April 29, 2009
Hindi ko alam kung ano ang meron sa umagang iyon nang pinulot ko ang gitara na nakatambak sa faculty room. Siguro wala lang akong magawa. Siguro gusto ko lang magpalipas ng oras. Kung ano man ang tunay na dahilan ko - hindi mo pwedeng malaman.
Tatlong taon na din ang lumipas nang huli akong humawak ng gitara. Apat na taon na simula nang turuan mo ako. At nung hinawakan ko nga ang gitara, hindi ko na maalala ang tamang posisyon ng mga daliri. Kahit ang paborito kong G at C. O ang madaling Em. Hindi ko na maalala. Tanging ang pag-strum lang ang naiwan sa akin. Hindi naman kasi kailangang mag-isip kapag mag-strum ka. Basta sabayan mo lang ang kanta.
Apat na taon na ang lumipas simula nang turuan mo akong mag-gitara. Naalala ko ang hirap ko sa pag-alala ng chords. Kung paano dapat diinan ang mga daliri. Kung gaano kabilis ang paglipat. Naalala ko kung paano mo hawakan ang aking mga daliri para ipunta sa tamang posisyon. At naaalala ko pa rin kung paano mo ako puriin na madali akong matuto.
"Siguro kung maaga kang nagsimula mag-gitara, ang galing mo na ngayon," sabi mo.
Umupo ako sa swivel chair at binuksan ang aking laptop. Nag-search ako sa internet ng chords ng paborito kong tugtugin sa gitara. Yung "You and Me" ng Lifehouse.
"Ano na namang kalokohan yan, Bry?" bigla mong sinabi.
"Wala lang," sabi ko.
Lumapit ka sa aking pwesto at nakita ang chords ng kanta sa screen ng laptop. Kinabahan ako sa iyong magiging reaksyon. Naalala mo ba na ito yung tinutugtog ko nung tayo pang dalawa? Yung mga panahon na feeling ko ay rockstar ako? Yung magrerequest ka kunyari tapos tutugtog ako tapos kiss after?
"Ganito ba 'to?" tanong ko sa iyo kung tama ba ang posisyon ng aking mga daliri.
"Ako nga," sabi mo. Kinuha mo ang gitara.
Naiwan ang mga mata ko sa screen. Hindi man lang kita nilingon. Hinihintay kong marinig kung paano ang tamang tunog ng G. Marinig lang at hindi makita.
"Hindi ko na alam," sabi mo, sabay sauli ng gitara sa akin.
***
May mga bagay na hindi na kailangang sabihin. Yung mga bagay na makikita na lang sa mga mata. Yung mga bagay na maaalala na lang sa mga kanta kagaya ng "You and Me".
Apat na taon na din ang lumipas at ang dami na ngang nagbago. At kahit na may boyfriend na ako ngayon at ikakasal ka na, walang makakakuha ng mga alaalang iyon sa akin. Kahit na ano pa ang mangyari, walang hindi makapagsasabi na hindi tayo nagmahalan dati.
"Tsong, turuan mo ako pumili ng wedding dress," sabi mo, habang nag-brobrowse sa internet.
"Hmm... Ewan. Medyo kulang sa dating... Ito bongga. Ang ganda ng details.This is it!"
"Oo nga. Ito na lang. Ipapagaya ko."
Ngingiti na lang ako. May mga bagay na hindi na kailangang sabihin. May mga bagay na mas mabuti pang huwag na lang sabihin. Kaya ikanta na lang natin.
" 'Cause it's you and me, and all of the people and I don't know why I can't keep my eyes off of you... and me."
Alam kong masaya ka. At masaya din naman ako. Na kahit hindi man ako ang groom, alam kong nakagawa tayo ng paraan para mas magtagal ang ating pagsasama. Na kahit hindi man ako ang ama, asahan mong nasa tabi mo ako kapag dumating na ang baby mo. Mas masaya ako na makita kang masaya. Dahil alam mo namang hindi kita mapapasaya nang buong-buo. Na may mga bagay na hindi ko kayang maibigay.
Gusto mo ako pa tumugtog sa reception mo?
Hehe.
"What day is it, and in what month?"
***
Friends forever, Chiyo and Toy.
Bakit medyo nakakaiyak?! Hahahaha!
No comments:
Post a Comment