Monday, June 25, 2012

My Malayogenic Love

Ako ay tumitingin kapag hindi ka nakatingin
Mula sa puwesto ko sa gilid, leeg ko ay namimilipit
Madampian man lang saglit, ng aking mga matang sabik
Kahit na ang iyong batok, sapat na sa puso kong hayok

Hindi mo ba napapansin na hindi kita pinapansin?
Pagkaharap patay malisya, pero pagtalikod bumebengga
Ayoko lang mahalata, mahirap na kapag nawala
Minsan lamang kiligin, sapagkat ako ay mahiyain

Sa ginagawa kong ito, iisipin mong ako'y santo
Na walang kamalay-malay, sa mundo nating tago ang halay
Naku hindi mo lang alam, panaghoy ng aking nakaraan
Kaya ngayon diwa'y hapo, kung saan-saan na lamang dumadapo

Ayos na akong nandyan ka lang, di mayakap o mahawakan
Mga puwang ay di mapupunan, mga blanko'y di makukulayan
Mas okay ang mag-ilusyon dahil sa aking imahinasyon
Mailalapat ko sa iyong pagkatao, ano man ang naisin ko

Kapag ikaw ay nakilala, maglalahong parang bula
Ang mga pangarap kong sa iyo lamang nagkakatotoo
Ayoko nang maramdaman ang masakit na katotohanan
Na hindi ka nararapat, tunay na ikaw ay hindi sapat

Unti-unti kong natatanggap, na hindi ko na mahahanap
Ang kahati ng aking puso, ang sagot sa aking panibugho
Kaya huwag ka na sanang lumapit, agwat nati'y aking ipipilit
Dahil kapag hindi ko nalaman, ang kuwento natin ay walang




katapusan

No comments:

Post a Comment