin ba matatapos ang lahi natin?"
Hindi na siya nakasagot.
Makalipas ang ilang oras, nakahiga na ko sa kama. Nagwawala. Lasing na lasing. Namalayan ko na lang si Daddy sa tabi ko, pinipilit akong kausapin. "Ano ba problema? Bakit ka naglalasing?"
Hindi ako sumagot. Hindi ko masabing hindi ko kayang maging perpekto. Sa pamilya namin, on both sides, ako ang bida. Ako ang pinakamatalino. Pinakamagaling. Bukambibig ang pangalan ko tuwing may mga okasyon ang pamilya. Proud sila sa akin. Pero magiging proud pa ba sila kapag nalaman nilang may boyfriend ako?
Inalalayan ako ni Daddy na bumangon at pinainom ako ng kape. Ang tamis masyado. Panigurado si Daddy ang nagtimpla nun.
"Ganyan ka pala kapag nalalasing," sabi ni Mommy habang pinupunasan ang mukha ko ng maligamgam na tubig. "Dapat huwag ka na mag-iinom..."
"Ano ba ang problema?" tanong pa din ni Daddy.
Hindi pa din ako sumagot. Ang anak mo, sabi ko sa sarili ko. Ang anak mo... Ako ang problema.
Para akong sinapian. Pumipilipit ang katawan ko, ang mga kamay ko. Giniginaw ako. Kung anu-anong tunog ang lumalabas sa bibig ko. Parang boses-bata. Yung boses ko na narinig ko sa recording na pinakinggan namin.
alam mo nakakaiyak ung sinulat mo..as in.. alam mo, mahihirapan nga ang parents mo pag nalaman nila (di mo maaalis un) pero eventually matatanggap din nila un.sila pa din ang mga magulang mo,sila ung mas mag-iintindi sayo..
ReplyDeletehmmm, pamilyar ung style ng pagsusulat mo ah..bakit kaya?
(hikbi)
ReplyDelete(hikbi)
moved me sir. Well, for one thing, kasi nakakrelate ako. Buti nga ikaw, naniniwala pa yung mommy mo sa'yo. Ako, walang naniniwala. Walang nakakaalam. Sinubukan kong sabihin sa kanila, pero alam mo yun, binato lang ako ng mga nakakasugat na pangungusap na binubuo ng talong salita: "tumigil ka nga".
May kaitiran ang utak ng mga magulang natin. Sa totoo lang halos lahat sila, makikitid. May sinabihan akong kaibigan, sabi sa'kin, lilipas din yan. Para bang sakit tong pagka-bisexual ko, lilipas din daw.
walang makakapagsabi kung hanggang kailan ganito...