Sumakay ako sa Ikot. Kakatapos lang namin manood ni LE ng "Ang Huling Araw ng Linggo", isang independent film na ipinalabas sa FC. Naghiwalay kami dahil pupunta pa siya sa SM North para manood ng "Click" with Kenneth. Hindi ko maalala ang mga iniisip ko habang nakasakay ako sa jeep. Hindi ko namalayan na kailangan ko na palang bumaba.
Naglakad ako papuntang apartment, nag-iisip pa din, hanggang makarating ako sa pintuan ng aking tinitirahan dito sa UP. Wala pa si Chase as usual dahil patay pa ang mga ilaw. Ibinaba ko ang aking bag at lumabas muli upang bumili ng dinner.
Habang kumakain ng sandwich (hindi ko feel kumain ng kanin) ay nakikinig ako sa album na irerelease ko this sem. Nang matapos ang aking light dinner, nag yosi ako kahit na hindi naman ako nabusog.
Naglalakad-lakad ako habang nagyoyosi. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. "Ito ba ang buhay na gusto ko?" Tinanong ko ang sarili ko. "Ito ang buhay mo, Bryan? Ito ba ang buhay na nararapat para sa akin?"
Naisip ko ang huli kong blog. Kalokohan. Puro kalokohan ang mga pinagsasabi ko dun. Umupo na lang ako sa bean bag at nag-reflect habang hinihithit ang bagong bili kong Capri.
Pabalik-balik lang ako. Paulit-ulit lang ang mga pinagsasabi ko dito. Sasabihin ko na over na ako sa kanya one day, kinabukasan hindi. Sasabihin ko na lalaki ako ngayon, mamaya hindi pala. Sasabihin ko na natauhan na ako, pero ang totoo hindi pa din.
Sawang-sawa na ako sa ganitong buhay. Naisip ko na lang ang mga kaibigan kong walang ganitong problema. Ang mga estudyante kong puro aral na lang ang iniisip. Sa lahat ng tao sa mundo, kailangan ako pa talaga ang makatanggap nito. Hindi pa ba enough ang mga napagdaanan ko?
Umupo ako at napaiyak na lang habang nakikinig sa "Creep" ng Radiohead. "I'm a creep. I'm a weirdo. What the hell am I doing here? I don't belong here... I don't belong here..."
Matagal na rin akong hindi umiiyak. Ang sarap nang pakiramdam habang inilalabas mo ang mga bagay na gumugulo sa iyong isipan. Kinuha ko ang aking celfone at gumawa ng message para kay Mommy. "Mommy," sabi ko sa text. "Musta na kau jan? Nahihirapan na ko sa gani2ng buhay. Sana and2 ka mommy. Umiiyak ako."
Nahihirapan ako. Hindi ko na alam kung saan ako tutungo. Makikipagbalikan ba ako sa taong mahal ako o magpapakatanga sa isang taong sinaktan ako? Ayoko nang gumawa ng paraan para makilala ang sarili ko. Pagod na pagod na ako. Lahat ng effort ko ay nasayang dahil wala din akong napala. Lalo pa nga akong naguluhan. Hilahin niyo na lang ako. Itulak niyo na lang ako kung saan ako dapat pumunta. Pagod na pagod na ang utak at isip ko at gusto ko munang magpahinga kahit sandali lang.
Binura ko din ang inihanda kong message para kay Mommy. Matanda na ako, inisip ko. May mga panahong hindi na dapat ako humingi ng tulong sa mga magulang ko, sa mga kaibigan ko. Kakayanin ko ito mag-isa dahil matanda na ako. Lahat tayo may kanya-kanyang problema at hindi laging nandyan sila para sa iyo. Kakayanin ko ang mga ito mag-isa.
Naka 100 blogs na ako dito sa Friendster, ngunit ano ba ang natutunan ko? Nakahanap ba ako ng peace of mind sa 100 blogs na naisulat ko dito? Hindi. Sabi ko nga, paulit-ulit lang ang lahat.
