Wednesday, April 13, 2011

Para Kay David

October 5, 2010


Minsan naiisip ko na siguro kung hindi nabaliw yung kapatid ko, mas matino siguro ako ngayon. Siguro, mas hindi ko mararamdaman ang pag-iisa kasi may mas makakausap ako. Yung alam kong merong taong nasa likod ko. Siyempre hindi ako iiwan nun kasi kapatid ko yun eh. Kaso bakit ba kasi siya nabaliw... Ako lang tuloy ang inaasahan ng pamilya namin. Hirap na hirap na din minsan. Hindi ko naman maipaliwanag sa mga magulang ko na hindi ko na nga din maiayos ang sarili kong buhay. Paano ko pa kaya sila kakayanin?



Dati maglalaro kami nun ni David maghapon. Yung mga tau-tauhan namin. May mga adventures talaga sila. May mga kalabang laruan. Sasakay kunyari sa pencil case at magpupunta sa ibang lugar. Magpapatugtog ako ng mga cassette tapes ko tapos may concert yung mga laruan kunyari. Minsan swimming party sa tabo. Ang saya lang sanang isipin na talagang close kami noon. Tapos ngayon, iniwan na niya si kuya...



Hirap na hirap na din si kuya, David. Buti ka pa, naiwan ka sa pagkabata mo. Buti ka pa... Hindi ka na tumatanda. Minsan... Minsan gusto ko na ding sumunod sa iyo. Kaso ako na lang aasahan nila Mommy. Kailangan kong kayanin lahat-lahat ng ito. Para din sa iyo. Para may panggamot ka at hindi ka masyadong magulo diyan sa bahay.



Sana nakakausap pa kita. Kasi pakiramdam ko kaya mo akong intindihin. Kasi pareho din naman tayong baliw. Hahaha.



Hay tama na. Iyak-iyak na dito si kuya o. Baka magising mga roommates. Di bale darating yung araw na magiging matatag na din ako. Na kaya ko nang harapin yung mga tinatakbuhan kong responsibilidad. Sana lang, nandito ka para tulungan mo ako. Kahit konti lang. Hehe.



David. Miss na miss ka na ni kuya.







No comments:

Post a Comment