Wednesday, April 13, 2011

Indie Film

March 31, 2011


Tatlumpung minuto na siguro akong naghihintay sa Ministop at nagsisimula nang magising ang mga mag-jojogging. Tinitingan ko sila maigi dahil baka may makakilala sa akin. Tinitingnan na ako ng nagtitinda ng taho na nakapwesto sa may mga stalls sa Philcoa at nabobother na ako. Iniiwasan ko siya ng tingin. Parang alam niya kasi ang gagawin ko at hindi nakaktulong na guilty nga ako. Tinapon ko ang pangatlo kong yosi at tinapakan ko ito. Magsisindi pa sana ako ng isa nang nag-vibrate ang fone ko.

"Hello?"

"Nasaan ka na?"

"Nandito sa..." at sinubukan kong hinaan pa ang boses ko dahil parang nakikinig si manong vendor.

Sabi niya naka-pulang jacket daw siya. Ayos. Para madaling makita dahil mga ilang oras pa bago lumabas ang araw.

Maya-maya andun na nga siya. Nakita niya ako at parang nagulat siya. Hindi siya lumalapit sa akin.

Putek, naisip ko. Ako pa ba ang lalapit sa kanya?

Nagtitinginan lang kami pero walang gumagalaw sa amin. Lumipas ang ilang minuto at nagsimula na akong magduda kung itutuloy ko pa ba ito.

Ilang napakahabang mga minuto pa ang lumipas at nagsimula na siyang maglakad papunta sa sakayan ng bus. Ilang bus na ang dumaan pero hindi niya pinapara.

Nag-vibrate ulit ang fone ko. Nag-text siya. Sumunod daw ako kung gusto ko.

Nakangiti akong tumawid papunta sa tabi niya.

"Bakit di ka lumalapit?" tinanong ko siya.

"Di kasi ako sigurado kung ikaw nga yun."

Nakakagulat na medyo puno pa din yung bus kahit na ganung oras na. Ang daming lasing. Yung iba maingay. Yung iba tulog na. Meron pa ngang mga babae na mukhang pokpok ang porma at pananalita.

Ganito na din ba ako ngayon? Pokpok?

Magkatabi kami pero hindi ako dumidikit sa kanya. Halos one-fourth nga lang ng pwet ko ang nakaupo. Lumapit ang konduktor para tanungin kung saan kami.

"Dalawang Palmera," sabi niya. At mabuti naman at siya ang nagbayad ng tiket.

Hindi pa ako nakakapunta sa Palmera sa buong buhay ko, pero bahala na kung saan man niya ako dalahin. Bahala na. Basta sabi niya, bahay naman niya yun. Ang alam ko lang, nag-eenjoy ako sa mabilis na pagtakbo ng ordinary bus na parang rollercoaster. Ang sarap ng hangin. Exciting. Na-disconnect ako sa buhay ako at wala akong iniisip about my future or my past. Naisip ko tuloy yung kanta ni Avril.

I don't know who you are, but I'm... I'm with you.

Ang layo din pala ng Palmera na yun. As in nasa kadulu-duluhan na yata ng kalsada at talagang amoy-probinsya na ang paligid. Madilim pa din ang langit nung bumaba na kami ng bus, at pumunta muna kami sa isang bakery. Kilala siya nung tindera at nagbatian sila. Nasa malayo ako kaya hindi ko naririnig ang pinag-uusapan nila pero mukha naman siyang mabait dahil nakangiti sa kanya yung tindera. Bumili siya ng tinapay at dalawang bote ng mineral water. Na-touch ako at inisip niya ako.

Sumakay kami ng tricycle papunta sa isang parang townhomes. Ang tarik ng mga kalsada, parang Teletubby land. Marami pang mga bahay na mukhang hindi pa tapos. Naalala ko tuloy si Jarth at ang mga ginawa namin sa loob ng mga bakanteng model houses malapit sa bahay niya.

