Wednesday, April 13, 2011

Mga Gamit Pang-Emo

July 24, 2009

Pasuray-suray na umuwi sa dormitoryo. Magpanggap na hindi lasing kapag nakita ng security guard. Huwag makipag-usap dahil maaamoy ang alcohol sa iyong hininga. Pagdating mo sa lobby makikita mo ang crush mong cute na gustong-gusto mo na talagang i-sex. Habang naglalakad siya, sinundot niya ang kanyang sariling puwet. Hindi ka napuwing, alam mong sinundot talaga niya. Tinigasan ka bigla pero wala kang magagawa dahil marami pang tao sa lobby. At saka tanga ka dahil tinarayan mo siya noong una ka nyang kinausap. Noong gabing kating-kati siya. At dobleng tanga ka pa dahil lagi kang may kasamang babae. Paano ulit lalapit yan?

Umakyat sa hagdan at iwasang magpakahulog. Kumapit sa hawakan at pakinggan ang ingay ng mga Koreans sa second floor. Tingnan ang bughaw na ilaw ng wifi router. Akyat pa sa third floor at tingnan ang nakabukas na pinto ng crush mong hunk. Hanggang tingin ka lang naman dahil alam mong wala kang pag-asa sa kanya. Derecho sa dulo ng corridor. Kunin ang pulang susi mula sa iyong bulsa at buksan ang pinto ng iyong kuwarto.

Patay ang ilaw. Alam mong tulog na agad ang iyong mga roommates. Umupo ka sa kama at buksan ang lampshade. Nailawan ang napakagulo mong mga gamit sa mesa, sa kama, sa sahig. Nakikita mo ang librong sinulat mo para sa kanya noong first anniversary niyo sa ibabaw ng mesa. Nasa ilalim naman ng mesa ang mga sinoli niyang damit na binili mo para sa kanya. Nasa cabinet pa si Cookie Monster, ang mascot ninyo. Nasa drawer pa ang grad pic niya. Yung mga CD's na binigay niya para suyuin ka noong nagtampuhan kayo, nakakalat din sa mesa kasama pa ang Skyflakes na binili niya para sa iyo noong inatake ka ng food poisoning.

Tanungin ang sarili kung bakit ayaw mo pang itapon ang mga ito. Hindi mo maiwasan ang sagot na lulutang sa utak mo - mahal mo pa din kasi siya.  Matutulala ka na lang.

Maya-maya, buksan bigla ang iyong bag. Ilabas ang tirang softdrinks mula sa iyong merienda. Buksan ang gilid na zipper at ilabas ang kaha ng Dunhill Frost. Kunin ang lighter mula sa iyong bulsa. Hagilapin mula sa kama ang mp3 player at earphones. Nilatag mo ang mga ito sa kama at tiningnan. Handa na ang mga gamit mong pang-emo.

Lumabas ka sa dorm at umupo sa parking lot. Madaling araw na pero ayos lang. Hawak mo ang sarili mong oras. Ipasok ang earphones sa tenga at huwag i-shuffle ang mga kanta. Patugtugin ang "Heart Like a Wheel" folder. Sindihan ang stick ng yosi. Higupin at ibuga ang unang usok. Ibuga paitaas dahil gusto mo itong makitang papunta sa langit. Tumawa nang bahagya dahil naalala mong lasing ka pala dapat. Umiyak nang bahagya dahil naalala mo kung bakit ka naglalasing.

Ayaw mo nang mag-isip. Ayaw mo na.

Pero masakit lang talagang malaman na hindi ka pala niya talaga minahal. Akala niyong dalawa minahal ka niya. Pero hindi pala.

Hithit.

Buga.

Konting masakit lang naman. Kasi kahit ganun pa man, alam mong mahal mo pa din siya hanggang ngayon. Nagpapanggap ka lang na hindi.

Pumasok ka na sa dorm. Ni hindi mo naisip na hintayin pa ang pagsikat ng araw.

Pagdating mo sa labas ng kuwarto, pulutin mo ulit si Cookie Monster mula sa basurahan.

No comments:

Post a Comment