Naisip ko si Rhay habang nakikinig sa "My Immortal" ng Evanescence at "Here Tonight" ng Hale. Mamaya ay birthday na niya. Masaya sana kung babalik ako sa kanya at sasabihing "Bumalik na ako Chiyo." Masaya sana kung sasabihin kong "Ikaw lang ang mahal ko." Masaya sana kung ganun pero sa dinamidami nang nangyari, hindi pa rin ako nagbago. Kung ano ako noon, ganun pa din ako ngayon.
Naisip ko si *** habang nakikinig ng "White Flag" ni Dido at "It's You" ni Michelle Branch. Nararamdaman ko na din kung ano ba ang nararamdaman niya sa akin. Sabi ng mga kaibigan ko, hindi siya worth it. Pero hindi niya lang alam, tanggap ko pa din yun. Matatanggap ko kahit ano pa ang mangyari dahil lahat tayo ay tanga sa pag-ibig. Kahit na maging tayo pa man, hindi mo matutumbasan ang lalim ng aking pagkatao. Hindi mo mapapantayan ang lalim ng lahat ng aking mga nararamdaman.
Narealize ko na hindi sex ang issue sa kanilang dalawa. Hindi mahalaga kung ang isa ay lalaki o kung ang isa ay babae. Ang mahalaga ay kung nakuha ba nila ang aking puso. Iyon lang iyon.
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin at tinanong ang aking sarili. "Paano ka na ngayon? Ano na ang gagawin mo Bryan? Masaya ka na ba sa lahat ng mga ginawa mo sa iyong buhay?"
Ginawa ko ito nang mag-isa at hindi ko nagawa. Ngayon hahayaan ko na lang ang lahat ng ito sa Diyos dahil hindi ko na kaya. Kahit na agnostic pa ako, wala nang ibang paraan talaga kundi ang itaas sa kanya ang lahat. Sabi nga ni Haziel, hayaan ko ang sarili ko na maging bata muli at maniwala na basta mag-pray lang ako, masasagot din ang lahat. Maging inosente muli at hayaan ang sariling maniwala na may milagro sa mundo.
Sana nga magawa ko. Sana nga. Dahil bawat araw sa paggising ko, hindi dumarating ang oras na nahihirapan ako.
God, kung nagbabasa ka man ng blog ko. Pakitulungan naman ako. Hindi ko na kaya. Puro tawa at jokes lang ako sa ibang tao pero sa loob ko, alam mo na kulang na lang ay sumigaw ako at umiyak dahil sa hirap na dinaranas ko. Sana mabigyan mo ako ng peace of mind para hindi maisip ang mga ganitong bagay para makapagtrabaho naman ako nang maayos. Sana mapasaya mo ang mga taong nasasaktan ko, lalo na si Rhay kasi birthday niya.
God, bahala ka na sa akin. Kung ano man ang plano mo, hihintayin ko na lang dahil hindi ko na kayang gawin ito nang mag-isa. Alam ko ibinigay mo ito sa akin dahil mahal mo ako at alam mo na malalampasan ko din ang lahat ng ito balang araw.
P.S.
Comment naman diyan, hehe.
Matatanggap ko kaya kung habang buhay pala akong mag-isa? Matatanggap ko kaya kung ang buhay ko ay nakalathala na agad pagkapanganak ko pa lang - sa aking pangalan? Bryan Christian - a strong believer in Christ, at de la Isla - of the island? Maiisolate ba ako sa ibang tao kagaya ng isang island?
Sabi nila, "No man is an island." Dati, natawa na lang ako kasi it fits dahil hindi naman talaga ako isang normal na "man". Pero ngayon, hindi na. Sa lahat nang nagawa ko na at gagawin pa, alam ko na mas lalaki pa ako sa inyong mga straight diyan. Kung pagkatao lang ang sukatan, walang habol ang mga astig niyong asta. Walang habol ang dami ng mga girlfriends niyo. Walang habol ang laki ng mga katawan niyo dahil alam nating lahat na hindi iyon ang sukatan ng pagkalalaki. Nasa pagharap natin ito sa ating mga problema.
No comments:
Post a Comment