Tuesday, August 29, 2006

Ikot

Kung mayroon lang akong dalang tabla nang magkita tayo sa Ikot jeep, hahampasin kita nang paulit-ulit. Walang dapat makagawa sa akin ng mga ginagawa mo. Hindi ko matanggap na ako, si Bryan, ang chemistry cum laudeng marami nang napagdaanan, ay nagiging tanga para sa isang taong hindi man lang ako pinapansin.



Minsan talaga, pinaglalaruan ka ng buhay. Kakasulat ko lang sa "Smile" kung ano ang dapat kong gawin kapag nakita kita muli tapos ngayon... Ngayon! Nang magkasama tayo nang halos limang minuto na iilang talampakan lang ang distansya ay wala akong nagawa! Hindi ko man lang nakuhang tingnan ka kahit patago. Hindi ko kayang iharap sa iyo ang mukha kong nahihirapan dahil hindi ko maintindihan kung bakit ganito pa rin ang nararamdaman ko para sa iyo hanggang ngayon.



Alam ko, wala talaga. Tanga na kung tanga. Nilalabanan ko na siya at naiintindihan kong wala ngang kabuluhan ang lahat ng pinagtitibok ng tangnang puso kong ito. Pero bakit kasi ganun? Bakit ba kailangang sumikip ang dibdib ko hanggang ngayon, dalawang oras pagkatapos mangyari ang lahat? Bakit ba kinailangan ko pang dumayo dito sa Dizontech para lang mailabas ko ang lahat ng ito kahit na dapat ay nasa UP ako at nagtratrabaho.



Tang ina mo! Tang ina mo!! Paano mo nagawa ito sa akin? Bakit ba sa lahat ng tao sa mundo ay sa iyo ko pa dapat maramdaman ang lahat ng walang kwentang damdamin na ito. Sana nagkagusto na lang ako sa iba. Sana hindi na lang ikaw! Para hindi na ko mahihirapan nang ganito.



Kung magagawa ko lang magalit at umiyak ngayon, gagawin ko. Para lang matapos na ito. Hindi ako makakapag-concentrate sa trabaho ko mamaya. Hindi ko na naman maiintindihan ang MS ko dahil maiisip ko ang lahat nang ito. Putang-ina! Ang masama pa dun ay para sa iyo, balewala ang lahat nang ito. Hindi ako mahalaga para sa iyo. At dapat din naman talaga ay hindi ka mahalaga sa akin pero hayup ka! Ano bang nangyayari sa akin?!



Nakuha mo ba ang nais kong sabihin nang papasakay ako sa jeep? Nakuha mo ba ang lalim ng aking tingin nang malaman kong ikaw nga iyon, ang taong gumulo sa buhay ko. Ang taong ipinamukha sa akin na hindi ako tunay na lalaki. Ang taong hindi mawala-wala sa isip ko sa loob ng mahigit isang taon na.



Nagsalita ka, at ininom ko muli ang tunog ng iyong boses. Sinubukan kong lunurin ang sarili ko sa sandaling iyon. Ang limang minutong makakasama ko ang tanging minahal ko na ni isang kusing ay walang ibinalik sa aking pagtingin o pakikiramay man lang.



Bumaba ka kaagad, at dun lang ako muling sumulyap sa kinauupuan mo. Wala ka na. Ni anino ng shirt mo hindi ko man lamang nahuli. Hindi ko muling nakita ang iyong mukha. Ang iyong mga kamay. Hindi ko nagawang tingnan ka habang nandun ka, nakaupo, hindi makakaalis sa kahit anong lalim na titig ang itapon ko sa iyo.



Binigyan na ako ng pagkakataon upang ayusin ang lahat. Upang magawa ang mga nais ko sanang gawin pero wala. Wala akong nagawa dahil wala naman akong puwang sa puso mo.



Balang-araw makakamove-on din ako sa iyo. Balang-araw makakahanap din ako ng iba na magmamahal sa akin. Darating din ang araw kung kailan hindi na iikot ang mundo ko sa iyo. Pero hanggang doon, lalabanan ko pa rin ang walang basehang damdamin ko na kahit ano mang powers ng utak ko ang gamitin ko ay hindi ko pa rin lubusang maintindihan.

1 comment:

  1. The sooner you get over it, the better. Tama na ang mga araw na hindi makapagconcentrate nang dahil sa isang katulad niya!
    Liberate yourself from the memories that you've been holding on. Even if you don't forget everything that happened, as long as you don't let all those memories and the emotions that come along with them control you, you will be free from this suffocating nightmare. Wake up! And when you do wake up, you will then see your long awaited sunshine.

    ReplyDelete