Wednesday, April 13, 2011

Battle of the Exes

March 13, 2011


"Kanina nakita ko sa pinapanood mo sa akin na video yung kantang "Gravity"."

"Ah oo, para sa ex ko yun."

"Para sa ex ko din."

At nagsimula kang kumanta ng "Gravity".

Minsan wala ka din talagang pakialam 'no? Hahaha. Alam mong andun ako. Ako ang kasama mo at siya iniwan mo na siya. Meron na syang iba. Pero tanga ka pa din. Bulag. Kulang na lang itulak kita sa marupok na hagdan ng fire escape sa inis ko.

"Pahawak nga ng kamay," sabi ko.

Binigay mo ang kamay mo at pinisil nang sobrang higpit ang kamay ko. Napa-aray na lang ako.

"Ang weak mo naman," sabi mo.

"Ako, weak? Sino bang hindi maka-move on?"

At tumawa ka na lang at tumingin sa malayo.

"Isang sabi ko lang ng 'blueberry cheesecake' iiyak ka na eh."

Tumawa ka.

"O, iiyak ka na?" biro ko, dahil napansin kong mukhang basa na naman ang iyong mga mata.

"Hindi ah," sabi mo. At naalala ko tuloy nung lasing ka sa Beanstalk at paulit-ulit mong sinabi sa sarili mo na "I will not cry in public!".

Kumanta ka pa ng isang kanta para sa ex mo pero dahil sa pagtitiyaga ko, nakalimutan mo din ang sarili mo at binigay mo nga sa akin ang kamay mo. Hindi ka nakatingin sa akin, at medyo naaasar ako dahil ang sweet sana kung makuha ko ang iyong tingin. At hindi mo hinahawakan ang kamay ko pabalik.

Maya-maya nakayakap na ako sa iyo. Niyakap kita nang mahigpit kasi matagal na ding hindi kita nayakap. Gusto ko sanang mapadama sa iyo kung gaano kita kagusto. Na pinipigilan ko lang ang sarili ko na ibigay sa iyo ang lahat. Mga ilang minuto din ang lumipas bago ko namalayang hindi ka na pala kumakanta ng kanta niyo ng ex mo. At nung tiningnan kita, nakapikit pala ang iyong mga mata.

***

Kiniliti mo ako sa jeep.

"Oy, ano problema?" tanong mo.

"Wala."

Hindi kita kinakausap sa jeep. Okay sanang maging tour guide ako dahil first time mo dito sa UP Diliman pero nag-iisip kasi ako. Iniisip ko kung kaya ko bang maging tanga para sa iyo. Iniisip ko kung kaya mong kalimutan ang ex mo para sa akin. Iniisip ko kung ginagamit mo lang ba ako kagaya ng paggamit sa akin noong nauna sa iyo. Iniisip ko kung worthy ka ba talaga sa feelings ko. Akala ko dati kaya kong makasama ka kahit na obvious na hindi ka pa over sa kanya. Wala namang expectations, sabi mo nga. Wala naman dapat talaga.

Pero minsan pala mahina din ako. Na minsan ako naman ang nangangailangan ng yakap. Hinahanda ko na ang sarili ko na hindi magiging tayo. Mabuti na yun. Matanda na ako at marami na akong napagdaanan. Marami na akong natutunan. Sana lang hindi mo ako niyakap noon sa bahay. Sana hindi mo na lang din ako hinalikan, kung wala din pala yun sa iyo.

Naalala ko tuloy ang una kong boyfriend. Kung tutuusin mas mahirap siyang ligawan kesa sa iyo. Pero kami pa ang mas nagtagal sa lahat. At least umabit kami sa "exclusive" stage bago niya ako sagutin. Tayo kaya?

***

"Bakit hindi ka tumatawa?" sabi mo pagkasakay natin sa bus.

"Wala."

"Okay ka lang?"

"Oo."

"Talaga?"

"...Oo."

At tinuloy mo lang ang iyong nonstop texting. Maya-maya, nakahiga na ang ulo mo sa balikat ko.

Na-appreciate ko yun. Hindi lang dahil sa kailangan mong lumiyad para lang maihiga ang ulo mo (ang tangkad mo kasi) kundi dahil nag-risk ka sa PDA na yun, kahit na hindi ka out. At hiniling ko na sana naman may konting laman ang balikat ko para hindi puro buto ang natatamaan mo. Para may cushion, lalo na kapag mauga ang bus. At naalala ko din ang ex ko, at ang blog ko about our bus trip na may ganito ding paghiling tungkol sa shoulder ko.

"Ok ka lang ba talaga?" tanong mo ulit habang naglalakad na tayo sa bus station na papunta sa inyo.

Tumango lang ako.

***

Nasa bus na ako pabalik ng Philcoa. Naka-dalawang text ka na pala.

"Kamusta ang araw mo sir?" ang laman ng isa. At doon ko lang na-appreciate na for the first time, binisita mo din ako dito. Na ako ang naging dahilan kung bakit ka unang nakatuntong sa Quezon City.

***

Masaya na sana ako. Kung di ka lang nag-text kinaumagahan ng (according to you) nakakakilig na quote na: "I can't be your boyfriend. But it doesn't mean that I don't love you."

Mas mahaba ang ligawan mas maganda. Kasi dun mo malalaman kung gaano kita kagusto. At doon ko din lang talaga malalaman kung gaano din kita kagusto.






No comments:

Post a Comment