Wednesday, April 13, 2011

Ang Tagpuan sa Tayuman

February 7, 2010

Una kong nakita si Chad sa ilalim ng Tayuman LRT Station. Sadyang madungis ang Maynila. Maraming pulubi sa paligid. Marumi ang kalsada at laging may bahid ng itim ang mga pader. Siksikan ang mga tao pati ang mga gusali. Talagang dama mo kahit sa amoy ang kalumaan ng lungsod na ito.

Sa unang tingin ko pa lang kay Chad, alam ko nang halata nga na ito ang mundong kanyang kinagagalawan. Mukha siyang kanto boy. Parang mas payat pa siya sa akin at tayo-tayo ang kanyang buhok kahit na walang gel. Napansin ko rin na meron siyang singsing. Mas maputi siya sa mga pictures niya pero wala namang kaso sa akin yun. Mas gwapo din siya sa pictures niya.

Nung una niya akong nakita, napayuko siya saglit. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nun. Siguro napangitan siya sa akin. Ewan. Kung gwapo kasi ako, siguro mapapanganga siya. Haha. Na-disappoint kaya siya?

Nag-"dress down" din naman ako para sa okasyon na yun. Alam kong hindi siya mayaman kaya ayokong ma-intimidate siya sa pananamit ko. Simpleng T-shirt lang, shorts, at rubber shoes ang sinuot ko. Pero hindi ko maiwasan ang paggamit sa Jansport kong backpack. Wala na naman kasi akong iba.

Lumapit siya sa akin at ngumiti nang kaunti. Hindi siya kinakabahan. Ako din naman, nawala ang kaba ko nang makita ko na siya. Sabagay, ilang beses ko na din ba nagawa ang makipag-meet up di ba? Pinatay ko na ang yosi ko at nagsimula na kaming maglakad papuntang SM San Lazaro.

"First time ko lang dito," sabi ko habang tinitingnan ang aking kapaligiran. Namamangha kasi talaga ako sa Maynila. Kahit dati pa, kapag nadadaanan ko ito sa jeep o sa LRT. Hindi naman ako nadidiri. Mahilig talaga ako sa mga bagong karanasan at sa geography at inisip ko din na kung sakaling may patunguhan kami ni Chad ay nararapat lang na sanayin ko ang sarili ko sa lugar na iyon.

Nagsilbi siyang parang tour guide ko habang kinikilatis ko ang kanyang pananalita at pagkilos. Sa boses, mahahalata mo na bading siya. Sa kilos din. Naisip ko na baka pareho lang kami o baka nga mas halata pa siya sa akin. Una akong nakakita ng ganung kombinasyon - kanto boy na bading. Wala namang kaso sa akin iyon. Natuwa pa nga ako kasi lumaki ang chance ko na baka maging kami. Kahit papaano naman siguro, mas may laban na ako. At least yung ang naisip ko.

Pumasok kami sa SM at naghanap ng lugar na pwede mag-usap. Naisip ko na pwede kaming mag-kape pero wala palang Starbucks sa SM na iyon. Walang hang out place sa labas kung saan pwede mag-yosi kaya umupo na lang muna kami sa may rampa para sa disabled sa may entrance.

Natuwa ako na nag-yoyosi din siya. At umiinom kahit na madali daw siyang malasing. Kun sakali, tipong magiging katropa ang kakalabasan ng relasyon namin. Nakakatawa kasi yun naman talaga ang hinahanap ko din ngayon. Isa yun sa mga dahilan kung bakit kami nag-break ni Dan.

Sa mga kwento niya, nadama ko na talagang magkaiba ang mga mundo namin. Halos opposite nga sila ni Dan. Kung si Dan ay may pagka-sophisticated at medyo spoiled, si Chad naman ay may pagka-simple at dumaan talaga sa hirap. Kung tutuusin, nasa gitna siguro ako nilang dalawa pero mas hinangaan ko si Chad dahil pareho kaming dumaan sa hirap. "Labor builds character" sabi nga nila. Namamangha na lang ako na kung ano talaga ang hinahanap ko, iyon ang natatagpuan ko.

Napunta kami sa third floor ng SM at pinanood ang dragon dance na ginawa ng mga Chinese students sa first floor lobby. Doon din kami nakapag-usap nang matagal at doon ko din talaga siya nakita. Gwapo naman pala siya. Hindi lang halata sa unang tingin. At hindi lang gwapo. Siya yung gwapo na type ko. Natuwa ako siyempre pero kahit nung una ko pa naman siyang nakita, desidido na ako sa kanya. Kapag gusto ko, gusto ko. Pareho man ang mukha sa picture o hindi.