Pagbaba ng trike, sinubukan kong hulaan kung saan ang bahay niya. Kaso naglalakad siya papunta sa damuhan at naguluhan ako. Maya-maya nandun na din ako mismo sa damuhan. So open air effect ba ang trip nito? Don't tell me dito sa bakanteng bahay na...

Pero hayun, binuksan na nga niya yung pinto. Walang doorknob. Walang lock man lang. Tinulak lang niya at bukas na nga. Kinabahan ako, pero bahala na. Mukha naman siyang mabait.

"Tuloy ka."

Wala akong makita sa loob. Nagsindi siya ng kandila.

At nakita ko na ang sinasabi niyang sarili niyang bahay.

Walang pintura ang mga pader at kita mo pa yung mga hollow blocks. Wala ding kisame. Yero agad sa taas. May mga pako at hanger lang sa pader. May isang kama sa isang sulok. Isang upuan. Isang mesa. Walang ni isang appliances. At least may matinong banyo.

"Pasensya na ha. Wala pa kasing kuryente dito. Maupo ka muna." Tinuro niya ako sa kama.

At dun ko nalaman na kahoy lang pala ang kama niya.

"Kain ka muna," sabi niya, at inabot niya sa aking yung binili niyang tinapay.

"Sige, busog ako. Painom na lang ng tubig."

Naligo muna siya at dahil wala pa nga akong tulog nun, hinahabol na ako ng antok. Humiga na ako sa kama niya. Hindi naman siguro ako makakatulog agad.


Maya-maya tumabi na siya sa akin sa kama. Umupo siya at nagsindi ng yosi. Naghintay ako kung ano ang mangyayari. Ang tahimik. Walang ingay kundi ang pagtilaok ng mga manok sa malayo. Tiningnan ko siya pero hindi naiilawan ng kandila ang mukha niya. Niyakap ko na lang siya.

Uminit. Pero hindi dahil sa pagsikat ng araw.

Patapos na akong maligo nang maisip kong hindi pala ako humingi ng tuwalya sa kanya. Hahawiin ko na sana ang kurtina para tawagin siya nang biglang inabot niya ang tuwalya. Natuwa ako at hinihintay niya pala ako. Paglabas ko, dun ko lang nalaman na see-through pala ang kurtina na yun kapag maliwanag sa banyo. So pinapanood niya pala ako maligo. Buti pala naligo lang talaga ako.

Bumalik ako sa kama niya at dahil maliwanag na, doon ko lang nakita ang mga pictures na nakapatong sa mesa katabi ng kama niya. Puro pictures nila ng nanay niya. At pictures niya na nagsasayaw. May trophy din sa gilid.

"Ah, D. I. ka pala?"

"Oo."

"Wow. Mahilig din ako sumayaw. Pero hindi ballroom..."

Paubos na ang yosi ko nang sinabi niyang matulog na daw muna ako dun. Magpahinga daw muna ako bago ako umalis. Iniba ko na lang ang usapan.

"Uwi na ako," sinabi ko na lang bigla.

"Ayaw mo matulog muna?"

"Hindi. Dun na lang ako sa amin..."

Hindi ko siya matingnan dahil halata sa boses niya ang lungkot niya.

Nasa bus na ako pabalik nang maisip ko ulit ang mga pictures niya na naka-frame. Naalala ko kung gaano siya ka-proud kapag nababanggit niya ang nanay niya. Naalala ko yung hanger sa pader. Naalala ko yung nag-iisang upuan. Yung nag-iisang mesa. Naisip ko kung gaano kalungkot na mabuhay mag-isa dun at medyo nagsisi ako dahil iniwan ko siya. Wala din naman akong gagawin. Matutulog lang naman. Nagsisi ako sa kaartehan ko. Pero alam ko na hindi talaga ako pwedeng mag-stay.

Siguro nga malungkot lang talaga ako kaya ako sumama sa kanya. Pero naisip ko na may mga tao pa siguro na mas malungkot sa akin.

Nasa Philcoa na ako nang maalala kong hindi ko man lang pala natanong ang pangalan niya.




No comments:

Post a Comment