Wednesday, April 13, 2011

Minsan Kapag Gumawa Ka Ng Tula

June 3, 2010

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Wala ka lang kasing magawa

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Wala ka nang pakialam
Kung may saysay man
O ritmo
Basta ilabas mo lang
Kung anuman ang nasa
Saloobin mo

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Wala ka nang pakialam
Kung magmumukha ka bang tanga
O emo
Dahil alam mong mas mahalaga
Kaysa sa iisipin ng iba
Ang sarili mo

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Masyado ka lang sigurong malungkot
Na hindi mo na pinaplano
Kung anuman ang susunod na mga salita
Sa tula mo
Basta hahayaan mo lang
Ang mga daliri mo
Ang diwa mo
At umasa na kahit papaano
May makakaunawa
Sa iyo

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Masyadong lang sigurong masakit
Ang mga naranasan mo
Dahil lang sinunod mo
Ang puso mo
At ang mga tao sa paligid mo
Ay wala ding masisisi
Kundi ikaw
Alam mong tama sila
Pero mali din

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Masyado lang sigurong masakit
Na kahit na isinusulat mo na nga
Hindi pa rin ito sapat
Para mabawasan
Ang sakit
Ng lahat
Ng lahat-lahat

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Hindi na ito dumaraan sa utak mo
Parang luha lang
Na hindi na kailangan bigyan
Ng pahintulot
Ng isip mo
Papatak na lang
Bigla

Minsan kapag gumawa ka ng tula
Iniisip mong maraming ka kasing
Dapat sabihin
Pero kapag nasimulan mo na
Wala ding kuwenta
Kasi ikaw mismo
Sa sarili mo
Hindi naniniwalang
Tuluyang maiintindihan
Ang puso

Minsan
Minsan kapag gumawa ka ng tula
Wala
Wala ka na kasing
Wala ka na kasing magawa


July 1, 2010


No comments:

Post a Comment