Ayos naman ang naging usapan namin. Wala namang tensyon. Nagtatawanan din kami minsan. Feel kong at home ako sa kanya. Hindi kagaya nung kay Dan na para ba akong umaarte na lang minsan. Ang hirap kasi laging mag-English at kapag laging nakabantay ang mga magulang niya.

Ang pinaka-tumatak sa isip ko na pangyayari ay nung pababa na kami sa escalator. May matandang babae na nahihirapan bumaba kasi hindi niya siguro masabayan ang bilis ng escalator. Hindi niya maihakbang ang paa niya. Tumulong agad si Chad sa babae at inalalayan niya.

"Ang bait mo pala," sabi ko sa kanya noong nakababa na kami. "Kung ako kasi iyon, hahayaan ko lang yung babae."

Tumawa siya. "Hindi naman kasi tayo makakababa hanggang di ko siya tutulungan di ba?"

"Ako kasi hindi ko alam ang gagawin. Baka matumba lang kami."

"Sa totoo lang, kinabahan din ako dun. Ang bigat kasi niya," sabi niya, at tumawa na lang kami pareho.

Gusto ko pa sanang mas matagal siyang makasama kaso may pupuntahan pa siyang burol ng kaibigan niyang namatay sa lung cancer. Habang naglalakad kami pabalik sa LRT station, binanggit niya ang pagpunta namin ng mga kaibigan ko sa Enchanted Kingdom sa Feb 14. Inimbitahan ko kasi siya na sumama.

"Sama ka na," sabi ko.

"Naku. Hindi pa ako sigurado."

"Alam mo, mahirap mapag-isa sa Valentine's. Mas masaya kapag may kasama ka di ba?" sabi ko sabay tawa. Nagulat ako sa sarili ko. Ang bilis ko yata.

"Sabagay... Sige na nga," sabi niya.

Napa-yehey na lang ako.

Hinatid niya ako hanggang sa may hagdanan ng LRT station. Hanggang sa pagtawid.

"Ang bait mo talaga. Hinahatid mo pa ako," sabi ko.

Napatawa na lang siya.

Nag-usap pa din kami nang ilang minuto bago ako umakyat sa LRT habang inuubos namin ang aming mga yosi. At bago ako umalis hinawakan niya ako sa braso. Mas touchy siya kumpara sa akin. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng ginawa niya, o kung meron nga bang kahulugan yun.

"Sure ka na sa EK, ha?"

Hindi siya nakasagot. Napasimangot tuloy ako.

"Basta itetext kita," sabi niya.

Nakasimangot pa din ako.

"Itetext kita."

Habang paakyat na ako, iniisip ko pa din kung may patutunguhan nga ba kami. Sa kanya lang naman nakasalalay ang kasagutan. Basta ako, gusto ko siya. Liligawan ko siya, basta bigyan niya lang ako ng pagkakataon. Inisip ko na kung ayaw niya talaga sa akin at naging mabait lang siya, hindi na siya magtetext. Hinanda ko na din ang sarili ko sa ganung sitwasyon.

Pero nag-text siya, mga ilang minuto lang ang lumipas. Sabi niya, sobrang nahihiya daw siya sa akin kasi ang layo ng nilakbay ko at ilang oras lang kaming nakapag-usap. Nagpapasalamat siya sa oras ko. Naisip ko na ang bait talaga niya at naiisip pa niya ako. Naalala ko tuloy si Darwin na noong nililigawan ko ay kahit minsan ay hindi nagsabi sa akin nang ganun. Lalo lang tuloy nahulog ang loob ko kay Chad.

Nag-reply ako at sinabing wala iyon. Ni minsan hindi ko kasi naisip na effort ang pagpunta ko sa Tayuman para makita siya. Para sa akin, advantage ko pa nga iyon na makilala siya.

***

Ngayon, nababaliw ako. Hindi ako mapakali. Masaya ako kasi may bago na akong gustong mahalin pero halos hindi ko matiis ang paghihintay sa mga reply niya. Tingin ako nang tingin sa fone. Paranoid. Alam ko namang hindi siya nakakareply minsan dahil hindi rin siya sagana sa load, lalo na't magkaiba kami ng network. Pero sobrang kinakabahan ako kasi baka nawala na ang interes niya sa akin.

Hindi ba kung gusto mo yung tao, mag-rereply ka agad?

Hay, bahala na. Basta ang alam ko lang, gagawin ko ang LAHAT nang kaya kong gawin para lang maging kami. At kung hindi man at hindi niya pala ako kayang mahalin, masaya na din ako at kahit papaano nakasama ko siya.

Alam kong marami pa diyan pero sa ngayon, ayoko na maghanap ng iba pa.

Sana siya na nga. Sana.

No comments:

Post a Comment